465 total views
Mga Kapanalig, kung pagmamasdan natin ang ating kapaligiran—ang mga kalsada, pasilidad, establisyimento, at pampublikong transportasyon—masasabi ba ninyong idinisenyo ang mga ito nang may pagsasaalang-alang sa mga persons with disability (o PWD)? Isang aspeto lamang ito sa ating lipunang nagpapahirap sa mga taong may kapansanan. Madalas din silang tinutukso at kinukutya ng ibang tao. Limitado rin ang mga trabahong angkop sa kanilang kakayanan. Kaya naman para sa kanila, lalo na ang mga mula sa mahihirap na pamilya, sana ay mas malaki ang serbisyong maaasahan mula sa pamahalaan.
Ayon sa pag-aaral ng Department of Social Welfare and Development (o DSWD) at ng United Nation’s Children’s Fund (o UNICEF), ang mga pamilyang may mga batang may kapansanan ay nangangailangan ng dagdag na gastos na 40% hanggang 80% kumpara sa gastos ng mga pamilyang walang miyembrong may kapansanan. Nasa 50% din ang poverty rate ng mga pamilyang may batang may kapansanan. May mga pribilehiyo at benepisyo mang nakukuha ang mga may kapansanan, hindi lahat ay nakatatanggap ng mga ito dahil isa lang sa limang batang may kapansanan ang may PWD ID card. Marami kasing nahihirapan sa prosesong kailangang pagdaanan upang magkaroon ng PWD ID card, lalo na para sa mga may pisikal na kapansanan at mga taong walang pambayad ng assessment fees na nagkakahalaga ng ₱20,000 hanggang ₱25,000. Dahil dito, hindi nila lubos na napakikinabangan ang mga pribilehiyo at benepisyong dapat nilang natatamasa.
Dagdag sa mga hamong kinahaharap ng mga batang may kapansanan at ng kanilang pamilya ang kakulangan ng mga serbisyo at ito ay nagiging hadlang sa pagpasok nila sa paaralan. Marami rin sa kanila ang hindi naipapakonsulta, naipapagamot, o nadadala sa mga therapy na kailangan nila. Marami ding walang pinansyal na kakayanang bumili ng mga tinatawag na assistive devices katulad ng hearing aid, wheelchair, at saklay. Hindi ito problema para sa mga pamilyang mayroong resources upang mabili ang pangangailangan ng mga batang PWD at upang makapagpatingin sa mga espesyalista. Hindi imposibleng sila rin ang unang nakikinabang sa mga subsidiyang nanggagaling sa gobyerno. Marami pang kailangan gawin ang pamahalaan at ang mga civil society organizations upang mapabuti ang buhay ng mga batang may kapansanan.
Paalala ni Pope Francis sa kanyang mensahe noong International Day of Disabled Persons ngayong taon, responsibilidad hindi lang ng pamahalaan kundi pati ng Simbahan ang pagtataguyod sa pagkilala sa dignidad ng bawat tao. Bahagi ito ng ating misyong ilapit si Hesus sa bawat tao, lalo na sa mga mahihina at naisasantabi katulad ng mga PWD. Dagdag ng Santo Papa, “Encounter and fraternity break down the walls of misunderstanding and overcome discrimination; this is why I trust that every Christian community will be open to the presence of our brothers and sisters with disabilities, and ensure that they are always welcomed and fully included.” Ganito rin ang mensahe ng Diyos sa mga namumuno sa Mga Awit 82:3-4: “Bigyan ninyo ng katarungan ang mga dukha at ulila. Ipagtanggol ninyo ang karapatan ng mga nangangailangan at inaapi. Iligtas ninyo ang mahihina at mga nangangailangan mula sa kamay ng masasamang tao.” Malinaw na marami pang kailangan gawin upang maisulong ang dignidad ng mga PWD bilang mga tao at anak ng Diyos.
Mga Kapanalig, kailangang siguruhing naitataguyod ang mga karapatan at ang kagalingan ng mga taong may kapansanan. Mahalagang sila ay napakikinggan at nakokonsulta sa mga patakarang layong tiyakin ang kanilang kapakanan. Kaakibat nito ang pagpaparating sa kanila ng mga programa at serbisyong dapat nilang napakikinabangan bilang mga mamamayan ng bansa. Kung tayo ay may mga kakilalang PWD, sana ay maalalayan natin sila sa kanilang pagkamit ng kanilang mga karapatan.