61,969 total views
Mga Kapanalig, sa raid na ginawa sa isa na namang POGO hub kamakailan, naka-recover ang mga awtoridad ng iligal na droga, libu-libong pera, alahas, at torture devices.
Nangyari ito sa POGO hub sa bayan ng Porac sa Pampanga. Nasamsam ng mga tauhan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (o PAOCC) ang mga bagay na ito—pati na ang mga computers at gadgets—sa pito lamang sa mahigit 40 na gusali sa compound. Patuloy ang imbestigasyon ng ginagawa ng mga awtoridad habang isinusulat natin ang editoryal na ito. Inaalam din kasi kung totoong may kaugnayan ang POGO na ito sa Pampanga sa POGO sa bayan naman ng Bamban sa Tarlac.
Gayunman, mukhang nakatunog ang mga nagpapatakbo ng POGO sa Pampanga. Tatlong araw bago ang paghahalughog ng PAOCC, nakatakas na sila at ang mga nagtatrabaho roon. Gaya ng ibang POGO sa bansa, mga dayuhan ang karamihan sa mga tauhan sa pasilidad na ito sa Pampanga. Nasa 186 naman ang naiwan at nasagip, kabilang ang ilang Pilipino.
Isinagawa ang raid bilang aksyon rin sa reklamong natanggap ng awtoridad na may torture na nagaganap sa naturang POGO. Kapag hindi raw naaabot ng mga empleyado ang kanilang quota bawat araw, dinidisiplina raw sila sa pamamagitan ng pagpalo sa kanila gamit ang baseball bat. Sangkot din daw ang POGO sa panloloko online kaya tinawag din itong “scam farm”. Ginagamit din umano ang POGO para sa human trafficking o ang iligal na pagkalakal sa mga tao para sa sapilitang paggawa. May mga babaeng empleyado rin daw na sexually trafficked.
Pinalalakas ng ganitong mga kaso ang hinalang ginagamit ang mga POGO ng mga sindikato ng krimen. Matatandaang nagsulputang parang mga kabute ang mga pasilidad na ito sa ilalim ng administrasyong Duterte. Naniniwala kasi ang dating presidente na makatutulong ang pagpapapasok sa mga dayuhang gambling operators na palaguin ang ating ekonomiya. Ayon sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (o PAGCOR), nagbigay ang mga POGO ng trabaho sa halos 20,000 Pilipino. Kaya naman, tutol ang PAGCOR sa tuluyang pagba-ban sa mga POGO dahil libu-libo raw ang mawawalan ng trabaho. Bilyung-bilyong piso rin daw ang ambag ng mga POGO sa kita ng PAGCOR at buwis na kinukolekta gobyerno. Mawawala rin daw ito kung aalisin ang mga POGO.
Pero makatwiran ba ang mga benepisyong ito kung ang kapalit ay ang dangal ng mga taong inaabuso sa mga POGO? Mula sa hindi makataong kalagayan ng mga empleyado hanggang sa pagkakasangkot nila sa krimen, mahirap sabihing positibo para sa dignidad ng tao ang hatid ng mga pasilidad na ito. Malinaw na pagkamal ng pera ng mga negosyanteng nasa likod ng POGO ang nangingibabaw, hindi ang kapakanan ng mga manggagawa.
Sa mga panlipunang turo ng ating Simbahan, pinahahalagahan ang dignidad ng paggawa dahil tao ang nasa sentro nito. Sabi nga sa Catholic social teaching na Laborem Exercens, ang pagtatrabaho ay dapat na nakatutulong sa manggagawang makamit ang kanyang pagiging tao. Hindi ito nakakamit kung sa kanilang trabaho, itinuturing sila na parang mga makinang hindi dapat napapagod o kasangkapang pwedeng ikalakal. Nawawala ang kanilang dignidad kapag ginagamit sila sa panloloko ng kanilang kapwa. Nabubura ang kanilang pagkatao kapag sinasaktan sila dahil hindi nila naaabot ang kanilang quota.
Mga Kapanalig, sa mga lumalabas na impormasyon tungkol sa mga POGO sa ating bansa, makikitang ibinabasura sa industriyang ito ang dangal ng mga manggagawa, Pilipino man o dayuhan. Ang nakalulungkot (at nakagagalit), hinayaan itong mangyari ng ating mga lider. May ilan pang gustong magpatuloy ang mga negosyong ito. Ang mga mapang-abusong negosyante at mga pinunong nagbubulag-bulagan sa mali ay parang “ulan na sumisira sa pananim,” wika nga sa Mga Kawikaan 28:2.
Sumainyo ang katotohanan.