14,768 total views
Dismayado ang Ecumenical Institute for Labor Education and Research (EILER) sa patuloy na paniniil at pagpatay sa mga lider manggagawa at miyembro sa Pilipinas.
Ikinalulungkot ng EILER, ang muling pagkabilang ng Pilipinas sa 2024 Top 10 most dangerous countries for labor leaders and workers sa listahan ng International Trade Union Confederation (ITUC) Global Rights Index.
“Sa ikawalong taon, markado pa rin ang Pilipinas bilang isa sa 10 pinakamasahol na bansa sa pagtrato sa uring manggagawa, ayon sa ulat ng International Trade Union Confederation (ITUC) Global Rights Index 2024. Sa gradong 5, sinasabing wala silang mga batayang karapatan sa mundo ng paggawa. Bagaman may mga batas sa bansa na maaring magsaad ng ilang partikular na karapatan, nananatili pa ring limitado o sa kadalasan ay hindi sila bahagi nito,” ayon sa mensahe ng EILER.
Iginiit ng grupo na malinaw na pagpapakita ito ng kabiguan ng pamahalaan na bigyan ng proteksyon ang mga manggagawa.
Kasama rin ng EILER sa pagkadismaya ang Church People Worker’s Solidarity (CWS) sa pamumuno ni CWS National Chairman San Carlos Bishop Gerardo Alminaza.
Naninindigan si Bishop Alminaza na ang mga manggagawa ang sentro ng demokrasya sa bansa na dapat bigyang proteksyon.
Umaapela si Bishop Alminaza kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr na ipatupad ang 1987 constitution at pagkilala sa mga international labor laws at paggamit nito sa Pilipinas upang maging batayang batas para sa mga manggagawa.
“As ITUC General Secretary Luc Triangle’s correctly pointed out, “workers are the beating heart of democracy, and their right to be heard is crucial to the health and sustainability of democratic systems. When their rights are violated, democracy itself is attacked. Democracy, trade unions and workers’ rights go together.” The ITUC report accurately reflects the human rights violations of workers. No amount of whitewashing and cover-up on the side of the government can hide realities on the ground,” ayon sa mensaheng ipinadala ni Bishop Alminaza sa Radio Veritas
Base sa datos, simula 2016 ay 72 na ang bilang ng mga labor leaders at members na napapatay.
Kasama ng Pilipinas sa listahan ITUC ngayong taon ang mga bansang Bangladesh, Belarus, Ecuador, Egypt, Eswatini, Guatemala, Myanmar, Tunisia at Turkiye sa hindi magkakasunod na bilang.