73,532 total views
Mga Kapanalig, bakas kay Pangulong Bongbong Marcos ang kasiyahan matapos makipagpulong sa Amerika kina US President Joe Biden at Japan Prime Minister Fumio Kishida. Sa pakikipag-usap sa media, ibinida niya na ang pagtutulungan ng ating bansa sa Amerika at Japan ay magdudulot ng “brighter, more prosperous future” sa rehiyon. Aniya, matatag daw ang paninindigan ng tatlong bansa para sa demokrasya, pag-iral ng batas o rule of law, mga karapatang pantao, at gender equality. Kasama rin sa mga pinag-usapan ng mga pinuno ng tatlong bansa ang ekonomiya, climate change, at maritime cooperation o pagtutulungan ukol sa mga usaping may kinalaman sa karagatan.
Nagmistulang sagot ni Pangulong BBM ang pakikipagpulong sa Amerika at Japan sa lumalalang pang-aagaw ng China sa mga isla, bahura, at karagatan sa West Philippine Sea. Sino ang makalilimot sa marahas na pagtataboy ng Chinese Goast Guard sa ating mga mangingisda at mga sundalong nagbabantay sa teritoryo ng bansa? Pagdidiin ng Amerika, “ironclad” o napakatibay ng pagtulong nito sa Pilipinas upang ipagtanggol ito sa anumang banta sa soberenya ng bansa.
Gaya ng inaasahan, hindi ito nagustuhan ng China. Panghihimasok daw ang ginagawa ng Amerika at Japan. Nilalabag din daw ng pag-uusap ng tatlong bansa ang karapatan ng China na ipaglaban ang mga teritoryo nito. Para naman kay dating Pangulong Duterte, “crybaby” o parang iyaking bata si PBBM na nagsusumbong sa Amerika para sa isang bagay na hindi naman daw dapat nang pakialaman ng ibang bansa. Matatandaang “horrified” o nanlumo raw si PBBM nang malaman ang tungkol sa “gentleman’s agreement” ng dating pangulo at ng pangulo ng China. Kinompromiso raw ng sikretong kasunduang ito ang sovereign rights nating mga Pilipino, bagay na itinanggi ng sinundan niyang presidente.
Sa mga kasunduang ito—sa China man o sa Amerika at Japan—dapat na alam ng taumbayan ang tunay na layunin at maging ang mga posibleng kapalit ng mga ito. Sa kaso ng kasunduan sa China ng nakaraang administrasyon, nabulaga na lang tayong lahat na may ganito palang kasunduan. Hindi nakatutulong na magkakasalungat ang sinasabi ng dating presidente at ng kanyang mga opisyal noon. Tungkol naman sa kasunduan natin sa Amerika at Japan, gaano tayo katiyak na hindi aabot sa gulo ang sinasabi nilang pagtulong sa atin?
Ang diplomasya sa pagitan ng mga bansa ay malaking bahagi ng pagtutulungan nila para sa tinatawag natin sa mga panlipunang turo ng Simbahan na common good o kabutihang panlahat. Hindi kaya ng isang bansa na manatiling hiwalay sa iba. Kinikilala natin sa Simbahan ang pangangailangang magtulungan ang mga bansa, kaya isinusulong din natin ang higit nilang pag-uusap at pag-uunawaan.
Ngunit kailangan din nating maging mapagbantay sa mga kasunduang pinapasok ng mga lider natin, lalo na kung kasama ang mga malalaki, mayayaman, at maiimpluwensyang bansa. Hindi natin maiaalis ang katotohanang maaaring maging mas pabor sa isang bansa ang mga mapagkakasunduan, kaya mahalagang nalalaman ng mga mamamayan ang detalye ng mga ito. Ang ating mga lider naman sa pamahalaan, bilang kinatawan ng taumbayan, ay dapat na maging maingat at matapat.
Sa isyu ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea, dapat nilang tiyaking ang Pilipinas ay hindi malalagay sa alanganin o hindi maaagrabyado. Paano ito matitiyak kung itinatago sa atin ang mga kasunduan sa ibang bansa? Kung tunay na interes ng Pilipinas ang isinulong ni PBBM sa pakikipagpulong niya sa mga lider ng Amerika at Japan, hindi niya dapat ulitin ang ginawa ng nakaraang administrasyon.
Mga Kapanalig, gaya ng ipinahihiwatig sa Mga Kawikaan 16:13, ang mabubuting pinuno ay naglilinang ng tapat na pananalita. Sila ay tapat, una sa lahat, sa taumbayang kanilang sinumpaang paglilingkuran at ipagtatanggol.
Sumainyo ang katotohanan.