33,326 total views
6th Sunday of Easter
Acts 10:25-26 1 Jn 4:7-10 Jn 15:9-17
Pag-ibig. Hinahanap-hanap ito ng marami. Ito ang nagbibigay ng kulay sa ating buhay at ito nga ang nagbibigay ng kabuluhan sa ating gawain. Kahit na mahirap at kahit na matagal, anumang hamon ay gagawin natin at magagawa natin kung tayo ay may pag-ibig at kung tayo ay iniibig.
Habang marami ay naghahangad ng pag-ibig ngayong panahon, madali natin itong pagkamalan sa gusto lamang. Ibig ko na mag-aral, gusto kong mag-aral. Ibig ko ng lumpia, gusto ko ng lumpia. Ibig kita, gusto kita. Pareho lang ba ang pag-ibig sa pagkagusto? Mas malalim yata ang pag-ibig kaysa pagkagusto. Ang gusto ay madaling magbago; ang gusto ay madaling ma-satisfy. Pag nakuha ko na ang gusto ko, tapos na. Iba ang pag-ibig. Ito ay mas malalim, hindi lang ito tungkol sa mga bagay-bagay. Ito ay pangmatagalan at ito ay humihingi ng commitment. Kaya hindi natin papakasalan ang taong gusto lang natin. Hindi lang tayo magpapakasal sa taong pogi o maganda. Magpapakasal tayo sa taong iniibig natin, kahit pangit pa siya o wala siyang pera. Kaya sana hindi lang natin gusto ang Diyos. Iniibig natin siya! Hindi lang natin gusto ang Diyos kasi maayos ang buhay ko, kasi wala akong problema. Iniibig ko siya kahit mahirap ang buhay. Dahil sa iniibig ko siya gagawin ko kahit na hindi madali ang ipinagagawa niya.
Narinig natin sa ating ikalawang pagbasa: “Ito ang pag-ibig: hindi sa inibig natin ang Diyos kundi tayo ang inibig niya.” Ang Diyos ang unang umibig sa atin. Kaya tayo ay buhay kasi inibig tayo ng Diyos. Hindi naman tayo mabubuhay kung hindi tayo mahal ng Diyos. Isinilang tayo kasi mahal tayo ng Diyos. Kaya nga napakasama ng pagpapalaglag – tinatanggihan natin, pinapatay natin ang bata na mahal ng Diyos. Ang bawat buhay ay hindi lang naman isang chemical process, na nagtagpo ang itlog ng babae at ang binhi ng lalaki. Sa bawat buhay ng tao kumilos ang kamay ng Diyos. Ginusto at minahal ang isang tao kaya siya naging tao. Ang Diyos ang unang umibig sa atin, kaya tayo ay nabuhay, at kaya tayo naging Kristiyano. Noong tayo ay bininyagan, inampon tayo ng Diyos na maging anak niya dahil mahal niya tayo. Hindi man tayo ang humingi na maging anak ng Diyos. Bininyagan tayo nang tayo ay mga baby pa, wala pang kamuwang-muwang, inampon na niya tayo. Masasabi natin na makasalanan pa tayo, pinadala na sa atin ng Diyos ang kanyang anak, at inalay na ni Jesus ang kanyang sarili kahit na masama pa tayo. Hindi tayo ang pumili sa Diyos. Siya ang unang pumili sa atin.
Iniibig tayo ng Diyos Ama at iniibig tayo ni Jesus. Sabi niya: “kung paanong iniibig ako ng Ama, gayun din naman, iniibig ko kayo.” Pwede ba tayong tumigil ng konti at namnamin ang katotohanang ito? (kaunting pananahimik) Kung paano si Jesus iniibig ng kanyang Ama… gaano kalaki ang pag-ibig ng Diyos Ama sa kanyang bugtong na anak …. Ganoon din kalaki ang pag-ibig niya sa akin. (Kaunting pananahimik) Iyan ang pag-ibig ni Jesus sa bawat isa sa atin. Mga kapatid, ito ang Magandang Balita, minamahal ako… minamahal ako ng Diyos! Ang hinihingi lang niya ay manatili tayo sa kanyang pag-ibig, hayaan lang nating patuloy niyang mahalin tayo! Huwag na tayong kumalag sa kanyang yapos. Mananatili tayo sa kanyang pagmamahal kung sinusunod natin ang utos niya. Wala pa tayong ginagawa, mahal na tayo ng Diyos. Hayaan nating mahalin tayo. Let us enjoy his love. Sumunod tayo sa kanya.
