352 total views
Mga Kapanalig, muli na namang nam-bully ang mga barko ng Tsina sa West Philippine Sea. Binomba ng mga ito ng water cannon ang mga barko ng Philippine Coast Guard (o PCG) kamakailan. Ayon sa tagapagsalita ng PCG, inalalayan ng PCG ang mga bangka mula sa Armed Forces of the Philippines patungong Ayungin Shoal para maghatid ng pagkain, tubig, gasolina, at iba pang suplay para sa mga sundalong sakay ng BRP Sierra Madre. Ang Ayungin Shoal ay bahagi ng Kalayaan Island Group gayundin ng exclusive economic zone at continental shelf kung saan may hurisdiksyon, soberanya, at mga karapatan ang Pilipinas.
Kinundena ng PCG ang ginawang ito ng Chinese Coast Guard at sinabing hindi lamang daw iyon pagsasawalambahala sa kaligtasan ng mga crew ng PCG. Paglabag din iyon sa international court ruling na nagsasabing mali ang pag-angkin ng Tsina sa West Philippine Sea.
Noong 1999, sadyang isinadsad ng Pilipinas ang BRP Sierra Madre para igiit ang soberanya natin sa naturang lugar. Mula noon, naging outpost na ito ng Pilipinas sa West Philippine Sea. Nakatira sa barracks ng barko ang Philippine Marines at regular silang pinadadalhan ng suplay ng pagkain at iba pa nilang pangangailangan. Naging simbolo ang BRP Sierra Madre hindi lamang ng pagmamay-ari ng Pilipinas sa Ayungin Shoal kundi pati ng tapang, diskarte, at paninindigan ng Pilipinas sa karapatan nito sa West Philippine Sea.
Mula pa taong 2014, nagkakaroon na ng mga insidente kung saan nangha-harass at nambu-bully ang Tsina sa ating mga sasakyang pandagat at sa ating mga mangingisda. Iba-iba ang kanilang pamamaraan; nariyan ang paggamit ng water cannon, panunutok ng nakabubulag na military-grade laser, at pagbangga ng kanilang sasakyang pandagat sa mga bangka ng Pilipinong mangingisda. Hindi man gumagamit ng armas ang Tsina, panganib pa rin ang dulot ng mararahas nilang pamamaraan at pagsisimula nila ng gulo.
Mula noon, tila mas lalong lumalala ang panggigipit at pangha-harass ng Tsina sa Pilipinas. Paubos na ang ating mga bahura sa West Philippine Sea. Marami na ring isla roon ang tinayuan na ng military bases ng Tsina. Ang mga ginagawang ito ng Tsina ay malinaw na pagpapakita ng determinasyon nitong angkinin ang mga isla, yaman, at katubigang nakapaloob sa ating teritoryo.
Ayon sa ating mga mambabatas, sinubukan na raw ng Pilipinas ang diplomatic dialogue pati na ang back channeling kahit noon pang panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino. Ngunit walang nangyayari at hindi nagpapaawat ang Tsina. Bilang ordinaryong mamamayan, mapapaisip tayo: may magagawa pa kaya ang Pilipinas sa ganitong sitwasyon? Magagawa pa kaya nating tumindig laban sa ginagawa ng Tsina?
Hindi dapat tayo bumaluktot at magpasindak sa panghihimasok ng Tsina sa ating teritoryo. Ngunit hindi rin ibig sabihin nitong dapat na makipaggiyera tayo. Gaya ng binibigyang-diin ng panlipunang turo ng Simbahan, panawagan sa mga bansang igalang nila ang isa’t isa, gaya ng pakikipagkapwa ng mga indibidwal sa bawat isa. Sa Pacem in Terris, sinasabing katotohanan, katarungan, pagtutulungan, at kalayaan ang dapat manaig sa ugnayan ng mga bansa upang mapanatili ang kapayapaan sa ating mundo. Kasabay ng pagkiling natin sa kapayapaang pinahahalagahan ng ating Simbahan ay ang pagpapahalaga natin sa ating sariling bansa. Mas magkakaroon tayo ng kakayahang panindigan ang tama at nararapat sa atin kung may tiwala tayo sa ating sariling kakayahan at hindi laging dumedepende sa ibang bansa, lalo na sa mga nambu-bully sa atin.
Mga Kapanalig, nawa’y huwag hayaan ng ating pamahaalaang mawalan tayo ng karapatan sa mga isla at karagatang Pilipinas dapat ang nangangasiwa. Gayunpaman, tandaan natin ang paalala sa Roma 14:19 na “lagi nating pagsikapang gawin ang mga bagay na makakapagdulot ng kapayapaan.”
Sumainyo ang katotohanan.