53,785 total views
Mga Kapanalig, kumusta kayo ngayong tag-init?
Siguro, iba’t ibang paraan na ang nagawa ninyo upang ibsan ang napakataas na temperatura ngayon. Mayroon siguro sa inyong pumunta na sa beach para mag-swimming at sa mall para magpa-aircon. O kaya naman, panay ang kain ninyo ng halo-halo at ice cream para magpalamig.
Samantala, may mga manggagawa namang patuloy na dumadaing sa gobyerno at sa kanilang mga employers upang tulungan din sila ngayong tag-init. Ilan sa mga iminumungkahi ay ang pagpapatupad ng makatarungang oras ng pagtatrabaho at ng pamamahinga o break. Gaya ng marami sa atin, lantad na lantad sila sa panganib ng heat stroke, pagkahilo, high blood pressure, at dehydration.
Sabi nga ng International Labour Organization (o ILO), 71% ng mga manggagawa sa buong mundo (o nasa 2.4 bilyong manggagawa) ang exposed sa matinding init. Pinakaapektado ng matinding init ang mga nasa informal economy, katulad ng mga jeepney drivers at construction workers. Kaya naman, naniniwala ang ILO na kailangang suriing muli ang mga tinatawag na labor laws upang mabigyang-pansin ang proteksyon ng mga manggagawa sa mga epekto ng panahon na pinalalalâ ng climate change.
Sa isang advisory ng Department of Labor and Employment noong 2022, pinapayagang lumiban sa trabaho nang walang parusa ang mga manggagawa dahil sa extreme heat. Kaso, wala ngang parusa, wala rin namang sahod. Hindi rin ito applicable sa mga self-employed na walang choice kundi kumayod sa kabila ng init. Sa tingin ninyo, pipiliin ba ng ating mga manggagawa, lalo na ng mahihirap, ang manatili sa loob ng bahay para hindi mainitan pero wala naman silang pambili ng makakain at panggastos?
Ngayong Araw ng Paggawa o Labor Day, pangatawanan sana ng ating gobyerno ang tema nito para sa pagdiriwang ng okasyong ito: “Sa Bagong Pilipinas: Manggagawang Pilipino, Kabalikat at Kasama sa Pag-asenso”. Kasabay ng kaliwa’t kanang mga job fair at one-stop-shop services na isasagawa sa araw na ito, bigyang-pansin din sana ng mga kinauukulan ang daíng ng mga manggagawa tungkol sa matinding init na kanilang nararanasan at iba pang peligro sa kanilang kalusugan.
Bilang kabalikat at kasama sa pag-asenso, hindi dapat tinatrato ang mga manggagawang Pilipino bilang mga tagapag-ambag lamang sa ekonomiya ng bansa. Una sa lahat, sila ay mga taong nangangailangan ng maayos na kondisyon sa pagtatrabaho. Sa Catholic social teaching na Rerum Novarum, sinasabing dapat bigyang-pansin at isaalang-alang ng pamahalaan at ng mga negosyante ang interes ng mga manggagawa upang bumuti at guminhawa ang kanilang buhay. Hindi naman kawalan sa ating lahat ang pagtulong sa kanila, bilang inaasahan din natin sila sa ating mga pangangailangan. Bubuti at gagaan ang ating pamumuhay kung maayos ang kalagayan ng mga manggagawa habang kumakayod.
Mga Kapanalig, katulad din ito ng sinasabi sa Mateo 10:10: “… ang manggagawa ay karapat-dapat na tumanggap ng mga bagay na kanyang ikabubuhay.” Kasama sa mga dapat na tinatanggap nila ang maginhawa at makataong kondisyon sa kanilang trabaho, gaya ngayong matindi ang init ng panahon. Kung kailangang i-adjust ang oras ng pagtatrabaho, i-adjust natin. Kung may magkasakit dahil sa init ng panahon, bigyan sila ng agarang lunas. Kung mainit ang lugar ng kanilang hanapbuhay, siguraduhing may sapat na hangin at maiinom na tubig ang mga manggagawa.
Sumainyo ang katotohanan.