1,621 total views
Kapistahan ng Banal na Mag-anak, Hesus, Maria at Jose
Sirac 3, 3-7. 14-17a
o kaya Colosas 3, 12-21
Salmo 127, 1-2. 3. 4-5
Mapalad ang sumusunod
na taong may takot sa D’yos.
Mateo 2, 13-15. 19-23
Feast of the Holy Family of Jesus, Mary and Joseph (White)
UNANG PAGBASA
Sirac 3, 3-7. 14-17a
Pagbasa mula sa aklat ni Sirac
Ang mga ama ay binigyan ng Panginoon ng kapangyarihan sa mga anak,
at iniutos niya na sundin ng mga anak ang kanilang ina.
Ang gumagalang sa kanyang ama’y nagbabayad na sa kanyang kasalanan,
at ang nagpaparangal sa kanyang ina’y parang nag-iimpok ng kayamanan.
Ang gumagalang sa kanyang ama’y paliligayahin naman ng kanyang mga anak,
at ang panalangin niya’y agad diringgin ng Panginoon.
Ang nagpaparangal sa kanyang ama at nagdudulot ng kaaliwan sa kanyang ina,
ay tumatalima sa Panginoon;
pahahabain ng Diyos ang kanyang buhay.
Anak, kalingain mo ang iyong ama pag siya’y matanda na,
at huwag mo s’yang dudulutan ng sama ng loob habang nabubuhay.
Pagpaumanhinan mo siya kapag nanlalabo na ang kanyang isip;
huwag mo s’yang lalapastanganin ngayong nasa kasibulan ka na ng iyong lakas.
Ang paglingap mo sa iyong ama ay di makakalimutan ng Panginoon,
iyan ay magiging kabayaran sa iyong mga kasalanan.
Ang Salita ng Diyos.
o kaya:
Colosas 3, 12-21
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Colosas
Mga kapatid:
Kayo’y hinirang ng Diyos, itinalaga para sa kanya at minamahal niya. Kaya’t dapat kayong maging mahabagin, maganda ang kalooban, mapagpakumbaba, mabait at matiisin. Magpaumanhinan kayo at magpatawaran kung may hinanakit kayo sa isa’t isa. Pinatawad kayo ng Panginoon kaya’t magpatawad din kayo. At higit sa lahat, mag-ibigan kayo pagkat ito ang buklod ng ganap na pagkakaisa. At paghariin ninyo sa inyong puso ang kapayapaang kaloob ni Kristo, sapagkat ito ang dahilan kaya kayo tinawag upang maging bahagi ng isang katawan. Magpasalamat kayong lagi. Ang mga salita ni Kristo ay itanim ninyong mabuti sa inyong isip. Magpaalalahanan kayo at magturuan nang buong kaalaman. Umawit kayo ng mga salmo, mga imno, at mga awiting espirituwal, na may pagpapasalamat sa Diyos. At anuman ang gagawin ninyo, maging sa salita o sa gawa, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Hesus, at sa pamamagitan niya’y magpasalamat kayo sa Diyos Ama.
Mga babae, pasakop kayo sa inyu-inyong asawa, sapagkat iyan ang kalooban ng Panginoon.
Mga lalaki, ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa at huwag silang pagmamalupitan.
Mga anak, sundin ninyong lagi ang inyong mga magulang, sapagkat ikinalulugod iyan ng Panginoon.
Mga ama, huwag ninyong kagagalitan nang labis ang inyong mga anak, at baka manghina ang kanilang loob.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 127, 1-2. 3. 4-5
Mapalad ang sumusunod
na taong may takot sa D’yos.
Mapalad ang bawat tao na sa Diyos ay may takot,
ang maalab na adhika’y sumunod sa kanyang utos.
Hindi siya magkukulang sa anumang kailangan,
ang buhay ay maligaya’t uunlad ang kanyang buhay.
Mapalad ang sumusunod
na taong may takot sa D’yos.
Sa tahanan, ang asawa’y parang ubas na mabunga.
Bagong tanim na olibo sa may dulang ang anak n’ya.
Mapalad ang sumusunod
na taong may takot sa D’yos.
Ang sinuman kung ang Diyos buong pusong susundin,
buhay niya ay uunlad at laging pagpapalain.
Mula sa Sion, pagpapala nawa ng Diyos ay tanggapin,
at makita habang buhay, pag-unlad ng Jerusalem.
Mapalad ang sumusunod
na taong may takot sa D’yos.
ALELUYA
Colosas 3, 15a. 16a
Aleluya! Aleluya!
Kapayapaan ni Kristo
at Salita n’yang totoo
nawa’y manahan sa inyo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 2, 13-15. 19-23
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Pagkaalis ng mga Pantas, napakita kay Jose sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi sa kanya, “Magbangon ka, dalhin mo agad sa Egipto ang mag-ina. At huwag kayong aalis doon hangga’t hindi ko sinasabi sa iyo, sapagkat hahanapin ni Herodes ang sanggol upang patayin.” Kaya dali-daling bumangon si Jose at nang gabing iyo’y dinala sa Egipto ang mag-ina. Doon sila tumira hanggang sa mamatay si Herodes.
Nangyari ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, “Tinawag ko ang aking Anak mula sa Egipto.”
Pagkamatay ni Herodes, isang anghel ng Panginoon ang napakita sa panaginip kay Jose sa Egipto. “Magbangon ka,” sabi sa kanya, “iuwi mo na sa Israel ang mag-ina, sapagkat patay na ang nagtangka sa buhay ng bata.” Nagbangon siya at iniuwi nga sa Israel ang mag-ina.
Ngunit nang mabalitaan niyang si Arquelao ang naghahari sa Judea, kahalili ng kanyang amang si Herodes, siya’y natakot na pumunta roon. Muli siyang sinabihan sa panaginip, kaya’t nagtungo siya sa Galilea. Sa Nazaret sila nanirahan upang matupad ang sinabi ng mga propeta, “Siya’y tatawaging Nazareno.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.