113,178 total views
Mga Kapanalig, mahigit isang buwan nang Santo Papa si Pope Leo XIV. Noong Mayo 30, may ganito siyang pahayag: “the path to peace demands hearts and minds trained in concern for others and capable of perceiving the common good in today’s world. For the road to peace involves everyone and leads to the fostering of right relationships between all living beings.” Malinaw na ang pagpapanatili ng kapayapaan ang isa sa kanyang mga prayoridad bilang Santo Papa. At hindi maikakailang ang mundo ngayon ay nangangailangan ng paggabay ng Simbahan tungo sa pagpapairal ng kapayapaan.
Nitong mga nakaraang araw, nahaharap na naman sa krisis ang Middle East dahil sa sigalot sa pagitan ng Iran at Israel. Noong Hunyo 13, inatake ng Israel ang Iran dahil sa mga umano’y nuclear infrastructures kung saan may mga lumilikha ng nuclear weapons. Bumawi naman ang Iran sa pamamagitan ng pagbomba sa mga lungsod ng Jerusalem at Tel Aviv sa Israel. Patuloy pa rin ang hidwaan ng dalawang bansa, samantalang ang ibang bansa, katulad ng Estados Unidos, ay nananawagan ng diplomasya at tigil-labanan. Sa gitna ng giyerang ito, pati ang mga kababayan nating Pilipino ay naipit na. Ayon sa embahada ng Pilipinas sa Israel, apat na Pilipino ang naospital. Wala namang naiulat na nasaktang Pilipino sa Iran.
Nakadidismayang hindi pa man natatapos ang karahasan sa pagitan ng Hamas at Israel ay nagkaroon na naman ng panibagong giyera sa Gitnang Silangan. Sa isang banda, katwiran ng Israel, kailangang pigilan ang Iran sa paglikha nito ng mga nuclear weapons. Katanggap-tanggap ba itong pigilan ng Israel gamit ang karahasan? Sa kabilang banda naman, nakalulungkot din ang pagganti ng Iran sa pag-atake ng Israel na nagdudulot ng mas malalang epekto sa kaligtasan at pamumuhay ng kanilang mga mamamayan, pati mga dayuhan.
Maraming sigalot na ang nangyayari sa iba’t ibang panig ng mundo, at ngayon ay may dumagdag pang panibago. Walang labang naiipit sa karahasang ito ang libu-libong pamilya, mga bata, matatanda, at mga kapus-palad. Higit pa rito, hindi lang mga mamamayan nila ang nadadamay, pati na rin ang mga banyaga o migrante katulad ng mga overseas Filipino workers na nagtatrabaho lamang para sa kanilang pamilya dito sa Pilipinas. Hindi ba tayo nababahala sa mga kaganapang ito? Hindi ba tayo nagluluksa sa pagkamatay ng mga tao at sa pagkawala ng buhay dahil sa walang katuturang karahasan?
Nagsisilbing tahanan at gabay ang Santa Iglesia sa panahon ng sigalot. Kapayapaan ang ipinahahayag ng Simbahan para sa buong mundo magmula kay Pope Leo XIII na nagpasimula ng Catholic social teaching hanggang kay Pope Leo XIV sa kasalukuyan. Ayon sa Pacem in Terris ni St. Pope John XXIII, tanging sa Panginoong Hesukristo lamang natin makakamtan ang ganap na kapayapaan. Siya lamang ang makapagbibigay sa atin ng kapayapaan. Inaanyayahan ng Santa Iglesia ang mga bansang makiisa sa pagtataguyod ng kapayapaan ni Kristo sa mundo sa pamamagitan ng pagkikiisa (o solidarity) at diplomasya sa pagitan ng mga bansa.
Gaya ng paanyaya ni Pope Leo XIV at Saint Pope John XXIII, ating ipanalanging huwag nang lumaki pa ang giyera sa pagitan ng Israel at Iran. Magkaroon sana ng kapayapaan sa pamamagitan ng diplomasya para wala nang inosenteng buhay pa ang mawala. Ipagdasal natin na maging mapayapa na sa Gitnang Silangan, partikular na sa Israel, dahil ayon sa Isaias 60:17-18, sa kabisera nitong Jerusalem, “ang Kapayapaan ay gagawin kong mga tagapangasiwa mo, at ang Katuwiran bilang iyong tagapamahala. Hindi na maririnig sa iyong lupain ang Karahasan, ni ang pagkawasak o pagkagiba sa loob ng iyong mga hangganan.”
Mga Kapanalig, kapayapaan ang dapat mamayani, hindi digmaan!
Sumainyo ang katotohanan.