183 total views
Mga Kapanalig, kasalukuyan ngayong ipinuprusisyon ang imahen ng Poong Hesus Nazareno mula sa Quirino Grandstand sa Luneta upang ihatid pabalik sa kanyang simbahan sa Quiapo. Tinatayang lalampas sa 15 milyong deboto ang dumagsa sa Maynila sa araw na ito para sumama sa taunang Traslacion.
Mula pa noong mga nakaraang buwan, hindi na nagkulang ang mga punong-abala sa pagpapaalala sa mga deboto at mga namamanata na makipagtulungan sa mga otoridad upang mapanatili ang kaayusan sa isasagawang Traslacion. Taun-taon kasi, marami ang nahihimatay sa gutom, pagod, at pakikipagsiksikan makalapit lamang sa poon. Hindi rin nawawala ang mga nabibiktima ng mga nananamantalang mandurukot. Kaya nga hinikayat din ng mga organizers ang mga may malubhang kondisyon lalo na sa puso, ang mga buntis, ang mga nais magsama ng mga sanggol o bata, at lalo na ang mga lasing, na ipagpaliban na muna ang pagsama sa Traslacion sa taóng ito. Asahan na lamang daw ng mga ito ang mga panalangin ng mga nakadalo.
Bakit nga ba maraming mga Pilipino ang deboto ng Poong Nazareno hindi lamang tuwing Traslacion, ngunit maging sa buong taon?
Palaisipang maituturing ang ipinakikitang pananampalataya ng mga deboto ng Poong Nazareno sa panahon natin ngayon kung kailan laganap na ang modernong kaisipan at makabagong teknolohiya. Madalas nating marinig mula sa mga kinakapanayam ng media na marami sa kanila ang umaasang mapapagaling sa kanilang dinaramdam sa munti nilang penitensya sa pagsama sa prusisyon o sa pagnonobena o pagsimba nila tuwing Biyernes sa Quiapo. Para sa iba, naniniwala silang mababawasan ang kanilang mga kasalanan, kung hindi man lubusang mapatawad ng Panginoon. Ang ilan naman, naniniwalang ipagkakaloob sa kanila ang biyayang matagal na nilang hinihiling sa poon.
Marahil, naiiisip ng maraming Katoliko na nauunawan ng Poong Hesus Nazareno ang kanilang kalagayan. Nakikita nila ang kanilang paghihirap sa imahen habang pasan-pasan nito ang kanyang krus ngunit nakatuwid pa rin ang likod. Bakas sa kanyang mukha ang hirap na pinagdaanan, ngunit nakapatong sa ulo niya, hindi lang koronang-tinik, kundi may putong o diadem na may tatlong gintong sinag. Ayon sa tradisyon, ang imahen ng Hesus Nazareno ay si Hesus na tumatayo at bumabangon pagkatapos niyang malugmok sa bigat ng krus na pasan sa kanyang balikat.
Sa tradisyunal na Daan ng Krus o Way of the Cross, tatlong beses nadapa si Hesus sa bigat ng krus niyang pasan-pasan. At sa tatlong beses niyang pagkadapa, tatlong beses din siyang bumangon. Iyan ang imahen ng ating Hesus Nazareno—isang paalala ng taong tumatayo at bumabangon pagkatapos madapa, isang taong hiráp, hindi lamang sa pisikal na sakit ng katawan, kundi pati na rin sa panunuya at pang-aalipusta sa kanya ng mga taong nadaraanan niya. Kasama rin sa kanyang pagdurusa ang pagkakanulo at pag-iwan sa kanya ng mga taong malapit sa kanya, mga taong itinuring niyang mga kaibigan.
Mga Kapanalig, ang Poong Nazareno ay ang imahen ng isang taong hirap sa buhay, ngunit may lakas, may pag-asang bumangon muli, dahil pasasaan pa’t hindi naman kamatayan ang hahantungan kundi ang maluwalhating pagkabuhay na magmuli. Matapos ang kataku-takot na hirap, may ginhawa. Matapos ang pagpasan sa krus, at pagtahak sa kalbaryo, may buhay na walang hanggan! Sa paniniwalang ito marahil nagmumula ang pag-asa ng mga Pilipino sa kanilang debosyon sa Poong Hesus Nazareno, na hindi lang may pag-asa kahit na nga mahirap ang buhay kundi na mayroon din tayong Diyos na hindi iba sa atin, na naranasan din ang pagdurusa, na nakakaintindi at nakikiisa sa mga maralita.
Kung tutuusin, dito naman talaga nakaugat ang ating pananampalataya at mga turo ng Simbahang Katolika—na minsang nakiisa ang Diyos sa atin, at nakipamuhay kahit na nga mahirap, upang lahat tayo ay sabay-sabay niyang hahangunin sa pagkakasala, sa pagkabigo, sa pagdurusa.
Maligayang Kapistahan ng Poong Hesus Nazareno, mga Kapanalig!
Sumainyo ang katotohanan!