28,943 total views
Nanawagan si Calapan Bishop Moises Cuevas sa sambayanan at iba’t ibang sektor ng lipunan na makiisa sa isang “Araw ng Panalangin” bilang tugon sa lumalalim na usapin sa pagmimina sa Mindoro, kasunod ng desisyon ng Korte Suprema na nagpapawalang-bisa sa 25-taong moratorium sa malakihang pagmimina sa Occidental Mindoro.
Sa kanyang pahayag na may pamagat na “A Day of Prayer: Towards a Concerted Course of Action on Mindoro Mining Moratorium,” binigyang-diin ng obispo na higit kailanman ay kinakailangan ngayon ang sama-samang panalangin upang gabayan ang mga hakbang ng komunidad sa harap ng posibleng panganib sa kalikasan at kabuhayan.
Binigyang-linaw sa pahayag na ang desisyon ng Korte Suprema ay maaaring maging batayan upang bawiin din ang katulad na ordinansa sa Oriental Mindoro. Ayon kay Bishop Cuevas, ang ganitong hakbang ay maaaring magdulot ng malawakang pinsala sa kalikasan at sumalungat sa panawagan ng Simbahan, batay sa ensiklikal ni Pope Francis na Laudato si, na pangalagaan ang ating iisang tahanan.
“This decision could plausibly be a precedent-setting move for the subsisting parallel local ordinance in Oriental Mindoro. It could also probably have destructive impacts for our shared mission – expressed in Pope Francis’ encyclical Laudato si – ‘on care for our common home,’” ayon sa liham ng obispo.
Nagpaabot din ng pasasalamat ang obispo sa mga lokal na opisyal na patuloy na nagpapakita ng matalinong paninindigan laban sa mga planong pagmimina. Ngunit aminado siyang may mga pagkakaibang pampulitika at pansariling pananaw na maaaring humadlang sa pagkakaroon ng iisang direksyon. Dahil dito, isinusulong din niya ang isang dayalogo upang pagtibayin ang pagkakaisa ng lahat ng stakeholder.
Isasagawa ang “Dialogue Forum on the Mindoro Mining Moratorium” sa Hulyo 10, 2025, mula 1:00 ng hapon hanggang 5:00 ng hapon sa Bishop Cajandig’s Conference Hall, Salong, Calapan City. Layon ng pagtitipon na mapag-usapan ang mga susunod na hakbang upang mapanatili ang proteksyon sa kalikasan ng Mindoro.
Bilang bahagi ng panawagan, hinihimok ni Bishop Cuevas ang mga pari, relihiyoso, at mga pamayanang Kristiyano na magsagawa ng mga sama-samang panalangin tulad ng Banal na Misa, Banal na Oras, at Sabayang Pagdarasal ng Santo Rosaryo.
Sa gitna ng krisis, naninindigan si Bishop Cuevas na ang pananalig sa Diyos ang magiging sandigan ng sambayanan upang magkaisa sa layunin ng pangangalaga sa kalikasan at pagkakaroon ng makatarungan at makataong pag-unlad para sa Mindoro.