3,648 total views
Huwebes ng Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Exodo 40, 16-21. 34-38
Salmo 83, 3. 4. 5-6a at 8a. 11
Ang templo mo’y aking mahal,
D’yos na Makapangyarihan.
Mateo 13, 47-53
Thursday of the Seventeenth Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Exodo 40, 16-21. 34-38
Pagbasa mula sa aklat ng Exodo
Noong mga araw na iyon, ginawa ni Moises ang lahat ayon sa utos ng Panginoon. Kaya, ang tabernakulo’y itinayo nila noong unang araw ng unang buwan ng ikalawang taon mula nang umalis sila sa Egipto. Si Moises ang nagtayo ng tabernakulo. Inilagay niya ang mga tuntungan nito, itinayo ang mga bastidor, isinuot sa mga argolya ang mga trabisanyo at itinayo ang mga poste. Nilatagan niya ng lona ang ibabaw nito at inatipan, tulad ng utos ng Panginoon. Isinilid niya sa Kaban ang mga tapyas na batong kinasusulatan ng mga utos. Isinuot sa mga argolya ng Kaban ang mga pasanan at ipinatong ang Luklukan ng Awa. Ipinasok niya sa tolda ang Kaban ng Tipan at tinabingan, ayon sa utos ng Panginoon.
Nang mayari ang tabernakulo, nabalot ito ng ulap at napuspos ng kaningningan ng Panginoon. Hindi makapasok si Moises pagkat nanatili sa loob ang ulap at napuspos nga ito ng kaluwalhatian ng Panginoon. Sa paglalakbay ng mga Israelita, nagpapatuloy lamang sila tuwing tataas ang ulap mula sa tabernakulo. Kapag hindi tumaas ang ulap, hindi sila nagpapatuloy; hanggang hindi tumataas ang ulap, hindi sila lumalakad. Kung araw, ang ulap ng kapangyarihan ng Panginoon ay nasa tapat ng tabernakulo; kung gabi nama’y ang haliging apoy. Ito’y nasa isang lugar na kitang-kita ng mga Israelita at siya nilang tanglaw sa kanilang paglalakbay.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 83, 3. 4. 5-6a. at 8a. 11
Ang templo mo’y aking mahal,
D’yos na Makapangyarihan.
Nasasabik ang lingkod mong sa patyo mo ay pumasok.
Ang buo kong pagkatao’y umaawit na may lugod,
sa masayang pag-awit ko pinupuri’y buhay na Diyos.
Ang templo mo’y aking mahal,
D’yos na Makapangyarihan.
Panginoon, sa templo mo, mga maya’y nagpupugad,
maging ibong layang-laya sa templo mo’y nagagalak,
may inakay na kalinga sa tabi ng iyong altar;
O Poon, hari namin at Diyos na walang kupas.
Ang templo mo’y aking mahal,
D’yos na Makapangyarihan.
Mapalad na masasabi, silang doo’y tumatahan
at palaging umaawit, nagpupuring walang hanggan.
Ang sa iyo umaasa’y masasabing mapalad din,
habang lumalakad, lalo mo nga silang palakasin.
Ang templo mo’y aking mahal,
D’yos na Makapangyarihan.
Kahit isang araw lamang, gusto ko pang sa templo mo,
kaysa isang libong araw na iba ang tahanan ko.
Gusto ko pang maging bantay sa pinto ng iyong templo,
kaysa ako’y mapasama sa masasamang mga tao.
Ang templo mo’y aking mahal,
D’yos na Makapangyarihan.
ALELUYA
Mga Gawa 16, 14b
Aleluya! Aleluya!
Kami’y iyong pangaralan
upang aming matutuhan
ang Salitang bumubuhay!
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 13, 47-53
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao, “Ang paghahari ng Diyos ay katulad din ng isang malaking lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng sari-saring isda. Nang mapuno ay hinila ito sa pampang. At naupo ang mga tao upang pagbukud-bukirin ang mga isda: tinipon nila sa mga sisidlan ang mabubuti, ngunit itinapon ang mga walang kuwenta. Gayun din ang mangyayari sa katapusan ng daigdig. Darating ang mga anghel at ihihiwalay ang mga makasalanan sa mga banal, at ihahagis ang mga makasalanan sa maningas na pugon. Doo’y mananangis sila at magngangalit ang kanilang ngipin.
“Nauunawaan na ba ninyo ang lahat ng ito?” tanong ni Hesus. “Opo,” sagot nila. At sinabi niya sa kanila, “Kaya nga, ang bawat eskriba na kumikilala sa paghahari ng Diyos ay tulad ng isang puno ng sambahayan na kumukuha ng mga bagay na bago at luma sa kanyang taguan.”
Nang masabi na ni Hesus ang mga talinghagang ito, siya’y umalis doon.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon
Huwebes
Tumugon tayo nang may pananalig sa paanyaya ng Diyos na pumasok sa kanyang Kaharian. Buong kababaang-loob tayong manalangin.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, gawin Mo kaming karapat-dapat sa iyong paghahari.
Ang Simbahan nawa’y huwag tumigil sa pagpapahayag ng Ebanghelyo sa lahat ng tao, dako, wika, at kultura, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga tao nawa’y huwag manatiling sarado sa nakaugaliang kultura bagkus mapayaman nila ang isa’t isa sa kanilang pananampalataya kay Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga walang-wala sa mundong ito nawa’y maging mga tagapagmana ng kayamanan ng Kaharian ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinanghihinaan na ng loob dahil sa bigat ng kanilang mga pagsubok at karamdaman nawa’y huwag ipinid ang kanilang puso at bagkus palalimin pa ang kanilang pananampalataya kay Kristo sa dinaranas nilang mga pagdurusa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namatay nawa’y tanggapin sa Kaharian ng Langit, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoong Diyos, makibahagi nawa kami sa iyong pag-ibig na bukas sa lahat ng tao, tanggapin mo kaming lahat kasama ng aming kapatid na si Jesu-Kristo ngayon at magpasawalang hanggan. Amen.