195 total views
Kapanalig, narinig niyo na ba ang mga katagang “pandemic burnout?”
Ito ay isang mental health issue na nararamdaman ng marami sa atin ngayon. Ayon sa mga eksperto, ang burnout ay isang “a state of emotional, physical, and mental exhaustion” bunsod ng sobra at matagal na stress. Ang ating burnout ngayong pandemya ay maaring magdulot sa atin ng pakiramdam na wala na tayong mabubuga o magagawa, at kawalan ng gana sa buhay. Marami ang nawawalan ng pag-asa at sobrang pagka-balisa. May iba, irritable na at laging galit.
Nung unang bahagi ng pandemya, may pag-aaral na nagawa sa ating bansa ukol sa psychological impact ng pandemya sa Pilipinas. Ang pag-aaral na ito ay naglunsad ng online survey, magmula ng March 28 to April 12, 2020. Maraming insights o aral ang nakita sa pagsusuring ito.
Mga 16.3% ng mga na-survey ang nagsabi na nakaranas sila ng moderate to severe psychological impact habang 16.9% naman ang nagsabi na nakaranas sila ng moderate to severe depressive symptoms. Mataas ang moderate to severe anxiety symptoms: mga 28.8% ang nagsabi na nakaranas sila nito. 13.4% naman ang nagsabi na nakaranas sila ng moderate to severe stress signals.
Nakita rin sa pag-aaral na mas apektado ng pandemya ang babae kaysa lalake. Mataas din ang lebel ng stress, anxiety, depresyon at psychological impact sa hanay ng hindi nakaabot ng mataas na antas ng edukasyon, mga single, at mga bata at adolescents. Mas malaki din ang pyschological impact sa mga estudyante kaysa sa mga nagtatrabaho.
Hindi biro ang pandemic burnout, kapanalig. At ito ay hindi dapat nating danasin mag-isa. Ang mental health ng mamamayan ay parte ng ating public health. Dapat itong iprayoridad, hindi lamang ng mga mamamayan, kundi pati ng pamahalaan. Nakakalungkot lamang na ngayong 2021, baka kulangin pa rin ang nilaan na budget ng pamahalaan para sa mental health ng bayan. Ayon sa isang pagsusuri ng World Health Organization, ang pondo para mental health ng bayan ay karaniwang napupunta sa mga mental hospitals. Walang “specific mental health line” sa ating health budget. Karaniwan, ayon sa pagsusuri, ang gastos para sa mental health care ay mula sa bulsa ng mga pasyente. In short, wala masyadong suporta para sa karaniwang mamamayan.
Kapanalig, kailangan bigyan atensyon na natin ang mental health sa ating bayan, lalo pa’t matagal pang darating ang bakuna para sa mga Filipino. Sobra na ang epekto ng COVID sa pang-araw araw na buhay ng tao, at sobrang pagka-balisa at dalamhati na ang dinala nito sa maraming pamilya. Kailangan ng bawat isa sa atin ng suporta.
Tinatawag tayo ng ating panahon ngayon upang magsama-sama. Sabi sa Solicitudo Rei Socialis, bahagi ng Catholic social teachings, sa ating pagsasama-sama o solidarity, kinikilala natin ang bawat isa bilang tao: may dangal at dignidad mula sa Diyos. Kaya sana, kapanalig, ating gawing buhay at tunay ang salitang “bayanihan.” Sa pamamagitan ng ating pagsuporta sa isa’t isa, ang bigat sa isipan at puso na dala ng pandemya ay mas gagaan.
Sumainyo ang Katotohanan.