11,394 total views
Sa pagdiriwang ng Peasant Month ngayong Oktubre, mariing binatikos ng Church People–Workers Solidarity o CWS ang kabiguan ng pamahalaan na pangalagaan ang mga magsasaka laban sa kahirapan at korapsyon.
Ayon kay San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, tagapangulo ng CWS, ang patuloy na pagdurusa ng mga magsasaka ay bunga ng sistemang mapagsamantala, na lalong pinabigat ng kawalan ng sariling lupang sinasaka, mataas na presyo ng mga gamit sa bukid, kapabayaan ng pamahalaan, at masamang epekto ng Rice Tariffication Law.
Batay sa datos, nananatiling isa sa pinakamahihirap na sektor ang mga magsasaka sa bansa, na may 27 porsyentong antas ng kahirapan noong 2023—ikatlong pinakamataas sa buong Pilipinas.
Binigyang-diin ng CWS na higit pitumpung porsyento ng mga manggagawang bukid ay wala pa ring sariling lupain, sa kabila ng mga dekadang pagpapatupad ng repormang agraryo. Mula 3.6 milyong lupang pag-aari ng mga magsasaka noong 2012, bumaba ito sa 2.4 milyon noong 2022.
Tinawag ng grupo na “pekeng reporma” ang Comprehensive Agrarian Reform Program o CARP, dahil sa mga butas at patakarang pumapabor lamang sa mga mayayamang panginoong maylupa.
“The Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) on the other hand, was a fraud! It reduced a historic struggle to a mere land sale, riddled with loopholes that only led to the re-consolidation of land in the hands of the landed elite. And when our farmers fight back for their rights, they are confronted with violence and state fascism!”, bahagi ng pahayag ng CWS.
Kaugnay nito, inilahad ng CWS na 19 porsyento lamang ng mga lupang pansakahan ang may irigasyon, at 26 porsyento lamang ng kabuuang sakahan ang mekanisado. Dahil dito, patuloy umanong umaasa ang bansa sa imported na pataba, pestisidyo, at mga binhi, habang patuloy na naghihirap ang sariling mga magsasaka.
Ibinunyag din ng grupo ang koneksyon ng lumalalang krisis sa kanayunan sa malawakang korapsyon, lalo sa mga proyekto ng flood control at farm-to-market roads, na umano’y nagiging daan ng paglustay ng pondo ng bayan sa pamamagitan ng mga pekeng proyekto at kickback.
Dagdag pa ng grupo, “While our farmers starve, the corrupt politicians and their cohorts are engaged in a tragedy of obscene plunder, siphoning off billions from the very funds meant to protect the poor! Besides the trillions of pesos stolen thru flood control scam, massive corruption on the farm-to-market roads that is vital to our farmers are now being revealed through “ghost projects,” substandard construction, and an elaborate kickback scheme involving officials and favored contractors.”
Giit ng CWS, kailangan na ng tunay na repormang agraryo at libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka, pati na rin ang pananagutin ang mga tiwaling opisyal na sangkot sa pandarambong.




