93,609 total views
Kapag buwan ng Mayo, ang unang bungad sa atin, kapanalig, ay ang labor day. Marapat lamang na ating tingnan ang maraming mga hamon na kinakaharap ng ating mga manggagawa. Sa kanilang mga balikat nakalagak ang ekonomiya ng ating bayan.
Alam niyo kapanalig, ang isa sa mga perennial issues ng labor sector ay ang mababang pasahod. Kada taon, maririnig natin ang mga panawagan ng iba ibang grupo para sa wage increase. Kaya lamang kapanalig, tataas man ng konti ang sahod, mas mabilis, mas madalas, at mas mataas naman ang pag-akyat ng mga bilihin. Kaya nga dapat kapanalig, repasuhin natin ang basehan ng halaga ng minimum wage sa Pilipinas. Sa ngayon, sa National Capital Region, nasa P610 ito. Dapat natin suriin kung kasya nga ba talaga ito para sa isang maliit na pamilya sa ating bansa – may pabahay, may pambayad sa kuryente, may diaper, may gatas, may pampa-aral, pamasahe, at syempre, pagkain.
Maliit talaga ang halaga na ito, kapanalig, pero walang choice ang marami nating manggagawa kundi patusin ito. Kakayod sila ng kakayod – magkakargador, magco-construction worker, magpapa-alila sa gitna ng init at ulan para sa P610 kada araw, kasi ang alternative choice ay gutom, hindi lang para sa kanila kundi para sa kanilang mga kaanak.
Pero kapanalig, kahit pa bitin ang sahod, marami pa ring mga manggagawa sa ating bayan ang nananawagan ng regularisasyon o katiyakan sa trabaho. Marami sa ating mga kababayan ay under contract at kadalasan for five to six months lamang, kaya matapos ang kontrata na ito, kailangan nilang maghanap ng ibang trabaho o mag contract break para maka-renew ng kontrata, at kadalasan, short term contracts pa rin ang kanilang nahahawakan. Maliban sa ikli ng kontrata, wala rin silang mga benefits gaya ng medical insurance, leaves, at disability benefits.
Sana, sa bawat pag-gunita natin ng labor day, tunay nating makita at masuri ang sitwasyon at kondisyon ng mga manggagawa sa ating bansa. Makatarungan nga ba talaga ang pagtrato ng lipunan sa kanila? Atin bang tinutulak pa sila lalo sa kahirapan dahil na rin sa mga polisiya ng bayan? Nakikinabang din ba sila sa kaunlaran na nalalasap ng bayan, kung saan napakalaki rin ng kanilang ambag?
Sana’y magsilbing pangaral at hamon sa atin ang mga katagang ito mula sa Rerum Novarum, mula sa panlipunang turo ng Simbahan: Ang paggawa ng ating mga laborers – ang paggamit ng kanilang kasanayan at lakas sa paglilinang ng lupa, at sa mga pagawaan ng kalakalan – ay responsable at lubhang kailangan ng lipunan. Dahil sa pagod ng mga manggagawa, ang bayan ay yumayaman. Makatarungan na iangat at bantayan ang kanilang interes upang sila na nag-aambag ng malaki sa bayan ay maaaring makabahagi sa mga benepisyong kanilang nililikha.
Sumainyo ang Katotohanan.