Mga Kapanalig, dahil sa komposisyon ng Senado sa ilalim ng bagong administrasyon, may mga nagsasabing naging pasikatan na lang ng mga kilalang tao ang pagboto ng mga gagawa ng mga batas ng bayan. Sa labindalawang nanalo sa pagkasenador sa katatapos pa lang na halalan, talaga namang napakalaki ng nakuhang boto ng mga kilalang personalidad sa showbiz at telebisyon. Pinili rin ng mas nakararaming botante ang mga kandidatong anak o kapatid ng mga nakaupong senador. May mga reelectionists na kilalang-kilala ng mga tao at muling ibinoto. Ilang dekada na rin naging pugad, ‘ika nga, ng mga artista, personalidad sa TV, at magkakamag-anak ang senado.
Hindi madali ang trabaho ng mga senador. Sabi nga ng political scientist na si Propesor Julio Teehankee sa isang panayam, ang Senado ay kinabibilangan noon ng mga tinatawag na “best and brightest”—mga pinakamahuhusay at pinakamagagaling. Sila kasi ang sumusulat ng mga panukalang batas. Ipagtatanggol pa nila ang mga ito sa mga pagdinig upang makuha ang suporta ng kanilang mga kasamahan. May kapangyarihan din silang mag-imbestiga bilang tulong sa paggawa ng mga batas (o ang lagi nating naririnig na “in aid of legislation”). Kasama sila ng mga kongresista sa pagbubuo ng badyet upang pondohan ang mga gagawin ng pamahalaan.
Bilang isa sa mga bumubuo ng ating lehislatura, ang Senado ay katuwang ng Mababang Kapulungan sa pagbabantay sa iba pang sangay ng gobyerno—ang ehekutibo (na nagpapatupad ng mga batas) at ang hudikatura (na naglilinaw sa mga batas at nagpapataw ng kaparusahan sa mga lumalabag dito). May kapangyarihan ang Senado na ipawalambisa ang pag-veto ng pangulo sa mga panukalang batas. Ang mga senador din ang nagkukumpirma sa mga appointees ng pangulo. Maaari din nilang litisin at patalsikin ang pangulo at mga hukom ng Korte Suprema sa pamamagitan ng impeachment. Hindi talaga biro ang trabaho ng mga senador.
Ngunit iba na yata ang batayan ng ating mga kababayan sa pagpili ng mga senador. Kung sabagay, nakasaad naman sa ating Saligang Batas na sinuman ay maaaring tumakbo sa pagkasenador basta’t sila ay ipinanganak sa Pilipinas, 35 taóng gulang pataas sa araw ng eleksyon, nakapagbabasá at nakapagsusulat, rehistradong botante, at residente ng Pilipinas nang may dalawang taon bago ang eleksyon. Mahalaga rin namang may mabuting puso (kung totoo man) ang ating mga senador, pero hindi naman siguro masama kung pipili tayo ng mga may talas ng isip upang talakayin ang mga isyu ng bayan at lakipan ang mga ito ng mga batas at patakaran.
O baka naman hindi talaga lubos na nauunawaan ng mga Pilipino ang trabaho ng mga senador? Kung totoo ito, nakalulungkot at nakababahala ito.
Sa ngayon, hindi na marahil makatutulong ang patuloy na pangungutya sa kwalipikasyon ng mga nanalong senador ng bayan. Ang pagtuunan natin ng pansin ay ang pagbabantay sa kanilang mga gagawin sa loob—at kahit sa labas—ng Senado. Nawa’y sa pamamagitan ng mga panukalang batas na kanilang isusulong, kanilang “[maipahahayag] nang malinaw ang katotohanan at ang katuwiran, at [maigagawad] ang katarungan sa mga api at mahirap,” gaya ng nasasaad sa Mga Kawikaan 31:9. Sabi pa nga sa Catholic social teaching na Deus Caritas Est, ang pulitika ay hindi lamang tungkol sa pagtutukoy sa mga tuntunin ng pampublikong buhay kung saan malaki ang ginagampanang papel ng mga senador. Ang pamahalaan—na kinabibilangan ng mga mambabatas—ay dapat nakatutok sa kung paano makakamit ang hustisya dito at ngayon.
Mga Kapanalig, kampante ka man o hindi sa komposisyon ng ating Senado, patuloy nating bantayan ang mga panukalang batas na isusulong nila at ang mga hakbang na gagawin ng mga senador upang bantayan ang iba pang sangay ng ating pamahalaan.






