1,655 total views
Sabado ng Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado
Genesis 18, 1-15
Lucas 1, 46-47. 48-49. 50 at 53. 54-55
Tinupad ng Panginoon
ang pangako niya noon.
Mateo 8, 5-17
Saturday of the Twelfth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of Blessed Virgin Mary on Saturday (White)
UNANG PAGBASA
Genesis 18, 1-15
Pagbasa mula sa aklat ng Genesis
Noong mga araw na iyon, napakita ang Panginoon kay Abraham sa Mamre sa may sagradong mga punongkahoy. Noo’y kainitan ng araw at nakaupo siya sa pintuan ng kanyang tolda. Walang anu-ano’y may nakita siyang tatlong lalaking nakatayo. Patakbo siyang sumalubong, yumukod nang halos sayad sa lupa ang mukha, at sinabi: “Mga ginoo, kung inyong mamarapatin, magtuloy po kayo sa amin. Dito muna kayo sa lilim ng punong ito, at ikukuha ko kayo ng tubig na panghugas sa inyong mga paa. Magpapahanda tuloy ako ng pagkain para manauli ang lakas ninyo bago kayo magpatuloy sa inyong paglalakbay. Ikinagagalak ko kayong paglingkuran habang naririto kayo sa amin.”
Sila’y tumugon, “Salamat, ikaw ang masusunod.”
Si Abraham ay nagdudumaling pumasok sa tolda at sinabi kay Sara, “Madali ka, kumuha ka ng tatlumpung librang harina, at gumawa ka ng tinapay.” Pumili naman siya ng isang matabang guya sa kulungan, at ipinaluto sa isang alipin. Kumuha rin siya ng keso at sariwang gatas at inihain sa mga panauhin kasama ang nilutong karne. Hindi siya lumalayo sa tabi ng mga panauhin habang sila’y kumakain.
Samantalang sila’y kumakain, tinanong nila si Abraham: “Nasaan ang asawa mong si Sara?”
“Nandoon po sa tolda,” tugon naman nito. Sinabi ng panauhin, “Babalik ako sa isang taon, sa ganito ring panahon, at pagbabalik ko’y may anak na siya.”
Nakikinig naman noon si Sara sa may pintuan sa kanyang likuran. Silang mag-asawa’y kapwa matanda na at hindi na dinaratnan si Sara. Napatawa ito nang lihim at ang wika, “Ngayon pa namang ako’y lanta na at laos na ang aking asawa, saka pa ba kami magkakaanak?”
“Bakit natawa si Sara, at sinabi pang ngayong tumanda siya’y saka magkakaanak? tanong ng Panginoon. “Mayroon bang di maaari sa akin? Tulad ng sinabi ko, babalik ako sa isang taon at pagbalik ko’y may anak na siya.”
Dahil sa takot, tumanggi si Sara at ang wika, “Hindi po ako tumawa.” Ngunit sinabi niya, “Huwag ka nang magkaila, talagang tumawa ka.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Lucas 1, 46-47. 48-49. 50 at 53. 54-55
Tinupad ng Panginoon
ang pangako niya noon.
Ang puso ko’y nagpupuri sa Panginoon,
at nagagalak ang aking espiritu
dahil sa Diyos na aking Tagapagligtas.
Tinupad ng Panginoon
ang pangako niya noon.
Sapagkat nilingap niya ang kanyang abang alipin!
At mula ngayon, ako’y tatawaging mapalad ng lahat ng salinlahi,
dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan —
banal ang kanyang pangalan!
Tinupad ng Panginoon
ang pangako niya noon.
Kinahahabagan niya ang mga may takot
sa kanya, sa lahat ng sali’t saling lahi.
Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom,
at pinalayas niyang wala ni anuman ang mayayaman.
Tinupad ng Panginoon
ang pangako niya noon.
Tinulungan niya ang kanyang bayang Israel,
bilang pagtupad sa pangako niya sa ating mga magulang,
kay Abraham at sa kanyang lahi, magpakailanman!
Tinupad ng Panginoon
ang pangako niya noon.
ALELUYA
Mateo 8, 17
Aleluya! Aleluya!
Inako ni Hesukristo
ang sakit ng mga tao
upang matubos n’ya tayo!
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 8, 5-17
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, pagpasok ni Hesus sa Capernaum, lumapit ang isang kapitang Romano at nakiusap sa kanya: “Ginoo, ang alipin ko po’y naparalisis. Siya’y nararatay sa amin at lubhang nahihirapan.” “Paroroon ako at pagagalingin siya,” sabi ni Hesus. Ngunit sumagot sa kanya ang kapitan, “Ginoo, hindi po ako karapat-dapat na puntahan pa ninyo sa aking bahay. Sabihin po lamang ninyo at gagaling na ang aking alipin. Ako’y nasa ilalim ng mga nakatataas na pinuno, at ako man ay may nasasakupang mga kawal. Kung sabihin ko sa isa, ‘Humayo ka!’ siya’y humahayo; at sa iba, ‘Halika!’ siya’y lumalapit; at sa aking alipin, ‘Gawin mo ito!’ at ginagawa niya.” Namangha si Hesus nang marinig ito, at sinabi niya sa mga taong sumusunod sa kanya, “Sinasabi ko sa inyo, na hindi ako nakatagpo kahit sa Israel ng ganito kalaking pananalig. Tandaan ninyo: marami ang darating buhat sa silangan at kanluran at dudulog sa hapag na kasalo nina Abraham, Isaac at Jacob sa kaharian ng langit. Ngunit marami sa lipi ng Israel ang itatapon sa kadiliman sa labas; doo’y mananangis sila at magngangalit ang kanilang ngipin.” At sinabi ni Hesus sa kapitan, “Umuwi na kayo; mangyayari ang hinihiling ninyo ayon sa inyong pananalig.” Noon di’y gumaling ang alipin ng kapitan.
Pumunta si Hesus sa bahay ni Pedro at doo’y nakita niya ang biyenan nito, nakahiga at inaapoy ng lagnat. Hinawakan ni Hesus ang kamay ng babae at nawala ang lagnat nito. Pagkatapos, bumangon ito at naglingkod sa kanya.
Nang gabing iyon, dinala kay Hesus ang maraming inaalihan ng mga demonyo. Sa isang salita lamang ay pinalayas niya ang masasamang espiritu, at pinagaling ang lahat ng may karamdaman. Ginawa niya ito upang matupad ang sinabi ni Propeta Isaias,
“Kinuha niya ang ating mga kahinaan at binata ang ating mga karamdaman.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado
Tulad ng matatag na pananampalataya ng senturyon, lumapit tayo sa Panginoong Jesus at manalangin tayo sa kanya para sa pangangailangan ng Simbahan at ng sandaigdigan.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, mapasaamin nawa ang Iyong pagpapala.
Ang Simbahan nawa’y hindi ituring saanman ang sinuman bilang banyaga o dayuhan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namumuno sa ating buhay pamayanan nawa’y ituring ang bawat tao nang may katarungan at pagkakapantay-pantay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga taong may kakaibang paniniwala, lahi, o pinagmulan nawa’y matutunan nating tanggapin at unawain, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga matatanda, mga nalulumbay, at mga maysakit nawa’y tumanggap ng kasiyahan ng pag-ibig ng Diyos sa oras ng kanilang pangangailangan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga yumaong kapatid nawa’y tanggapin sa Kaharian ng buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama ng sangkatauhan, tinanggap ng iyong Anak ang pananampalataya ng senturyon na lumapit sa kanya nang may pagpapakumbaba at pananalig. Ipakita mo sa amin ang iyong kagandahang-loob ngayong kami ay nananalangin sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.