3,709 total views
Paggunita kay San Juan Maria Vianney, pari
Levitico 23, 1. 4-11. 15-16. 27. 34b-37
Salmo 81, 3-4a. 5-6ab. 10-11ab
Masigla nating awitan
ang D’yos nating kaligtasan.
Mateo 13, 54-58
Memorial of Saint John Vianney, Priest (White)
Mga Pagbasa mula sa
Biyernes ng Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
UNANG PAGBASA
Levitico 23, 1. 4-11. 15-16. 27. 34b-37
Pagbasa mula sa aklat ng Levitico
Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ipahayag mo sa mga Israelita ang mga pistang itinakda ko; ipagdiriwang nila ang mga banal na pagtitipong ito, at magkakaroon sila ng banal na pagpupulong.”
“Ito ang mga pistang itinakda ko: ang Pista ng Paskuwa na gaganapin sa gabi ng ikalabing-apat na araw ng unang buwan. Kinabukasan ay Pista ng Tinapay na Walang Lebadura; pitong araw kayong kakain ng tinapay na walang lebadura. Sa unang araw, magkakaroon kayo ng banal na pagtitipon; huwag kayong magtatrabaho. Pitong araw kayong maghahain sa Panginoon ng handog na susunugin. Sa ikapitong araw, muli kayong magtitipon; huwag kayong magtatrabaho.”
Sinabi pa ng Panginoon kay Moises, “‘Sabihin mo rin sa mga Israelita na pag naroon na sila sa lupaing ibibigay ko sa kanila, tuwing anihan ay magdadala sila sa saserdote ng isang bigkis ng una nilang ani. Ito’y ihahandog niya para sa inyo, kinabukasan ng Araw ng Pamamahinga.
“Mula sa kinabukasan ng Araw ng Pamamahinga, araw ng pagdadala ninyo ng bikis na ani, magpaparaan kayo ng pitong linggo; ang ikalimampung araw ay tatama sa kinabukasan ng Araw ng Pamamahinga. Sa araw na iyon, magdadala kayo ng handog na pagkain.
“Ang ikasampung araw ng ikapitong buwan ay araw ng pagbabayad-sala; magkaroon kayo ng banal na pagtitipon. Sa araw na iyon, mag-aayuno kayo at mag-aalay ng handog na pagkain.
“Mula sa ikalabinlimang araw ng ikapitong buwan, magsisimula ang Pista ng mga Tolda. Pitong araw ninyo itong ipagdiriwang. Sa unang araw, magkaroon kayo ng banal na pagtitipon, at huwag kayong magtatrabaho. Pitong araw kayong maghahandog sa Panginoon ng handog na pagkain. Sa ikawalong araw, magtitipon kayo upang sumamba at mag-aalay kayo ng handog na pagkain. Araw iyon ng pagsamba, kaya huwag kayong magtatrabaho.
“Iyan ang mga pistang itinakda ng Panginoon, mga araw ng inyong banal na pagtitipon. Sa mga araw na iyon, magdadala kayo ng handog na susunugin, handog na pagkain at handog na inumin ayon sa takda ng bawat araw.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 81, 3-4a. 5-6ab. 10-11ab
Masigla nating awitan
ang D’yos nating kaligtasan.
Umawit sa saliw nitong pandereta,
kasabay ng tugtog ng lira at alpa.
Hipan ang tambuli tuwing nagdiriwang,
kung buwan ay bago’t nasa kabilugan.
Masigla nating awitan
ang D’yos nating kaligtasan.
Sa bansang Israel, ito yaong utos,
batas na ginawa nitong Diyos ni Jacob.
Sa mga hinirang, ang utos di’y ito
nang sila’y ilabas sa bansang Egipto.
Masigla nating awitan
ang D’yos nating kaligtasan.
Ang diyos-diyosa’y huwag mong paglingkuran,
diyos ng ibang bansa’y di dapat luhuran.
Ako’y Panginoon, ako ang Diyos mo,
ako ang tumubos sa ‘yo sa Egipto.
Masigla nating awitan
ang D’yos nating kaligtasan.
ALELUYA
1 Pedro 1, 25
Aleluya! Aleluya!
Balita sa inyo ngayo’y
salita ng Panginoong
iiral habang panahon.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 13, 54-58
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, umuwi si Hesus sa kanyang bayan at nagturo sa kanilang sinagoga. Nagtaka ang mga nakarinig sa kanya. Sabi nila, “Saan kumuha ng karunungan ang taong ito? Paano siya nakagagawa ng kababalaghan? Hindi ba ito ang anak ng karpintero? Hindi ba si Maria ang kanyang ina, at sina Santiago, Jose, Simon, at Judas ang kanyang mga kapatid na lalaki? At dito nakatira ang kanyang mga kapatid na babae, hindi ba? Saan niya natutunan ang lahat ng ito?” At ayaw nilang kilanlin siya. Kaya’t sinabi ni Hesus sa kanila, “Ang propeta’y iginagalang kahit saan, liban sa kanyang sariling bayan at sa kanyang sariling sambahayan.” At dahil sa di nila pagsampalataya hindi siya gumawa roon ng maraming kababalaghan.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes
Tinanggihan si Jesus ng sarili niyang mga kababayan. May pananalig nating tanggapin siya bilang ating Panginoon at Tagapagligtas.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Jesus, ipagdangal ka nawa ng aming buhay.
Ang mga pinuno ng Simbahan nawa’y magpahayag ng Salita ng Diyos nang may katapangan at may pananalig na isabuhay ito, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y mapalakas sa maalab at walang takot na pagpapahayag ng mensahe ng Ebanghelyo sa ating tahanan at kapitbahayan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga misyonero nawa’y maging mapagtiis at huwag manghina ang kalooban sa paghahasik ng mensahe ng Diyos sa mga lugar na hindi pa tumatanggap nito, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga magulang ng may kapansanang mga anak, ang mga nag-aalaga sa matatanda, at lahat ng nagdurusa sa kani-kanilang tahanan o sa ospital nawa’y maging mga tahimik na ehemplo at saksi sa pag-ibig ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namimighati sa pagkawala ng kanilang mga mahal sa buhay nawa’y kalingain ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Diyos Ama sa Langit, nananalig kaming nananalangin sa iyo na pakikinggan mo ang aming mga mithiin. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.