35,892 total views
Homily April 21, 2024
4th Sunday of Easter Cycle B
Good Shepherd Sunday
World Day of Prayer for Vocations
Acts 4:8-12 1 Jn 3:1-2 Jn 10:11-18
Taon-taon ang ika-apat na Linggo ng panahon ng Muling Pagkabuhay ay Good Shepherd Sunday. Maliwag ang sinabi ni Jesus sa atin ngayong araw: “Ako ang mabuting pastol.” Paano siya naging mabuting pastol? Siya ay mabuting pastol kasi kilala niya ang kanyang tupa, mahal niya ang bawat isa sa mga tupa niya, pinapangalagaan at ipinagtatanggol niya sila at inaalay niya ang kanyang buhay para sa kanyang tupa upang hindi sila mapahamak.
Kilala ni Jesus ang bawat isa sa atin. Magandang Balita ito kasi ngayon, numbers na lang tayo. Kaunti ang nakakakilala sa atin. Ang mahalaga ay hindi kung sino o ano tayo kundi ang ID natin at kung may pera ba tayo, o may card. Pero sa dinami-dami ng mga tao sa mundo, kilala ako ng Diyos at minamahal niya ako. Ganoon nga ang pagmamahal niya sa akin na kahit na ako man lang ang tao sa mundo, mamamatay siya para sa akin. Kilalanin mo at maniwala ka na mahal ka ng Diyos. Ibinigay ni Jesus sa iyo ang kanyang buhay at ginagabayan ka niya sa buhay na ito upang maging kasama ka niya sa langit. Ibig niyang ibahagi sa iyo ang kanyang kaligayahan.
Bilang mabuting pastol ipinagtatanggol niya tayo. Hindi siya tulad ng isang taong upahan na kung may panganib na, tumatakas na. Pagdating ng lion o ng asong gubat, sumisibat na. Hahayaan na lang na malapa ang mga tupa, basta siya ay ligtas. Ang mabuting pastol ay naninindigan at ipinaglalaban ang kanyang tupa. Noong nagpresenta ang batang si David kay haring Saul na kalabanin ang malahiganteng Goliath, sabi ni Saul na hindi mo kaya iyan. Bata ka pa. Sabi ni David na hindi ako natatakot diyan. Nahaharap ko nga ang mga lion at mga oso na lumalapit sa aking tupa. Haharapin ko rin ang higanteng iyan. Iyan ang mabuting pastol. Matapang at hindi nagpapabaya sa mga inaalagaan niya.
Bilang mabuting pastol gusto ni Jesus na tipunin ang lahat ng mga tupa niya, kahit na iyong wala pa sa kanyang kawan. Sinabi ni Jesus: “Mayroon akong ibang tupa na wala sa kulungang ito. Kinakailangan na sila’y alagaan ko rin.”
Ang pagiging mabuting pastol ni Jesus ay pinagpapatuloy ngayon ng simbahan, ang katawan ni Kristo. Nakita natin ito sa ating unang pagbasa. Napagaling ni Pedro at ni Juan ang isang tao na lumpo na mula pa sa pagkabata niya. Malaking himala ito at maraming tao ang nakumbinsi sa kapangyarihan ni Jesus na namatay ngunit ngayon ay muling nabuhay at may kapangarihan na magpagaling.
Naranasan nila ang kanyang kapangyarihan sa pagpapagaling sa lumpong ito. Higit na limang libong mga tao ang nagpabinyag noon. Pinatawag ang dalawang apostol ng mga leaders ng mga Hudyo. Nandoon ang mga pinuno at matatanda ng bayan. Bilang mabubuting pastol, hindi tumakas o nanahimik ang dalawa. Matapang nilang ipinahayag si Jesus, si Jesus na taga-Nazaret na ipinapako nila sa krus kahit na gusto siyang palayain ni Pilato. Buhay ngayon si Jesus na ito. “Siya ang bato na tinanggihan ninyo na mga tagapagtayo at namumuno sa bahay ng Diyos ngunit siya pala ang pinakamahalagang bato sa gusali ng Diyos.” Hindi lang ipinamukha ni Pedro sa mga leaders ang kanilang pagkakamali. Hinikayat din silang magsisi. Kay Hesus lang matatagpuan ang kaligtasan. Tanggapin na nila siya. Kahit na sila ang nagpapatay kay Jesus, sila ay mga tupa na kailangang pumasok din sa kawan, kaya sa kanila din ipinahayag ang Magandang Balita ng kaligtasan – magsisi, manampalataya at magkakaroon sila ng buhay.
Pero ang tawag sa atin ay hindi lang para maging tupa. Tinatawag tayo na maging anak ng Diyos. Kaya nga pinadala ng Diyos ang kanyang anak upang tayo ay maging mga anak din niya – at iyan nga ang magandang balita – anak na tayo ng Diyos. Nasa atin na ang buhay ni Jesus. Ipinagkaloob na sa atin ang kanyang Espiritu. Matatawag na natin ang Diyos na Ama ko! Magiging maliwanag ang ating pagiging anak ng Diyos kapag nakapasok na tayo sa pastulan kung saan tayo dinadala ng Mabuting Pastol. Doon mababago na tayo. Magiging tulad na tayo ni Jesus. Mapapasaatin na ang tunay na kaligayahan ng mga anak ng Diyos.
Maganda ang balita. May mabuting pastol tayo na gagabay sa atin sa pastulan, ang tahanan ng ating Ama. Hindi niya tayo pababayaan sa daan. Maganda ang balita na dapat ipaabot sa lahat. Pero marami, napakarami, ay hindi pa naaabot. Kaya napakinggan natin ang daing ni Jesus. Marami pa ang aanihin, ngunit kakaunti ang mang-aani. Kaya ang panawagan ni Jesus ay “Manalangin kayo sa may-ari ng bukid na magpadala pa ng maraming mang-aani.” Maraming tupa pa ang papastulin. Kailangan pa natin ng maraming mabubuting pastol.
Kaya nga ang linggo ng Mabuting Pastol ay siyang Linggo ng Pandaigdigang panalangin para sa Bokasyon. O Panginoong Diyos, magpadala ka pa ng maraming manggagawa sa iyong ubasan, mas maraming pastol para sa iyong kawan. Marami pa ang dapat abutin at marami ang nag-aantay at naghahanap ng kaligtasan.
Kailangan tayong magdasal, hindi dahil na hindi alam ng Diyos na kulang ang manggagawa, hindi dahil sa ayaw pa ng Diyos na magpadala, hindi dahil sa hindi nababahala ang Diyos. Kailangan pa tayong magdasal upang maging handa tayo sa mga ipapadala niya. Nandiyan na ang ipadadala niya. Hindi tayong handang tanggapin at alagaan ang mga manggagawa at mga pastol. Buksan natin ang ating puso, buksan natin ang ating mga kamay, buksan natin ang ating mga bulsa upang tanggapin at tulungan ang ipadadala. Marami po ang gustong magpare at magmadre, ayaw naman ng mga magulang o kamag-anak na sila ay payagan. Marami ay gustong mag- katekista, ayaw naman suportahan sa kanilang pamasahe at pangangailangan. Marami ay gustong pumasok sa seminaryo, hindi naman natin sinusuportahan ang seminaryo natin. Hindi naman tayo nagpapaaral ng magpapari o magmamadre. Kaya nga kailangan nating magdasal, kasi talagang kailangan na buksan pa natin ang ating puso upang suportahan ang mga tinatawag ng Diyos.