44,789 total views
Marahil isa sa mga dahilan kung bakit nauuso ngayon sa maraming pamilya ang pagbili ng mga farmlots o beach lots kahit ganito pa ito kaliit at kamahal ay dahil bumababa na ang kalidad ng buhay sa mga syudad habang tumataas naman ang lahat ng mga gastusin.
Ngayong tag-init, mas ramdam din ng mga taga syudad ang mas matinding init at lagkit dala ng El Nino. Mainit man sa halos buong bansa, sa mga syudad gaya ng mga sa National Capital Region, parang mala-hurno na dahil sa dami ng sasakyan, sa polusyon, pati na sa traffic.
Ang traffic, kapanalig, ang isa sa pangunahing dahilan kung bakit bumababa ang kalidad ng buhay ng maraming Pilipino sa ating bansa. Isipin mo kapanalig, marami ang kailangang pumasok ng 8 to 5 sa atin. At sa dami natin, nagsisiksikan tayo sa kalye araw araw – at kailangan pa umalis ng madaling araw, pumila ng pagkakahaba haba o maghabol ng sasakyan para makasakay kada umaga, at uulitin ang parehong gawi pag-uwi sa gabi. Mahigit apat na oras tayo sa kalye kapanalig, katumbas na ng half day na trabaho.
Kaya nga’t hindi nakapagtataka na isa na ang NCR sa mga least liveable cities in the world, kung ang pagbabasehan ay ang survey ng Economist Intelligence Unit kung saan pang 136 ang Metro Manila sa 173 countries.
Kailangan natin kapanalig, mabalanse ang pagnanais nating umunlad sa kalidad ng buhay ng mga mamamayan sa ating mga syudad. May pera ka nga, kaya lamang, hindi mo man lang ma-enjoy ito dahil wala ka ng oras. Nakapagpundar ka nga ng bahay, pero pagkainit-init naman dito dahil ang subdivision ng syudad ay walang mga puno o green spaces.
Kapanalig, ang kalidad ng buhay sa syudad ay hindi lamang hawak ng mga mamamayan dito – hindi pwedeng mag kanya-kanya. Kailangan manguna ang lokal at nasyonal na pamahalaan sa pagtaas ng kalidad ng buhay sa syudad upang maging liveable ito, hindi lamang ngayon, kundi para sa susunod na henerasyon.
Kailangan nila maglatag ng mga policy solutions bago maging huli pa ang lahat. Sa ngayon, maraming syudad sa ating bayan hindi lamang traffic ang hamon, kundi skills shortage, bitin na bitin na social services dahil sa malaking populasyon, masisikip pero naglalakihang informal settlements, at iba pa. Kapag hinayaan natin ito, sa halip na maging sentro ng kaunlaran at inobasyon ang mga syudad, magiging pugad ito ng kawalan ng kasiyahan, kahirapan, galit, at kawalan ng pagasa.
Kapag mataas ang kalidad ng buhay, ating inaangat ang dignidad ng bawat isa. Kaya nga’t sabi mismo sa Mater at Magistra ng panlipunang turo ng Simbahan: kahit anong kaunlaran ang ating malasap, wala pa ring katarungan o kapayapaan sa ating mundo kung ang dignidad ng tao ay patuloy na inaapakan.
Sumainyo ang Katotohanan.