46,189 total views
Mga Kapanalig, may kasabihang sa pulitika raw, “There are no permanent enemies, and no permanent friends, only permanent interests.”
Positibong pangungusap ito kung ang tinutukoy na interes ay ang interes ng taumbayan o ng mga taong pinaglilingkuran dapat ng mga namumuno sa pamahalaan. Ngunit dito sa Pilipinas, mas madalas na interes ng iilang tao ang permanente sa ating pulitika. Ang interes nilang kumapit sa kapangyarihan at gamitin ito para sa sariling kapakanan ang umiiral. Nakalulungkot ito lalo na kung babalikan natin ang sinabi ni Pope Francis sa Catholic social teaching na Fratelli Tutti tungkol sa pulitika. Aniya, “true statecraft is manifest when, in difficult times, we uphold high principles and think of the long-term common good.” Sa Filipino, ang tunay na pamamahala ay makikita kapag, sa mahihirap na panahon, itinataguyod natin ang matataas na prinsipyo at iniisip ang pangmatagalang kabutihang panlahat. Hindi ito nangyayari kapag namamayani ang makikitid na interes ng mga nasa poder.
Marumi ang tingin ng marami sa atin tungkol sa pulitika. Iniiwasan natin itong pag-usapan dahil baka mauwi ito sa hindi pagkakaintindihan. O kaya naman, baka maging basehan ito ng panghuhusga sa atin ng iba. Dagdag din sa hindi magandang pagtingin sa pulitika ang mga intriga at kontrobersya sa pagitan ng mga personalidad.
Gaya na lamang nitong mga nakaraang linggo kung saan hindi napigilan ni First Lady Liza Araneta-Marcos na ilabas ang kanyang saloobin kay Vice President Sara Duterte. Sa isang interview, inamin niyang ini-snub o hindi na niya pinapansin ang pangalawang pangulo. Nasaktan daw siya dahil dumalo si VP Sara sa isang rally kung tinawag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte si PBBM na “bangag” o lango sa ipinagbabawal na gamot. Kita pa raw sa camera na tumawa pa raw ang bise-presidente. Ang presensya ni VP Sara sa ganoong pagtitipon ay hindi katanggap-tanggap, ayon sa misis ng pangulo. “Bad shot” na raw sa kanya ang bise-presidenteng ka-tandem ng kanyang asawa sa kampanyang “sama-sama tayong babangon muli.”
Kung “no comment” si VP Sara sa ibang mahahalagang isyu, gaya ng pangha-harass sa ating mga sundalo at mangingisda sa West Philippine Sea, agad naman niyang sinagot ang mga naging pahayag ng unang ginang. Ang personal na damdamin ng first lady, giit ng bise presidente, “ay walang kinalaman sa [kanyang] mandato bilang opisyal ng pamahalaan.” Mas gugustuhin daw niyang idaan sa “pribadong pag-uusap” kay PBBM ang bagay na ito.
Ganito rin ang isinagot ni PBBM sa isang ambush interview. Naniniwala siyang “madali naman… plantsahin [ang] lahat ng isyu” kung mag-uusap silang dalawa ni VP Sara. Hindi rin daw nito maaapektuhan ang kanilang “working relationship.” Bilang patunay, hindi niya sisibakin sa pagiging kalihim ng DepEd ang bise-presidente sa kabila ng mga pagkuwestyon sa kanyang kapasidad na pamunuan ang kagawaran at ng mga panawagang mag-resign na siya.
Noong eleksyon, ang tambalan nina PBBM at VP Sara ay nangako ng pagkakaisa. UniTeam nga ang itinawag sa kanilang pagsasanib-puwersa, at ang mensahe ng pagkakaisa ang isa sa mga nakapagpanalo sa kanila. Sa mga nangyayari ngayong parinigan ng dalawang maimpluwensyang pamilya sa pulitika—pati na rin ng kanilang mga masusugid na tagasuporta, lalo na sa social media—may mga nagsasabing ang kanilang “unity” ay hanggang noong kampanya lamang. Baka ang manalo lamang ang kanilang permanent interest.
Mga Kapanalig, totohanin sana ng dalawang pinakamataas na lider ng ating pamahalaan ang sinasabi nilang pag-uusap nang matigil na ang batuhan ng masasakit na salita ng mga nakapaligid sa kanila. Interes ng taumbayan ang dapat nilang unahin, hindi ang interes ng kanilang partido, pamilya, o sarili. Akmang paalala sa kanilang lahat ang nasasaad sa Filipos 2:3, “Huwag kayong gumawa ng anuman dahil sa pansariling layunin…”
Sumainyo ang katotohanan.