1,775 total views
Mga Kapanalig, bumalik sa ating alaala nitong nakaraang linggo ang malawakang pagbahang dala ng Bagyong Ondoy sa Kamaynilaan noong 2009. Matinding baha ang naranasan ng mga kababayan natin sa ilang bahagi ng Metro Manila at mga karating-lugar dahil sa uláng dala ng habagat na pinalakas ng Bagyong Karding.
Maliban sa mga larawan ng mga lugar na lumubog sa baha, kumalat din sa social media ang mga larawan ng mga kababayan nating hindi nagpaawat sa baha, gaya na lamang ng isang kasalan sa Hagonoy, Bulacan, at ng isang lalaking hanggang tainga ang ngiti kahit abot-dibdib na ang baha. Patunay daw ang mga ito ng katatagan o resiliency nating mga Pilipino sa gitna ng kalamidad. Sa isang banda, mainam ang ganitong disposisyon dahil napapagaan natin ang mga dinadala nating hirap sa buhay. Sa kabilang banda, hindi naman daw makatutulong na idaan sa pagsasaya ang epekto ng mga kalamidad dahil baka pinagtatakpan lamang natin ang hindi natin pagkatuto sa maraming trahedyang naranasan natin.
Halimbawa, natuto na ba tayo pagdating sa paglilikas ng mga pamilyang apektado ng baha? Ayon sa NDRRMC, umabot sa mahigit 22,000 pamilya o lampas 100,000 katao sa limang rehiyon sa Luzon ang kinailangang dalhin sa mga evacuation centers sa kasagsagan ng habagat. Nakita natin ang kahandaan ng ilang lokal na pamahalaan katulad ng Marikina, ngunit hindi ito ang nangyari sa maraming Evacuation centers kung saan walang privacy ang mga pamilya. Hindi ito dapat idaan sa pagtawa lamang.
Isa pa, natuto na ba tayo sa pangangasiwa ng ating basura? Kasabay ng malalakas na along dala ng habagat ang tone-toneladang basurang bumalot sa baywalk sa Maynila. Literal na ang basurang itinapon natin, bumabalik sa atin. Patunay iyon na hindi pa rin maayos ang solid waste management lalo na sa mga kalungsuran. Hindi rin ito nakatutuwa.
Ikatlo, natugunan na ba natin ang ugat ng pagbaha sa mabababang lugar? Sa totoo lang, hindi lamang ang mga baradong daluyan ng tubig-baha ang sanhi ng pagbaha. Ang mas malaking problema ay ang pagkakalbo ng mga nakapaligid na kabundukan na pinagmumulan ng rumaragasang tubig—mga bundok na sinira ng quarrying o kaya naman ay pinatag na para taniman o pagtayuan ng mga subdivision at pabahay. Hindi madadaan sa pagtawa ang problemang ito.
Malawak at pangmatagalang solusyon ang kailangan upang tugunan ang problema ng pagbahang nakapipinsala sa buhay, bahay, at kabuhayan lalo na ng mga mahihirap. At katuwang ng pamahalaan ang Simbahan sa pagbubuo ng mga solusyong ito. Sa larangan ng patakaran, nakikita natin ang positibong maibubunga ng panukalang National Land Use Act, na kung maisasabatas ay gagabay sa ating pamahalaan na maiayos ang paggamit ng lupa upang hindi magkaroon ng quarrying sa mga bundok o ng kabahayan sa mga delikadong lugar. Makatutulong din ang pagtatatag ng Department of Disaster Resiliency na titiyak sa maayos na ugnayan ng mga ahensya sa panahon ng kalamidad at rehabilitasyon.
Ngunit maipatutupad lamang nang tama ang mga ito kung, sabi nga ni Pope Francis sa Laudato Si’, sasabayan natin ito ng pagbabago sa ating pananaw at pamumuhay, change of mentality and of lifestyle. Magiging tunay na resilient o matatag tayo kung lalampasan natin ang ating pagiging makasarili at kung makikiisa tayo sa pagtataguyod ng kapakanan ng ating kapwa, lalo na ng mahihirap. Sa madaling salita, aanhin natin ang magagandang batas kung hahayaan nating nakawin ang pondo para sa mga inililikas, kung patuloy tayo sa pagtatapon ng basura, at kung hahayaan nating masira ang ating kapaligiran para lamang sa ating maluhong pamumuhay?
Mga Kapanalig, magandang katangian ang maging positibo sa kabila ng hirap, ngunit huwag sana nating kalimutan ang ating tungkuling papanagutin ang ating mga lider at ang pananagutan natin sa kalikasan at sa ating kapwa, may kalamidad man o wala.
Sumainyo ang katotohanan.