2,944 total views
Biyernes ng Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
o kaya Paggunita kay San Camilo ng Lellis, pari
Genesis 46, 1-7. 28-30
Salmo 36, 3-4. 18-19. 27-28. 39-40
Nasa D’yos ang kaligtasan
ng mga mat’wid at banal.
Mateo 10, 16-23
Friday of the Fourteenth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Camillus de Lellis, Priest (White)
UNANG PAGBASA
Genesis 46, 1-7. 28-30
Pagbasa mula sa aklat ng Genesis
Noong mga araw na iyon, lumakad si Israel, dala ang kanyang ari-arian. Pagdating sa Beer-seba, naghandog siya sa Diyos ng kanyang amang si Isaac. Pagsapit ng gabi, tinawag siya ng Diyos sa isang pangitain, “Jacob! Jacob!”
“Nakikinig po ako,” tugon niya.
“Ako ang Diyos ng iyong ama,” wika sa kanya. “Huwag kang matakot na pumunta sa Egipto. Doon, ang lahi mo’y magiging isang malaking bansa. Sasamahan ko kayo roon at ibabalik na muli rito. Nasa piling mo si Jose pag ikaw ay namatay.”
Mula sa Beer-seba, naglakbay si Jacob. Siya, at ang kanyang mga apo at mga manugang ay isinakay ng kanyang mga anak sa mga karitong ipinadala ng Faraon. Dinala rin nila sa Egipto ang mga hayop at ari-arian nila sa Canaan. Kasama nga niya ang kanyang mga anak, mga manugang at mga apo.
At si Juda ay sinugo ni Israel kay Jose upang siya’y salubungin. Dali-daling ipinahanda ni Jose ang sasakyan niya at sinalubong ang kanyang ama sa Gosen. Nang sila’y magkita, agad niyang niyakap ang kanyang ama, at napaiyak siya sa tuwa. Sinabi naman ni Israel, “Ngayo’y handa na akong mamatay pagkat nakita na kitang buhay.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 36, 3-4. 18-19. 27-28. 39-40
Nasa D’yos ang kaligtasan
ng mga mat’wid at banal.
Umasa ka sa Diyos, ang mabuti’y gawin,
at mananahan kang ligtas sa lupain.
Sa Diyos mo hanapin ang kaligayahan,
at ang pangarap mo’y iyong makakamtan.
Nasa D’yos ang kaligtasan
ng mga mat’wid at banal.
Iingatan ng Diyos yaong masunurin,
ang lupang minana’y di na babawiin.
Kahit na sumapit ang paghihikahos,
di mararanasan nila ang magdahop.
Nasa D’yos ang kaligtasan
ng mga mat’wid at banal.
Ang mabuti’y gawin, masama’y itakwil,
at mananahan kang lagi sa lupain.
Pagkat yaong bayang wasto ang gawain,
ay mahal ng Poon, hindi itatakwil.
Sila’y iingatan magpakailanman,
ngunit ang masama ay ihihiwalay.
Nasa D’yos ang kaligtasan
ng mga mat’wid at banal.
Ililigtas ng Diyos ang mga matuwid,
iingatan sila pag naliligalig.
Ililigtas sila’t kanyang tutulungan
laban sa masama, ipagsasanggalang;
sapagkat sa Poon nangungubling tunay.
Nasa D’yos ang kaligtasan
ng mga mat’wid at banal.
ALELUYA
Juan 16, 13a; 14, 26d
Aleluya! Aleluya!
Pagdating ng Espiritu,
itataguyod n’ya kayo
sa tanang itinuro ko.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 10, 16-23
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga apostol, “Ngayon, sinusugo ko kayo na parang mga tupa sa gitna ng mga asong gubat. Maging matalino kayo, gaya ng mga ahas, at matapat, gaya ng mga kalapati. Mag-ingat kayo, sapagkat may mga taong magkakanulo sa inyo sa mga hukuman; at hahagupitin nila kayo sa mga sinagoga. Dahil sa akin, ihaharap kayo sa mga gobernador at mga hari, at magpapatotoo kayo sa harapan nila at ng mga Hentil. Kapag nililitis na kayo, huwag kayong mabalisa tungkol sa sasabihin ninyo o kung paano ninyo sasabihin. Pagdating ng oras, ito’y ipagkakaloob sa inyo. Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.
“Ipagkakanulo ng kapatid ang kanyang kapatid upang ipapatay; gayon din ang gagawin ng ama sa kanyang anak. Lalabanan ng mga anak ang kanilang mga magulang, at ipapapatay. Kapopootan kayo ng lahat dahil sa akin; ngunit ang manatiling tapat hanggang wakas ang siyang maliligtas. Kapag inuusig nila kayo sa isang bayan, tumakas kayo sa kasunod. Sinasabi ko sa inyo: hindi pa ninyo napupuntahan ang lahat ng bayan ng Israel ay darating na ang Anak ng Tao.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes
May tiwala sa paggabay at proteksyon ng Diyos, halina at lumapit tayo sa kanya na siyang laging handa sa pagkalingang hindi magmamaliw.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, ipadala mo sa amin ang iyong espiritu.
Ang mga pinuno ng Simbahan nawa’y maging matatag at walang takot na ipahayag ang mensahe ng Diyos sa gitna ng mga pagbatikos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga bansa at ang sangkatauhan nawa’y mapalaya sa makasalanang sistema ng opresyon at terorismo, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga nakararanas ng pagsubok sa kanilang buhay may-asawa nawa’y makatanggap ng biyaya na magsumikap na mapanatili ang kanilang mga pangako, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga pinahihirapan ng takot at ligalig nawa’y makatagpo ng kaligtasan sa ating komunidad, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga namayapa nawa’y umani ng pabuya sa kanilang mabuting mga gawain sa walang hanggang Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama, ikaw ang pinagmumulan ng buhay. Lupigin mo ang kadiliman ng kasamaan sa aming mga puso at punuin mo kami ng liwanag ng iyong pagpapala. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.