45,817 total views
Mga Kapanalig, naghain noong isang linggo si Senadora Risa Hontiveros ng isang resolusyong inuudyukan ang Senado na imbestigahan ang pinsalang iniiwan ng mga mining at quarrying activities sa ating bansa.
Sa Senate Resolution No. 989, nais ng senadora na makita ang mga butas sa mga umiiral na batas na sanhi ng pagkamatay ng mga tao at pagkawala ng kabuhayan dahil sa operasyon ng mga minahan at quarrying. Ibinigay niyang halimbawa ang nangyaring landslide sa Maco, Davao de Oro kung saan halos isandaang katao ang nalibing nang buhay. Huwag sanang magtaingang-kawali ang kapwa niyang mga mambabatas. Dito masusukat ang kanilang pagmamalasakit sa kalikasan at sa tao.
Ngunit higit sa mga kakulangan sa ating batas, kailangan ding basagin ang mga paniniwalang mas matimbang ang mga benepisyo ng pagmimina kaysa sa pinsalang idudulot nito.
Ganito kasi ang katwiran ng alkalde ng bayan ng Guiuan sa Eastern Samar. Ipinagtatanggol niya ang mining operations sa kanyang bayan, partikular na sa isla ng Homonhon. Nagbigay daw ang mga ito ng trabaho sa 2,300 na mga residente. Nagpasok din daw ito ng kita at buwis sa lokal at pambansang pamahalaan. Kaakibat din daw ang mga mining companies ng lokal na pamahalaan sa paghahatid ng mga “social development projects” sa mga taga-Guiuan. Nauunawaan naman daw ng mayor ang mga isyung pangkalikasan, ngunit kung wala rin daw trabaho ang mga tao, sisirain din daw nila ang kagubatan at aabusuhin ang karagatan.
Mayaman sa mineral ang isla ng Homonhon. Apat na kompanya ang nagbubungkal ng lupa upang makakuha ng nickel at chromite. Ngunit para magawa ito, kinalbo nila ang ekta-ektaryang kagubatan ng isla. Mula sa ere, tila mga sariwang sugat sa isla ang mga mining sites. Sinisira din ng alikabok ang mga pananim na kalamansi ng mga taga-isla. Nasusulasok na rin sa alikabok ang mga pamayanan at paaralan. Ang mga pinagkukunan ng mga tao ng inuming tubig, malabo na. Sinisisi ng mga mangingisda ang mga minahan dahil umagos sa mga ilog hanggang sa dagat ang polusyong tumataboy at pumapatay sa mga isda.
Makatwiran ba ang mga pinsalang ito kung ang kapalit naman daw ay trabaho at kita ng pamahalaan?
Nangunguna sa pagtutol sa pagmimina sa Eastern Samar—at sa buong isla ng Samar—ang Diyosesis ng Borongan. Sa homiliya sa misang isinagawa bilang bahagi ng isang prayer rally laban sa pagmimina noong Enero, hiniram ni Bishop Crispin Varquez ang mga salita ni Pope Francis sa Catholic social teaching na Laudato Si’. “The ecological crisis is also a summons to profound interior conversion.” Sa Filipino, ang krisis sa kalikasan ay nangangailangan ng malalim na pagbabago ng kalooban.
Kasama sa pagbabagong ito ang pagtutuwid sa pagturing sa kalikasan bilang kasangkapan ng tao para umunlad. Hindi lamang panandaliang trabaho o ilang milyong pisong buwis ang halaga ng mga bundok, gubat, lupa, at dagat. Ang pagmimina ay dapat na naglilingkod sa tao, hindi ang kabaligtaran nito. Kaya ang kapakanan ng tao ang dapat na pangunahing tuon ng anumang negosyo o industriya, kabilang ang pagmimina. Kung kita lamang at trabaho para sa iilan ang mas matimbang para sa mga nasa likod ng pagmimina at para sa mga pinuno nating nagpapahintulot nito, masasabi ba nating itinataguyod nila ang tunay na kaunlaran ng tao at ng komunidad?
Mga Kapanalig, kung pakikinggan natin ang mga salita ni Yahweh sa Jeremias 2:7, parang tayo ang Kanyang tinutukoy: “Dinala ko sila sa isang mayamang lupain, upang tamasahin nila ang kasaganaan niyon. Ngunit dinungisan nila ang ibinigay kong lupain dahil sa karumal-dumal nilang mga gawain.” Huwag na sanang magpatuloy ang mga karumal-dumal na gawaing sumisira sa kalikasan at sumisira din sa tao.
Sumainyo ang katotohanan.