32,645 total views
Dismayado ang grupong Alyansa Tigil Mina sa pahayag ni House speaker Gloria Macapagal Arroyo na
dapat itaguyod ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagmimina sa bansa.
Ayon kay Jaybee Garganera – National Coordinator ng ATM, ipinakikita lamang nito ang pagiging anti-poor ng dating pangulo at ang kan’yang pagwawalang bahala sa negatibong epekto ng pagmimina sa kalikasan.
Ayon kay Garganera na sa halip na magsulong ng mapanirang industriya ay dapat na isinasaayos ng DENR ang regulasyon at implementasyon ng mga batas upang hindi umabuso ang mga kumpanya ng minahan.
Ikinalulungkot ng grupo na hindi nakikita ng mambabatas ang negatibong dulot ng pagmimina sa mga komunidad at ang naiaambag nito sa pagbabago ng klima sa mundo dahil sa paniniwalang magiging malago ang ekonomiya ng bansa kung malakas ang mining industry.
“This attitude of Speaker Arroyo exposes her true agenda that is anti-poor and her narrow perspective that refuses to recognize the negative impacts of irresponsible mining. Our alliance is deeply frustrated that Speaker Arroyo fails to understand the distinct role of the state to regulate business practices, and ensure that economic interests of corporation are balanced with social justice for communities and ecological balance for the planet,” bahagi ng pahayag ni Garganera
Matatandaang noong senador pa lamang si Arroyo ay isinulong nito ang pagpapatupad ng Philippine Mining Act of 1995 o RA 7942.
At nang maging pangulo ito ng bansa ay naipatupad ang Executive Order 270-A noong 2004 na nagpabilis sa pagsisimula ng operasyon ng 40 malalaking proyekto sa pagmimina.
Ayon sa ATM ngayong isa namang House Speaker si Arroyo ay plano nitong ipasa ang bersyon ng cha-vha at pederalismo na magpapalakas sa mining industry at magbibigay oportunidad sa mga banyagang nais magmay-ari ng mga lupain sa Pilipinas.
Sa katuruan ng simbahan, sinabi ng Kanyang Kabanalan Francisco sa Encyclical na Laudato Si na kinakailangang maging mapagmatyag ang mamamayan upang bantayan kung moral ang ipinapasa at ipinatutupad na batas ng mga nasa pamahalaan at kung ito ba ay makabubuti para sa bawat isa.