26,753 total views
Pentecost Sunday Cycle C
Acts 2:1-11 1 Cor 12:3-7.12-13 Jn 20:19-23
Si Jesus ay umakyat na sa langit. Iniwan na ba niya tayo? Hindi! Sinabi niya mismo na hindi niya tayo iiwang ulila. Magpapadala siya ng isa pang katulong. Maliban sa kanya na mananatili siyang kapiling natin hanggang sa wakas ng panahon, magpapadala siya ng isang katulong. Aaliwin niya tayo. Pasisiglahin niya tayo. Gagabayan niya tayo sa katotohanan. Iyan ay walang iba kundi ang kanyang Espiritu. Ito ay ang kapangyarihan ng Diyos na magbibigay sa atin ng kakayahan na ipapahayag siya. Narinig natin ang sinulat ni Pablo sa ating ikalawang pagbasa: “Hindi masasabi ninuman. ‘Panginoon si Jesus,’ kung hindi siya pinapatnubayan ng Espiritu Santo.’ Anumang kakayahan nating magpahayag ay dahil sa Espiritu Santo.
Noong si Jesus ay umakyat sa langit, bumalik ang mga alagad niya sa Jerusalem. Nagkatipon silang lahat sa isang kwarto. Sila ay nagdarasal at marahil sila ay takot din. Wala na si Jesus. Baka matunton sila ng mga Hudyong kumakaaway kay Jesus, at tulad ni Jesus, sila ay pagbintangan, dakpin at pasakitan. Tandaan natin ang pinakalat ng mga pinuno ng mga Hudyo sa mga guardia sa libingan tungkol sa pagkabuhay ni Jesus. Habang sila daw ay natutulog ninakaw ng mga alagad ni Jesus ang kanyang bangkay sa libingan kaya walang laman ang libingan. Kaya public enemy ang mga itinuturing na alagad ni Jesus.
Pero sa araw ng Pentekostes, na isang malaking kapistahan ng mga Hudyo, na pag-alaala nila ng pagbigay ng Batas ni Moises sa kanila sa bundok ng Sinai, habang nagsasaya ang mga tao na galing pa sa iba’t-ibang bansa, bumaba ang Espiritu Santo sa mga alagad sa pamamagitan ng malakas na hangin at ng mga dilang apoy na pumatong sa ulo ng bawat isa sa kanila. Nagkaroon ng pagbabago sa mga alagad. Nagkaroon na sila ng tapang at ng kakayahan na magpahayag tungkol kay Jesus na muling nabuhay. Siya ang Kristo na matagal nang ipinangako ng Diyos na ipadadala sa mga tao. Dahil sa Espiritu Santo nagbago ang mga alagad. Nagtaka din ang mga tao na naiintindihan nila ang mensahe sa kani-kanilang wika kahit sa sila ay galing sa iba’t-ibang dako ng empero ng mga Romano at iba’t-iba ang wika nila. Tapang at pagkakaunawaan – iyan ay mga biyaya ng Banal na Espiritu. Kumilos na ang kapangyarihan ng Diyos sa mga alagad at sa mga tao!
Mayroon din tayo ng iba pang version ng pagbibigay ng Espiritu na napakinggan natin sa ating ebanghelyo. Mas private ang pangyayaring ito. Mga alagad lang ang involved dito at ito ay nangyari sa gabi mismo ng Linggo ng Pagkabuhay ni Jesus. Nagpakita si Jesus sa kanila sa unang pagkakataon. Kahit na sila ay hindi pa gaanong makapaniwala sa kanya kahit na pinakita na niya ang kanyang kamay at tagiliran na may butas ng pako at ng sibat, pinagkatiwalaan niya sila. Sila ay hiningahan niya at binigyan ng kapangyarihan. Ibinigay sa kanila ang Espiritu Santo upang sila ay makapagpatawad ng kasalanan. Makapagpatawad na sila kasi napagtagumpayan na ni Jesus ang kasamaan. Dinanas ni Jesus ang buong lakas ng kasamaan na walang iba kundi ang kamatayan, at nalampasan na niya ito. Muli na siyang nabuhay. Hindi na siya mahahawakan ng kamatayan. Binasag na niya ang kapangyarihan nito. Natatalo ang kapangyarihan ng kasalanan hindi sa pagpatay ng masasama kundi sa pagpatawad ng kasanalan. Hindi na tayo mahahawakan ng kasalanan. Ibinahagi ni Jesus ang kapangyarihang ito sa kanyang mga alagad.
Mga kapatid, natanggap natin ang kapangyarihan ng Espiritu Santo noong tayo ay bininyagan at kinumpilan. Kaya na natin maisabuhay ang mga aral ni Jesus. Kaya na nating matularan siya. Kaya na nating matalunton ang daan patungo sa langit. Nasa atin na ang kapangyarihan ni Jesus. Pinalalakas at ginagabayan tayo ng kanyang Espiritu.
Inihambing ni San Pablo ang simbahan sa katawan ni Kristo. Ang simbahan ay hindi building. Ang simbahan ay hindi isang organisasyon ng mga tao. Ito ay katawan ni Kristo. Tulad na ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi na iba’t-iba ang porma at iba’t-ibang nagagawa – iba ang hugis ng mata kaysa paa at iba ang nagagawa ng mata kaysa paa; iba ang hugis at nagagawa ng puso kaysa utak – ganoon din ang simbahan. Iba’t-iba tayo. Iba ang obispo kaysa katekista. Iba ang chapel leader kaysa madre. Pero iisang simbahan lamang tayo. Iisang buhay ang nananalatay sa buong katawan na kumikilos sa bawat bahagi nito. Ganoon din, iisang Espiritu ay nagpapasigla sa buong simbahan ni Kristo. Sinulat ni San Pablo: “Tayong lahat, maging Hudyo o Griego, alipin o malaya, lalaki o babae, ay bininyagan sa iisang Espiritu upang maging isang katawan. Tayong lahat ay pinainom at hiningahan sa isang Espiritu.” Ang source ng unity natin ay ang isang Espiritu na sumasaatin.
Ang araw ng Pentekostes na para sa ating mga Kristiyano ay ang kapistahan ng pagbaba ng Espiritu Santo, ay itinuturing na birthday ng simbahan. Sa araw na ito lumantad na ang simbahan sa mundo. Hayagan na siyang nagpapahayag at nagpapakilala ng kanyang mensahe tungkol kay Jesus. Mula noong unang pentekostes hanggang ngayon ipinagpatuloy ng simbahan ang gawain ng pagliligtas na ginawa ni Jesus. Ang katawan ni Jesus na gumagawa nito ay hindi na ang kanyang physical body kundi ang kanyang mystical body, ang simbahan. Napakaganda pong isipin na hindi lang tayo tagatanggap ng kaligtasan. Dahil sa bahagi tayo ng simbahan kabahagi tayo sa pagdadala ng kaligtasan ni Jesus sa mundo. Nasa atin ang kanyang Banal na Espiritu. Huwag na tayong maduwag na manindigan para sa buhay at karapatang pantao. Huwag na tayong mapipi na magsalita ng katotohanan. Huwag na tayo manghina na tumahak sa katarungan. Pakilusin natin ang kapangyarihan ng Espiritu Santo na nasa atin.