![]()
Mga Kapanalig, ngayon ay ang ika-40 anibersaryo ng Edsa People Power Revolution.
Nasaan kayo noong mga panahong iyon? Kasama ba kayo sa mga nanawagan para sa pagbabalik ng demokrasya at sa mapayapang pagpapatalsik sa diktador na si Ferdinand Marcos? O kabilang ba kayo sa mga loyal sa pamilyang nagwaldas at nagnakaw ng pera ng taumbayan? O ordinaryong araw lang para sa inyo iyon, kaya nasa bahay, trabaho, o eskwelahan kayo?
Itinuturing ang Edsa People Power bilang mahalagang ambag ng Pilipinas sa pagyabong ng demokrasya noong panahong iyon—mapayapa ang pamamaraan, kapit-bisig ang mga mamamayan. Pero sa paglipas ng panahon, marami na sa atin—kahit pa ang mga mulát na noong panahong iyon—ang nakalimot na. Mayroon ding kahit kasama sa pagkilos noon ay tila ibinasura na lang ang mga aral ng Edsa. Duda na sila sa kapangyarihan ng mga tao. Wala na silang pag-asa na posible pa ang pagbabago kung sama-sama ang mga mamamayan. Humina na ang liyab ng pagmamahal sa ating bayan.
Nakalulungkot ito. Kapag kinakalimutan ang kasaysayan, nabubura na rin ang alaala natin bilang isang bayan. Hindi lang ito tungkol sa pagkabisa sa mga mahahalagang petsa o mga pangalan ng tao. Ang paglimot sa kasaysayan ay tila pagkalas ng pisi ng saranggolang lumilipad sa kalawakan o pagkabutas ng layag ng bangkang bumibiyahe sa karagatan. Nawawalan tayo ng direksyon.
Sikát na paalala ng pilosopong si George Santayana: “Those who cannot remember the past are condemned to repeat it.” Kung kinakalimutan na ang kasaysayan—hindi man natin sinasadya (dahil na rin sa paglipas ng mga taon) o talagang sinasadya (sa pamamagitan nga ng tinatawag na historical revisionism)—maaulit at mauulit ang mga pagkakamali natin noon. At ito nga ang nangyayari ngayon: laganap pa rin ang mga kurakot sa gobyerno, idolo natin ang mga lider na walang paggalang sa mga karapatang pantao, at namamayagpag pa rin ang mga magkakapamilya sa pulitika.
Sa hindi na natin pag-uusap tungkol sa Edsa People Power, nababalewala na ang mga kuwento ng pighati, sakripisyo, at tagumpay. Hindi na nga ito itinuturing na holiday ngayon. Hindi na ito tinatalakay sa mga paaralan. Natatabunan na ang mga kuwento ng pagbabayanihan noon ng sambayanang Pilipino ng mga mabababaw na bagay, lalo na ngayon sa social media. Gusto na lamang ng marami sa atin ang mga kuwentong magaan at nakakaaliw.
Pero ito ang problema: kapag hindi na alam ng mga tao ang kanilang kasaysayan, napakadali na silang lokohin, bilugin, at utuin ng sinumang makikinabang sa pagbubura sa mga nangyari noon. Nagagawa na silang pasunurin sa agenda ng mga may makikitid na interes—gaya ng mga pulitikong gustong kalimutan na ng mga tao ang mga krimeng ginawa nila sa bayan. Malilinis ang kanilang pangalan. Walang mapapanagot sa kanila. Babalik pa sila sa poder.
Para sa ating mga Katoliko, ang Edsa People Power ay isang pangyayari na bahagi ng pagliligtas ng Diyos sa atin. Sa ating pagdarasal, ginabayan tayo ng ating pananampalataya para piliin natin ang mapayapang paraan ng pagbabago. Tandaan din nating sa likod ng yugtong ito sa ating kasaysayan ay ang paghahangad na isulong ang dignidad ng mga kababayan natin, itaguyod ang kabutihang panlahat, at ibalik ang kalayaang mahalaga sa ating pagkatao.
Mga Kapanalig, marami mang makalimot, patuloy ang kuwento ng Edsa. Hindi man natin makakasama sa kuwentong ito ang kasalukuyang gobyerno at iba pang piniling lumimot, magsisikap tayo sa Simbahan at ang iba pang nananatiling buháy sa kanilang puso ang Edsa na isalin sa mga susunod na henerasyon ang mga aral ng nakaraan. Tandaan natin: humahango tayo sa kasaysayan ng karunungan—karunungang “bukal ng buhay,” sabi nga sa Mga Kawikaan 16:22.
Sumainyo ang katotohanan.






