196 total views
Sa kabila ng pagkakaroon ng pinakamababang tourism budget sa buong Asya ay tuloy-tuloy pa rin ang pagdagsa ng mga turista sa Pilipinas.
Ito ang ipinagmalaki ni Tourism Assistant Secretary for Public Affairs, Communications and Special Projects Ricky Alegre kaugnay na paglobo ng turismo ng bansa sa nakalipas na anim na buwan.
“Ang ating budget ay smallest sa ASEAN compare to other countries na millions and billions of dollars ang gastos. We’re still the smallest and yet nakikita natin na despite the small budget, our arrivals continue to grow,”
pahayag ni Alegre.
Sa tala ng Department of Tourism, umabot na sa 3.3-milyong ang mga turista na bumisita sa Pilipinas mula Enero hanggang Hunyo 2017, mas malaki ng 12.7% kung ikukumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Samantala upang makalikha ng mas epektibong mga proyekto at makipagsabayan ang Pilipinas sa ibang mga bansa sa Asya ay humiling ang departamento ng karagdagang na 1-bilyong pisong budget sa susunod na taon para sa ‘branding campaign program’ na inaasahang mas magpapalakas ng turismo sa bansa.
Nabatid na tumanngap ng 2.5-bilyong pisong budget ang DOT ngayong taon, hamak na maliit kung ikukumpara sa 100-milyong dolyar na tourism budget ng Indonesia at Malaysia at 60-bilyong dolyar ng Hongkong.
Unang ipinaalala ng Kanyang Kabanalan Francisco na mapapalago lamang ang turismo ng isang bansa kung magkakasalamuha ang bawat tao at maiwasan ang diskriminasyon sa pagitan ng iba’t ibang lahi.