2,169 total views
Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
2 Hari 4, 8-11. 14-16a
Salmo 88, 2-3. 16-17. 18-19
Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.
Roma 6, 3-4. 8-11
Mateo 10, 37-42
Thirteenth Sunday in Ordinary Time (Green)
St. Peter’s Pence (Obolum Sancti Petri)
UNANG PAGBASA
2 Hari 4, 8-11. 14-16a
Pagbasa mula sa ikalawang aklat ng mga Hari
Minsan, si Eliseo’y nagpunta sa Sunem. May isang mayamang babae roon at siya’y inanyayahang kumain sa kanila. Mula noon, doon siya kumakain tuwing pupunta sa lugar na yaon. Sinabi ng babae sa kanyang asawa, “Natitiyak kong lingkod ng Diyos ang taong ito. Bakit di natin siya ipagpagawa ng isang silid para matuluyan niya tuwing pupunta rito? Bigyan natin siya ng higaan, mesa, upuan at ilaw.”
Nang magbalik si Eliseo, doon siya nagpahinga sa silid na inihanda sa kanya. Pagkaalis ng babae, tinanong ni Eliseo si Giezi, “Ano kaya ang maitutulong natin sa kanya?” Sumagot si Giezi, “Wala po siyang anak at matanda na ang asawa.” “Tawagin mo uli,” utos ni Eliseo. Nagbalik ang babae at tumayo sa may pintuan. Sinabi sa kanya ni Eliseo, “Isang taon mula ngayon ikaw ay magkakaanak.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 88, 2-3. 16-17. 18-19
Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.
Pag-ibig mo, Poon, na di magmamaliw
ang sa tuwi-t’wina’y aking aawitin,
ang katapatan mo’y laging sasambitin.
Yaong pag-ibig mo’y walang katapusan,
sintatag ng langit ang ‘yong katapatan.
Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.
Mapalad ang taong sa ‘yo’y sumasamba,
sa pagsamba nila’y inaawitan ka
at sa pag-ibig mo’y namumuhay sila.
Sa buong maghapon, ika’y pinupuri,
ang katarungan mo’y siyang sinasabi.
Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.
Ang tagumpay namin ay iyong kaloob,
dahilan sa iyong kagandahang-loob.
Pagkat pinili mo yaong hari namin,
kaloob mo ito, Banal ng Israel.
Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.
IKALAWANG PAGBASA
Roma 6, 3-4. 8-11
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma
Mga kapatid:
Hindi ba ninyo nalalaman na tayong lahat na nabinyagan kay Kristo Hesus ay nabinyagan sa kanyang kamatayan? Samakatwid, tayo’y namatay at nalibing na kasama niya sa pamamagitan ng binyag upang kung paanong binuhay na muli si Kristo sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo nama’y mabuhay sa isang bagong pamumuhay.
Ngunit tayo’y naniniwalang mabubuhay tayong kasama ni Kristo kung namatay tayong kasama niya. Alam nating si Kristo na muling binuhay ay hindi na muling mamamatay. Wala nang kapangyarihan sa kanya ang kamatayan nang siya’y mamatay, namatay siya nang minsanan para sa kasalanan, at ang buhay niya ngayo’y para sa Diyos. Kaya dapat ninyong ibilang ang inyong sarili na patay na sa kasalanan datapwa’t buhay naman para sa Diyos sa inyong pakikipag-isa kay Kristo Hesus.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
1 Pedro 2, 9
Aleluya! Aleluya!
Ikaw, Kristo, ang humirang
upang kami’y maging bayan
ng pari at haring banal.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 10, 37-42
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga apostol: “Ang umiibig sa ama o sa ina nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. At ang umiibig sa anak na lalaki o babae na higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang hindi nagpapasan ng kanyang krus at sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang nag-iingat ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito, at ang nawawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay magkakamit nito.
“Ang tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. Ang tumatanggap sa isang propeta dahil sa siya’y propeta ay tatanggap ng gantimpala ukol sa propeta. At ang tumatanggap sa isang taong matuwid dahil sa siya’y matuwid ay tatanggap ng gantimpalang nauukol sa taong matuwid. At sinumang magbigay ng kahit isang basong tubig na malamig sa isa sa maliliit na ito dahil sa ito’y alagad ko – tinitiyak ko sa inyong tatanggap siya ng gantimpala.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Malugod tayong tinanggap ng Panginoon sa Piging ng Kanyang Anak, ngunit marami pa Siyang ibang regalong nakalaan para sa atin. Buong pananalig at kababaang-loob tayong manalangin:
Panginoon, dinggin mo kami!
Para sa Simbahang Katolika, ang mag-anak ng Diyos dito sa lupa: Nawa lagi niyang tanggapin nang maluwag ang mga tao ng iba’t ibang kultura, lahi, at lipunan nang walang pagtatangi o paghamak. Manalangin tayo!
Para sa Santo Papa, ating Obispo, mga pari, at iba pang pinunong relihiyoso: Nawa sila’y laging maging inspirasyon natin sa kanilang mabuting halimbawa ng pagiging bukas-palad at handang tumulong sa nangangailangan. Manalangin tayo!
Para sa ating mga pinunong pambayan: Nawa tanggapin nila ang mga dayuhan at mga refugees at tulungan nila ang mga itong makibagay sa kanilang bagong kapaligiran at sa gayon, sila’y maging kapaki-pakinabang na mamamayan. Manalangin tayo!
Para sa ating pamayanan sa parokya at mga kapisanan dito: Nawa bukas-palad nating tanggapin bilang mga kapatid ang mga bagong kaanib at dulutan sila ng pakikipagkaisa at tiwalang kailangan nila. Manalangin tayo!
Para sa mahihirap sa ating pamayanan: Nawa makita nila si Hesus sa pag-ibig at kabaitan ng kanilang kapwa. Manalangin tayo!
Tahimik nating ipanalangin ang ating sariling kahilingan. (Tumigil saglit.) Manalangin tayo!
Panginoon ng lahat ng kabaitan, itulad Mo kami sa Iyo sa lahat ng aming makakatagpo sa araw na ito. Tulutan Mong kami man ay tanggapin Mo sa Kaharian ng kaligayahang walang hanggan kung saan ka nabubuhay at naghahari magpakailanman. Amen!