485 total views
Mga Kapanalig, dahil pa rin sa patuloy na banta sa kalusugan ng COVID-19, walang prusisyon ng imahe ng Poong Itim na Nazareno sa Traslacion ngayong taon. Katulad noong mga nakaraang taon, magsasagawa na lamang ng tinatawag na “localized Traslacion” kung saan bibisita ang imahe ng Itim na Nazareno sa iba’t ibang simbahan sa Metro Manila at Luzon.1Maraming deboto ang dismayado, ngunit katulad nga sinasabi ng tema ng pagdiriwang ngayong taon, higit na mapalad ang mga nakikinig sa Salita ng Diyos at tumutupad nito. Hango ito sa Ebanghelyo ni San Lucas 11:28.
Ang ating pananampalatayang Katoliko ay hindi nga lamang natatapos sa ating pakikinig sa Salita ng Diyos. Hindi ba’t may kasabihan pa ngang “actions speak louder than words”? Ngunit sakit na nga yata ng marami sa atin ang patagusin lang sa isang tainga ang mga naririnig ng kabilang tainga sa tuwing nakikiisa tayo sa Banal na Misa o nakakapakinig ng mga pagninilay tungkol sa mga Salita ng Diyos. Naririnig natin ang mga pangaral ng Diyos ngunit sinusunod ba natin ang mga ito?
Totoong bitbit ng marami sa mga namamata sa kanilang pagsisimba ang mga personal na intensyon—mga panalangin para sa kagalingan ng katawan, mga dasal para mapawi ang hirap sa buhay, mga petisyon para sa kaligtasan mula sa anumang pinsala. Hindi ito masama. Hindi ipinagbabawal ang paghingi ng himala. Ngunit kung tunay nating pinakikinggan ang Salita ng Diyos at kung tutuparin natin ito, inuudyukan tayong mga mananampalatayang lumampas sa ating mga pansariling kahilingan at tahakin ang mga yapak ni Hesus.
At gaya ng minsang ipinaalala ni Pope Francis, ang pagpapasyang sundin ang Diyos sa ating buhay ay hindi lamang isang natatanging pagkakataon o once-in-a-lifetime opportunity. Isa itong pagdedesisyong ginagawa natin araw-araw. Nararanasan natin si Hesus sa mga sakramento, sa pananalangin, at sa pakikibahagi sa buhay ng ating kapwa, lalo na sa mga pinanghihinaan ng loob at walang-wala sa buhay. 2 Hindi madaling gawin ang pangatlo, lalo na kung marami rin tayong pinapasan sa ating mga balikat. Ngunit hindi ito imposible.
Paano natin pinahahalagahan ang ating mga kapamilya, kaibigan, at kapitbahay, lalo na ang mga may pinagdaraanan sa buhay? Dinadamayan at kinakalinga ba natin sila sa kanilang pag-iisa? O kinapopootan at ginagawa natin silang paksa ng mga tsismisan?
Paano natin ipinakikita ang ating pagiging responsableng mamamayan ng ating bansa? Nakikita ba nating may epekto sa iba ang ating mga ginagawang desisyon katulad ng pagpili ng ating mga lider tuwing eleksyon? O wala tayong pakialam basta ang “manok” natin ang manalo at basta may suhol tayong natatanggap?
Paano natin tinatrato ang ating kapwa-tao? Nag-aabot ba tayo ng tulong sa mga nangangailangan dahil karapat-dapat silang bahaginan? O dahil gusto lamang nating gumaan ang ating pakiramdam at purihin ng iba?
Kaakibat ng pagtupad sa mga Salita ng Diyos ang pakikipagtagpo sa ating kapwa. Maliban sa pagsunod sa kalooban ng Niya at pakikipag-usap sa Kanya sa pamamagitan ng ating mga panalangin, tayo ay inaanyayahang katagpuin Siya sa mga taong nakakasalamuha natin araw-araw. Kung tatalima sa mensaheng ito ang milyun-milyong deboto ng Mahal na Poong Nazareno, kung tutupad sila sa mga Salita ng Diyos na kanilang naririnig, tiyak na malaking pagbabago ang ating masasaksihan, hindi lamang sa ating Simbahan kundi sa ating bayan.
Mga Kapanalig, sabi nga sa Santiago 2:17, patay ang pananampalatayang walang kalakip na gawa. Ngayong walang prusisyon ang Poong Itim na Nazareno na susundan ang milyun-milyong deboto mula sa Luneta pabalik sa Simbahan ng Quiapo, nawa’y ang mga salita at gawa ni Hesus ang ating sundan hindi lamang ngayong kapistahan kundi, sabi nga ni Pope Francis, sa araw-araw nating pamumuhay.
Sumainyo ang katotohanan.