25,125 total views
Nagtipun-tipon ang mga makakalikasang grupo kasama ang ilang faith-based organization sa pagsisimula ng isang linggong Global Climate Strike.
Kinalampag ng mga envorinmentalist ang tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources at Department of Agriculture, upang ipanawagan ang pagsusulong ng malinis na enerhiya at maisulong ang sustainable agriculture para sa kapakanan ng mga magsasaka sa bansa.
Pinangunahan ng mga kabataan ang ginawang Youth Climate Strike sa University of the Philippines sa Diliman Quezon City upang ipakita ang aktibong pakikisangkot sa mga usapin tungkol sa kapaligiran at sa klima.
Ayon kay Madelene De Borja – NCR Coordinator ng Ecological Justice League, tungkulin nilang imulat ang kapwa nila kabataan sa tunay na kalagayan ng kasalukuyang daigdig at kung paano ito maililigtas.
Iginiit pa ni De Borja na mahalagang mahimok ang pamahalaan na magtakda ng mga hakbang upang masagip ang kalikasan para sa susunod na henerasyon.
“Kami yung magmamana ng kinabukasan at ano yung estado ng mga mamanahin namin, tubig, lupa at hangin? Kaya kami sa sektor ng kabataan patuloy kami sa pag-oorganisa, pagmulat ng mas maraming kabataan, at ito yung panawagan namin sa gobyerno, ito yung dapat nating gawin, i-save yung future ng mga kabataan.” Pahayag ni de Borja sa Radyo Veritas.
Hinimok rin ng CBCP NASSA/Caritas Philippines ang mamamayan na patuloy na makiisa sa mga susunod pang gawain bilang bahagi ng isang linggong Global Climate Strike.
Ayon kay Fr. Edwin Gariguez – Executive Secretary ng komisyon, mahalaga ang malawakang pagkilos na ito upang ipadama sa pamahalaan ang pagkaalarma ng mamamayan hinggil sa nagaganap na pagbabago ng klima.
Naniniwala si Father Gariguez na sa ganitong mga pagtitipon ay mahihikayat ang pamahalaan na gumawa ng kongkretong hakbang na isulong ang paggamit ng renewable energy upang maalis at maipasara na ang mga coal fired power plants.
“We need to raise the alarm thru this global protest to demand our governments to address climate emergency, and to reduce emission by adopting renewable energy policy. We also encourage people to do their part in caring for and saving our common home!” Pahayag ni Father Gariguez.
Ngayong 2019, tinatayang 150 mga bansa, kabilang na ang Pilipinas, ang nakiisa sa Global Climate Strike, habang sa buong mundo ay tinatayang 3,500 iba’t-ibang aktibidad para sa kalikasan ang isasagawa.
Sang-ayon sa pahayag kamakailan ng Santo Papa ang mundo ngayon ay nahaharap sa isang Climate Emergency kaya naman marapat lamang na mag-sama-sama at pagtulungan ang lahat ng tao sa mundo anuman ang kanilang katayuan sa buhay.