27,790 total views
Muling pinangunahan ni Apostolic Vicariate of Puerto Princesa Palawan Bishop Socrates Mesiona ang pagtatanim ng mga puno sa isang bahagi ng Brookes Point Palawan.
Ito ay bilang pagpapatuloy ng proyekto ng Apostolic Vicariate of Puerto Princesa at ng Augustinian Missionaries of the Philippines-IP Mission na nagsimula pa noong Agosto ng 2018.
Layunin ng proyektong na makapagtanim ng sampung libong mga puno sa loob ng isang taon.
Sinabi naman ni Bishop Mesiona na ito rin ay bilang pagtugon sa panawagan ng Kanyang Kabanalan Francisco na pangalagaan ang kalikasan.
“Kami po dito sa Puerto Princesa ay nakikiisa sa panawagan ng ating Mahal na Santo Papa na pakaingatan natin ang ating kalikasan, kaya bilang tugon kami po ay nagsisikap na makaambag sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga punong kahoy.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Mesiona sa Radyo Veritas.
Umaasa ang Obispo na ang kanilang munting proyekto sa lalawigan ng Palawan ay magsisilbing inspirasyon upang mas dumami pa ang mga taong nagpapamalas ng pangangalaga sa kapaligiran
Hinimok din nito ang mamamayan na paigtingin pa ang pangangalaga sa kalikasan, sa pamamagitan ng maliliit na gawain, o magkakaiba man ng pamamaraan.
“Sana po ito ay maging inspirasyon din para sa iba na pagingatan natin ang ating kalikasan at magtanim po tayo ng mga puno.” Dagdag pa ng Obispo.
Ang forest enhancement program ng simbahan ay tinatawag din na plant-a-tree-for-food dahil ang mga katutubong tumutulong sa pagtatanim at pangangalaga ng mga puno ay nakatatanggap ng monetary incentive.
Ayon kay Bishop Mesiona, sa kasalukuyan ay mahigit na sa sampung libong mga puno ang kanilang naitanim, gayunman inaasahan na nito na maaaring hindi lahat ng halaman at mabuhay kaya naman patuloy ang kanilang monitoring sa mga project sites na Brgy. Mainit at Brgy. Aribungos kasama na rin ang ilang bahagi ng Mount Mantalingahan Protected Landscape.