31,380 total views
12th Sunday of Ordinary time Cycle B
Job 38:1.8-11 2 Cor 5:14-17 Mk 4:35-41
Nakakatakot talaga na datnan ng bagyo sa gitna ng dagat. Kahit na iyong malayo sa Diyos ay napapatawag sa kanya. Lahat ng santo ay natatawagan nila. Ang mga kasama ni Jesus ay mga mangingisda. Sanay sila sa dagat. Pero siguro napakalakas ng unos na dumating sa kanila na sila mismo ay natakot. Akala nila lulubog na sila. Lubha silang natatakot noong ginising nila si Jesus. Hindi naman nila inaasahan na may magagawa si Jesus sa unos. Baka ginising nila si Jesus sa pag-asang papalakasin niya ang kanilang loob o tuturuan sila kung ano ang gawin nila upang sila ay maligtas. Kaya “guro” ang tawag nila sa kanya. Kilala nila siya na magaling na tagapagturo. Baka naman may maituturo si Jesus paano hindi sila malubog.
Pero iba ang ginawa ni Jesus. Pinatigil niya ang bagyo. Inutusan ang hangin at ang alon. At sumunod naman ang mga ito. Nagbago na ang pagkatakot ng mga alagad. Hindi na sila natakot sa unos. Natakot na sila kay Jesus. Nagkaisa sila sa pagtatanong: “Sino kaya ito na sinusunod ng hangin at ng alon?” Kulang pa ang pagkakilala nila kay Jesus. Hindi lang siya guro at tagapagpagaling. May kapangyarihan din siya sa bagyo. Kaya nga ang puna ni Jesus sa kanila ay: “Bakit kayo natatakot? Wala pa ba kayong pananalig?” Kulang ang pananalig nila kay Jesus kasi kulang ang kanilang pagkakilala sa kanya. May kapangyarihan siya tulad ng Diyos. Ngayon lang nila naranasan ito.
Ang Diyos lang ang may kapangyarihan sa dagat. Ang mga Hudyo sa panahon ni Jesus ay mga pastol at mga magsasaka. Kaunti lang sa kanila ang may karanasan sa dagat. Iyon lamang ang nangingisda sa tabi ng lawa ng Tiberias ang may karanasan sa dagat kasi iyan ang hanap buhay nila pero iyon ay lawa at hindi dagat. Kaya takot ang karaniwang mga Hudyo sa dagat. Kaya para sa kanila ang dagat ay masama. Doon nakatira ang Leviathan, ang monster ng dagat na malakas at makapangyarihan.
Narinig natin sa unang pagbasa sa aklat ni Job ang talumpati ng Diyos. Ilang beses na hinahamon ni Job na magsalita ang Diyos sa kanya at sagutin ang paratang niya bakit siya ay ganoon na lang naghihirap kahit na wala naman siyang kasalanan. Sa wakas nagsalita ang Diyos mula sa isang malakas na bagyo. Ang bagyo ay hindi ang absence ng Diyos. Nandoon siya sa gitna ng bagyo. Sinabi ng Diyos na siya ang may control sa dagat. Sabi niya: “Ang tubig ay nilagyan ko ng hangganan, upang ito’y manatili sa likod ng mga harang. Sinabi kong sila’y hanggan doon na lang, huwag na lalampas ang along naglalakihan.” Nakikita natin ito sa dalampasigan. Sigisigi ang pagtatangka ng alon na sampahan ang lupa pero napipigilan sila. May hangganan ang kanilang lakas. Ang Diyos ang naglagay niyan. Tulad ng may hangganan ang tubig ng dagat, may hangganan din ang kasamaan.
Pinakita ni Jesus na siya ay iyong Diyos na dakila na may control sa dagat at pati sa bagyo. Sumusunod ang hangin at ang mga alon sa utos niya. Napapatahimik niya ang mga ito. Kaya habang nagbabagyo at pinaglalaruan ng mga alon ang kanilang bangka, mahimbing si Jesus na natutulog, natutulog pa sa unan! Walang magagawa ang alon sa kanya; malakas ang kanyang tiwala, samantalang ang mga alagad niya ay takot na takot na lalamunin sila ng mga alon.
Ang pananalig ay nagbibigay sa atin ng katatagan. Kaya huwag tayong mabalisa. Nasa mabuting kamay tayo; nasa kamay tayo ng Diyos na mabuti, ng Diyos na nagmamahal sa atin at ng Diyos na makapangyarihan sa lahat. Siguraduhin lang natin na nasa ating piling siya, at tumawag tayo sa kanya, hindi na parang wala siyang magawa o hindi siya nakikialam. Kahit na parang natutulog siya, hindi niya tayo pababayaan.
Madalas din tayo nakakaranas ng mga bagyo sa ating buhay. Ito ay mga kalagayang mapeligro at parang hindi tayo makakaalpas. Nababalot tayo ng dilim at parang lulubog na tayo. Para sa iba ang bagyo ay ang kanilang kalusugan. Parang walang lunas na ang kalagayan, palala nang palala sila. Minsan ang bagyo ay ang kanilang hanap buhay. Mahirap ang hanap buhay at hindi na nakakaahon sa utang. Baka para sa iba ang bagyo ay ang kaugnayan sa mga malapit sa kanila sa buhay. Palaging nag-aaway sa pamilya at may nananakit pa. Maaaring iyan din ay ang bisyo. Nalulong sa bisyo at ayaw o hindi na nakaahon dito at naaapektuhan na ang lahat sa pamilya. Sa ganitong kalagayan, tumawag tayo sa Diyos. May magagawa siya. Pero huwag nating asahan na ang gagawin niya ay ang gusto nating gawin niya. Tandaan natin siya ang Panginoon at hindi tayo. Siya ang masusunod. Pero alam natin na may ginagawa siya kasi mahal niya tayo. Kaya manalig tayo hindi lang sa kanyang kapangyarihan. Manalig din tayo sa kanyang pagmamahal at hindi niya tayo pababayaan.
Tulad ng sinulat ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa, magbago sana ang ating pagtingin, pati na ang ating pagtingin kay Jesus; hindi na ayon sa sukatan ng tao. Palalimin natin ang ating pagkilala kay Jesus. Noon ang pagkilala ng mga alagad kay Jesus ay bilang isang magaling na guro lamang. Hindi pa nila siya nakilala na may kapangyarihan sa dagat tulad ng Diyos. Hindi nila siya itinuturing na Diyos at na Diyos na mapagmahal. Kaya kailangan din mag-mature na ang ating pagkilala kay Jesus. Kaya niyang magligtas sa atin sa anumang bagyo sa buhay. Siguraduhin natin na nandiyan siya sa atin at tumawag tayo sa kanya. Kikilos siya dahil sa mahal niya tayo at makapangyarihan siya. Pero kikilos siya ayon sa kanyang paraan at ayon sa kanyang timing. Mas mabuti ito kaysa inaasahan natin.