363 total views
Mga Kapanalig, may isang patimpalak na ang mga local government units (o LGU) ang pinararangalan. Tinatawag itong Galing Pook Award. Kinikilala nito ang mga probinsya, lungsod, at munisipyong may mahusay at kapakipakinabang na programa para sa ikauunlad ng kanilang mga mamamayan. Sa taóng ito, isa sa mga nagkamit ng karangalang ito ay ang munisipyo ng Goa sa Camarines Sur.
Ang LGU ng Goa ay nakipagtulungan sa mga volunteers, mga civic groups, at mga ahensiya ng gobyerno upang makapaghatid ng mga serbisyong medikal at iba pang tulong sa mga mahihirap at higit na nangangailangang mga komunidad sa malalayong lugar. Ayon kay Goa Mayor Marcel Pan, layunin ng kanilang programang tinawag na TUCAD o “Trekking to Unlock Community Ailments and Difficulties” na iparating sa mga nangangailangan ang tulong na kailangan nila at buhaying muli sa mga empleyado ng gobyerno at mga inihalal na mga opisyales ang malasakit at mapagkalingang pagdamay sa kanilang kapwa. Sabi ni Mayor Pan, aangat ang lahat kapag walang naiiwan.
Napakalaki ng nakaatang na responsibilidad sa mga local government units (o LGU) sapagkat maraming serbisyong pampubliko na sila ang inaasahang magparating sa mga tao. Nariyan ang pangangalaga sa kalusugan o primary health care—mula sa pagbibigay ng mga bakuna sa mga bata at sanggol hanggang sa pagbibigay ng lunas at mga gamot sa mga hindi kayang magbayad para sa mga ito. Tumutulong din sila sa pagpapasahod ng mga guro at sa maintenance ng mga pampublikong high school. Sa LGU rin ang pamimigay ng mga ayuda, gaya ngayong may pandemya at kapag may mga nasasalanta ng bagyo, lindol, at mga sakuna. Sa kanila rin nakaatang ang paghahanda ng mga komunidad at pagsaklolo sa mga tao kapag may mga kalamidad.
Tama ang butihing mayor ng Goa: hindi sapat na nakasulat sa mga batas ang mga tungkulin ng LGU upang tiyaking magagawa ang mga ito. Mas mahalagang naisasapuso ng mga lingkod-bayan ang malasakit sa mga tao upang talagang magampanan ang mga tungkuling ito at tiyaking maaabot ang lahat ng nangangailangan.
Ang ating Simbahan man ay may pagpapahalaga sa prinsipyong tinatawag na subsidiarity. Ipinagkakatiwala sa mga nasa mas mababang antas ng pamamahala ang pagpapasya at pagkilos na may kinalaman sa kapakanan ng mga tao. Ito ay dahil sila ang higit na malapit sa kanila, at ipinapalagay na mas ramdam nila ang mga hinaing at pangangailangan ng mga tao. Batay sa prinsipyong ito, ganito kahalaga ang pagpili at paghalal natin ng mga karapat-dapat at mapagmalasakit na mga pinunong magpapatakbo ng ating lokal na pamahalaan, kasama na ang barangay.
Ngunit kumusta naman ang kakayahan ng ating mga LGU? Sapat ba ang kanilang pondo upang gampanan ang kanilang mga responsibilidad? Isang problemang sinasabi ng ilang mga lokal na opisyal ay hindi raw nakasasapat ang pondong ibinibigay sa kanila samantalang malalaki at mabibigat na responsibilidad ang inilipat sa kanila mula sa pambansang pamahalaan dahil sa tinatawag na devolution. Higit na marami naman daw ang mga responsibilidad na ililipat sa kanila kapag mangyari na ang ganap na devolution at hindi raw sasapat ang karagdagang pondong ibibigay sa kanila mula sa Mandanas-Garcia ruling.
Mga Kapanalig, sinasabi sa Mga Gawa 2:44-45 na nakilala ang mga unang Kristiyano sa kanilang pagbabahaginan ng kanilang mga ari-arian. “At ang lahat ng mga mananampalataya ay magkakasama at ang kanilang ari-arian ay para sa lahat. Ipinagbili nila ang kanilang mga ari-arian at mga kayamanan at ipinamahagi sa lahat, ayon sa pangangailangan ng bawat isa.” Ito sana ang maging gabay ng mga namamahala sa ating gobyerno kung paano hahatiin ang yaman ng bayan sa mga pangangailangan ng kanilang mga mamamayan, lalo na ng mga nasa laylayang dapat marating ng mga lokal na pamahalaan.