23,123 total views
Kinilala ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang pagsusumikap at inisyatibo ng may layko na pangunahan ang pagsusulong sa paninindigan ng Simbahan laban sa pagsasabatas ng diborsyo sa Pilipinas.
Inihayag ito ni Novaliches Bishop Roberto Gaa, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Vocations sa paglulunsad ng Super Coalition Against Divorce (SCAD) na binubuo ng may 40 mga grupo at organisasyon ng mga layko.
Naninindigan ang Obispo na hindi kailanman mababago ang posisyon ng Simbahan laban sa isinusulong na pagsasabatas ng diborsyo sa bansa.
“Malinaw naman ang kinatatayuan ng Simbahan, ang Simbahan ay laban sa divorce at patuloy nitong pinahahalagahan ang pamilya at ang kasa. it is really felt sacred na hinihikayat namin na kaming mga pari, kaming mga bishops ay nagpapasalamat kami sa initiative, para sa akin this is really a lay initiative na I acknowledge, I bless because it is really for the sake of the people kaya natin ginagawa.” pahayag ni Bishop Gaa.
Ipinaliwanag ng Obispo na mahalaga ang paghahanda ng mga magpapakasal upang ganap na maunawaan at mapaghandaan ang iba’t ibang suliranin at hamon sa buhay na kanilang maaring kaharapin bilang mag-asawa.
Ibinahagi ni Bishop Gaa na bahagi ng relasyon at buhay mag-asawa ang pagharap sa iba’t ibang mga pagsubok at hamon sa buhay pamilya na hindi sapat upang maghiwalay at isantabi ng mag-asawa ang kasagraduhan kasal at ng sinumpaang pangako sa harap ng Panginoon.
“Totoo may mga ganung problema, wala pong perpektong pamilya, lahat po may pagkukulang pero hindi dahil dun ay basta basta nalang tayo kakalas o bibitaw sa kasal kasi yan ay banal na pagsasama, para sa akin po ay ito ay magandang pinaghahandaan na dahil hindi nga siya perpekto part of preparation for marriage is parang understanding the problems that you will face in marriage at ito ay magkakaroon ng sapat na paghahanda para sa solusyon sa mga problemang ito.” Dagdag pa ni Bishop Gaa.
Magsisilbing convenor ng kowalisyon ang mga layko sa pangunguna ni Novaliches Diocesan Commission on Family & Life Lay Coordinator Demy Chavez kung saan kabilang sa mga grupo at organisasyon na nagpahayag ng pakikiisa sa Super Coalition Against Divorce (SCAD) ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas, Couples for Christ, Alliance for the Family Foundation Philippines Inc., Live Christ, Share Christ, Novaliches Ecumenical Fellowship, Families of the Focolare Movement, Catholic Women’s League, Pro-Life Philippines Foundation, Catholic Elderly and Grandparents Associations of the Philippines, Miissionary Families of Christ, Philippines Social Conservative Movement, UP Student Catholic Action, Catholic Faith Defenders, People’s Choice Movement, EduChild, Human Life International at mga Commission on Family and Life ng iba’t ibang diyosesis kabilang na ang mga Diyosesis ng Kalookan, Parañaque, Malolos, Cubao, Antipolo, Pasig, at mga Arkidiyosesis ng San Fernando at Maynila.
Kabilang sa tututukan ng Super Coalition Against Divorce (SCAD) ang lobbying o pagkakaroon ng dayalogo sa pagitan ng mga Senador upang pigilan ang pagsasabatas ng diborsyo sa Pilipinas.