Ang pag-ibig ng Diyos ay walang pinipili. Lahat ay minamahal niya. Wala siyang pinipiling lahi. Nagulat si Pedro noong maranasan niya ito sa ating unang pagbasa. Si Pedro ay isang Hudyo. Naniniwala ang mga Hudyo na sila ay espesyal sa Diyos. Itinalaga ng Diyos na sila ay ang kanyang bayang banal. Sinisikap nila na hindi sila madagtaan ng kasamaan ng ibang lahi na sumasamba sa maraming mga diyos. Kaya lumalayo sila sa mga hindi Hudyo. Hindi sila pumapasok sa kanilang mga bahay. Hindi sila kumakain ng kanilang mga pagkain. Iba sila. Sila kasi ang bayang hinirang ng Diyos. They are the chosen people.
Si Pedro ay inimbitahan ni Cornelio na pumasok sa kanyang bahay. Si Cornelio ay isang opisyal ng mga Romano. Pagano siya. Sa mata ng mga Hudyo mali na si Pedro sa pagpasok sa bahay ni Cornelio. Naging marumi na siya sa pagpasok sa bahay ng isang pagano. Habang nandoon siya sa bahay, pinasalaysay sa kanya ni Cornelio ang tungkol kay Jesus. Nagsasalita pa lang si Pedro bumaba na ang Espiritu Santo kay Cornelio at sa mga kasamahan niya. Nakakapagsalita na sila sa iba’t-ibang mga wika tulad ng nangyari sa mga apostol noong araw ng Pentekostes. Sabi ni Pedro: “Wala palang itinatangi ang Diyos. Kaya kung bumaba na sa kanila ang Espiritu Santo, sino ang makahahadlang na binyagan sila?” Kaya doon din bininyagan niya si Cornelio at ang mga kasambahay niya. Sila ang unang hindi Hudyo na naging Kristiyano. Walang pinipili ang Diyos sa mga minamahal niya. Kahit na mga pagano ay binibigyan niya ng kaligtasan.
Ito po ang Magandang Balita sa atin. Sino man tayo, anuman ang pinanggalingan natin, masama man tayo o walang kibo sa simbahan, mahal tayo ng Diyos. Hindi tayo itinuturing ni Jesus na iba kaysa kanya. Tinuturing niya tayo na kaibigan at kapatid pa nga. Wala siyang inililihim sa atin. Pinapaalam niya sa atin ang Magandang Balita ng kaligtasan. Ibinibigay niya sa atin ang kanyang Espiritung Banal na magdadala sa atin sa buong katotohanan. Ganito ang pag-ibig ng Diyos para sa atin.
Tanggapin natin ang pag-ibig ng Diyos sa bawat isa sa atin. Magpasalamat tayo. Nagsisimba tayo kasi kinikilala natin na mahal tayo ng Diyos at nagpapasalamat tayo sa kanya. Kaya ang misa ay eukaristiya, na ang ibig sabihin ay pasasalamat. Sa bawat misa sinasabi sa atin ng Diyos paano tayo mananatili sa kanyang pagmamahal. Pinapahayag sa atin ang Salita ng Diyos sa misa. Kung gagawin natin ito mananatili tayo sa pagmamahal ng Diyos. Mga kapatid, hindi lang natin gusto ang Diyos. Mahal natin siya kasi una niya tayong minahal. Hayaan na lang natin patuloy niya tayong mahalin. Gawin natin ang kanyang salita. Sumunod tayo sa kanya.