2,462 total views
Biyernes ng Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
o kaya Paggunita sa Mga Unang Martir ng Banal na Sambayanan ng Diyos sa Roma
Genesis 17, 1. 9-10. 15-22
Salmo 127, 1-2. 3. 4-5
S’ya’y laging pagpapalain
kung ang Poon ay susundin.
Mateo 8, 1-4
Friday of the Twelfth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of The First Martyrs of the Holy Roman Church (Red)
UNANG PAGBASA
Genesis 17, 1. 9-10. 15-22
Pagbasa mula sa aklat ng Genesis
Nang siyamnapu’t siyam na taon na si Abram, napakita sa kanya ang Panginoon at sinabi: “Ako ang Makapangyarihang Diyos. Sumunod ka sa akin at ingatan mong walang dungis ang iyong sarili habang ikaw ay nabubuhay.
“Kayo naman ay dapat maging tapat sa ating tipan, ikaw at ang iyong lahi,” sabi pa ng Diyos kay Abraham. “Ganito ang inyong gagawin: lahat ng lalaki sa inyo ay tutuliin.”
Sinabi pa rin ng Diyos kay Abraham: “Hindi na Sarai ang itatawag mo sa iyong asawa kundi Sara sapagkat siya’y pagpapalain ko: magkakaanak siya at magiging ina ng maraming bansa; may magiging hari sa kanyang mga inapo.”
Nagpatirapang muli si Abraham, ngunit napatawa siya nang kanyang maisip na siya’y matanda na. Nasabi niya sa sarili, magkakaanak ako ngayong ako’y sandaang taon na? At si Sara! Maglilihi pa ba iyon gayong siyamnapung taon na?” At sinabi niya sa Diyos, “Mabuti pang si Ismael na ang inyong kalingain at pahabain ang buhay.”
“Nagkakamali ka Abraham; si Sara ay magkakaanak ng isang lalaki at tatawagin mong Isaac,” wika ng Diyos. “Makikipagtipan ako sa kanya at sa kanyang lahi magpakailanman. Tungkol naman kay Ismael, ipagkakaloob ko ang kahilingan mo: Pagpapalain ko siya at pararamihin ang kanyang lipi. Magkakaank siya ng labindalawang prinsipe, at magiging bansang makapangyarihan ang kanyang angkan. Ngunit hindi sa kanya matutupad ang ating tipan. Matutupad iyon kay Isaac, ang magiging anak ni Sara na isisilang sa darating na taon, sa ganito ring panahon.” Pagkasabi nito, nilisan ng Diyos si Abraham.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 127, 1-2. 3. 4-5
S’ya’y laging pagpapalain
kung ang Poon ay susundin.
Mapalad ang bawat tao na sa Diyos ay may takot,
ang maalab na adhika’y sumunod sa kanyang utos.
Hindi siya magkukulang sa anumang kailangan,
ang buhay ay maligaya’t uunlad ang kanyang buhay.
S’ya’y laging pagpapalain
kung ang Poon ay susundin.
Sa tahanan, ang asawa’y parang ubas na mabunga.
Bagong tanim na olibo sa may dulang ang anak n’ya.
S’ya’y laging pagpapalain
kung ang Poon ay susundin.
Ang sinuman kung ang Diyos buong pusong susundin,
buhay niya ay uunlad at laging pagpapalain.
Mula sa Sion, pagpapala nawa ng Diyos ay tanggapin,
at makita habang buhay, pag-unlad ng Jerusalem.
S’ya’y laging pagpapalain
kung ang Poon ay susundin.
ALELUYA
Mateo 8, 17
Aleluya! Aleluya!
Inako ni Hesukristo
ang sakit ng mga tao
upang matubos n’ya tayo!
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 8, 1-4
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Nang makababa si Hesus mula sa bundok, sinundan siya ng napakaraming tao. Lumapit sa kanya ang isang ketongin at lumuhod sa harapan niya. “Ginoo,” ang wika niya, “kung ibig po ninyo, ako’y inyong mapagagaling.” Hinipo siya ni Hesus at sinabi, “Ibig ko, gumaling ka.” At pagdaka’y nawala ang kanyang ketong. “Huwag mo itong sasabihin kaninuman,” bilin ni Hesus. “Pumunta ka’t pasuri sa saserdote. Pagkatapos, maghandog ka ng haing iniuutos ni Moises, bilang patotoo sa mga tao na magaling ka na.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes
Tulad ng ketongin sa Ebanghelyo na humingi ng saklolo para gumaling, lumalapit tayo ngayon nang may pananalig sa ating Amang nasa Langit upang bibigyang-pansin niya ang ating mga panalangin.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, pagalingin mo kami ng iyong biyaya.
Ang Simbahan nawa’y hindi magkulang sa kanyang pagtanggap sa mga isinasantabi at nakakaligtaan ng lipunan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nagsasaliksik sa paggagamot nawa’y gabayan ng Panginoon upang makatuklas sila ng angkop na gamot sa mga sakit na hindi pa nalulunasan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating komunidad nawa’y tumulong nang may pag-ibig at kalinga sa mga taong nakakaligtaan ng lipunan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit, mga nagdarahop, at mga nalulumbay nawa’y tumanggap ng pag-alalay mula sa kanilang mga kapatid na Kristiyano, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumaong nananalig kay Kristo nawa’y tanggapin sa paghahari ng Panginoon, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming Diyos, pinalalakas kami sa aming pananalangin ng iyong mga handog na kagalingan at kapayapaan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.