215 total views
Ang epekto o kaugnayan sa nagdaang halalang pambansa ng mga alegasyon laban kay Commission on Elections Chairman Andres Bautista ang dapat na tutukan sa imbestigasyon at hindi ang alitan ng mag-asawa.
Ito ang panawagan sa mga mambabatas ni Atty. Rona Ann Caritos, Executive Director of Legal Network For Truthful Elections (LENTE) kaugnay sa ipinahayag ng ilang mambabatas na pagnanais na imbestigahan ang sinasabing mga tagong yaman ni Chairman Bautista base sa alegasyon ng kanyang dating asawang si Patricia Paz-Bautista.
Giit ni Atty. Caritos, hindi na dapat pang makisali ang mga mambabatas sa tila media circus sa naturang kontrobersiya sa halip ay masusing imbestigahan ang maaring naging kaugnayan ng mga sinasabing tagong yaman o ill-gotten wealth ng opisyal sa nakaraang pambansang halalan.
“masyado nang malaking media circus yung nagagawa, ang pinag-uusapan lang naman ay away mag-asawa, mas importante po dito yung alegasyon na yung pera ay nagamit para makaapekto dun sa eleksyon natin nitong nakaraang taon, so yan po yung mas gusto nating tutukan ng pansin ng ating Blue Ribbon Committee, ng ating Senate at ng ating House of the Representatives kasi kung mag-iimbestiga lang sila pero wala rin namang impeachment parang sumali lang sila dun sa media circus…” pahayag ni Caritos sa panayam sa Radio Veritas.
Batay sa idineklarang yaman ni Chairman Bautista noong 2015 umaabot lamang ang kanyang net worth sa
170.3-million pesos habang umabot naman ito sa 176.3-million pesos noong 2016.
Gayunman, batay sa mga ibinunyag ng kanyang asawang si Patricia, aabot sa 1.2-billion pesos ang net worth
ni Bautista, kabilang ang shares sa stock na 338-milyong piso, pension plan na aabot sa 22-milyong piso,
800-bank accounts at ilang pang international accounts sa iba’t-ibang bansa.
Mariin namang pinabulaanan ni Chairman Bautista ang mga alegasyon ng dating asawa at iginiit na
walang katotohanan ang sinasabing kanyang mga tagong yaman.
Sa bahagi ng Simbahan ang katapatan ng mga opisyal ng bayan ay higit na mahalaga sapagkat karapatan
ng mamamayan na malaman ang tunay na katotohanan sa mga usapin ng katiwalian lalu’t ang pondo ng bayan ang maaring mawaldas na dapat sana ay para sa mga programa at serbisyo para sa publiko.