10,039 total views
Kapistahan nina Apostol San Felipe at Santiago
1 Corinto 15, 1-8
Salmo 18, 2-3. 4-5
Laganap na sa daigdig
ang kanilang mga tinig.
Juan 14, 6-14
Feast of Saints Philip and James, Apostles (Red)
UNANG PAGBASA
1 Corinto 15, 1-8
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
At ngayo’y ipinaaalaala ko sa inyo, mga kapatid, ang Mabuting Balita na ipinangaral ko sa inyo. Iyan ang inyong tinanggap at naging saligan ng iyong pananampalataya. Sa pamamagitan nito’y naliligtas kayo, kung matatag kayong nananangan sa salitang ipinangaral ko sa inyo – liban na nga lamang kung kayo’y sumampalataya na di iniisip ang inyong sinampalatayanan.
Sapagkat ibinigay ko sa inyo itong pinakamahalagang aral na tinanggap ko rin: si Kristo’y namatay dahil sa ating mga kasalanan, bilang katuparan ng nasasaad sa Kasulatan: inilibing siya at muling nabuhay sa ikatlong araw, ayon din sa Kasulatan: at siya’y napakita kay Pedro, saka sa Labindalawa. Pagkatapos, napakita siya sa mahigit na limandaang kapatid na nagkakatipon. Marami sa kanila’y buhay pa hanggang ngayon, bagamat patay na ang ilan. At napakita rin siya kay Santiago, saka sa mga apostol na sama-sama noon.
Sa kahuli-huliha’y nagpakita rin siya sa akin – bagamat ako’y tulad ng batang ipinanganak nang di-kapanahunan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 18, 2-3. 4-5
Laganap na sa daigdig
ang kanilang mga tinig.
o kaya: Aleluya.
Ang langit ay naghahayag na ang Diyos ay dakila!
Malinaw na nagsasaad kung ano ang kanyang gawa!
Bawat araw, bawat gabi, ang ulat ay walang patlang,
patuloy na nag-uulat sa sunod na gabi’t araw.
Laganap na sa daigdig
ang kanilang mga tinig.
Walang tinig o salitang ginagamit kung sabagay,
at wala ring naririnig na kahit na anong ingay;
gayun pa man, sa daigdig ay laganap yaong tinig,
ang balita’y umaabot sa duluhan ng daigdig.
Laganap na sa daigdig
ang kanilang mga tinig.
ALELUYA
Juan 14, 6b. 9k
Aleluya! Aleluya!
Felipe, ako ang daan,
katotohanan at buhay;
Ama’y sa ‘kin matatanaw.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 14, 6-14
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus kay Tomas, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko. Kung ako’y kilala ninyo, kilala na rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon ay kilala na ninyo siya at inyong nakita.”
Sinabi sa kanya ni Felipe, “Panginoon, ipakita po ninyo sa amin ang Ama, at masisiyahan na kami.” Sumagot si Hesus, “Matagal na ninyo akong kasama, Felipe! Diyata’t hindi mo pa ako nakikilala? Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama. Bakit mo sinasabing: ‘Ipakita mo sa amin ang Ama’? Hindi ka ba naniniwalang ako’y sumasa-Ama at ang Ama’y sumasaakin? Ang mga salitang sinasabi ko ay hindi ko sinasabi sa ganang aking sarili. Ang Ama na sumasaakin ang gumaganap ng kanyang mga gawain. Maniwala kayo sa akin: ako’y sumasa-Ama at ang Ama’y sumasaakin. Kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi ko, maniwala kayo dahil sa mga gawang ito. Sinasabi ko sa inyo: ang nananalig sa akin ay makagagawa ng mga ginagawa ko at higit pa rito, sapagkat pupunta na ako sa Ama. At anumang hilingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay gagawin ko, upang maparangalan ang Ama sa pamamagitan ng Anak. Gagawin ko ang anumang hihilingin ninyo sa pangalan ko.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Mayo 3
San Felipe at Santiago
Manalangin tayo para sa mga pangangailangan ng Simbahan sa pamamagitan nina San Felipe at San Tiago.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panatilihin Mo kami sa iyong mga daan, Panginoon.
Ang mga obispo at mga pari nawa’y buong tapang na isagawa ang tungkuling magpalaganap ng Ebanghelyo kahit sa mga lugar na hindi ito tinatanggap, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga hindi nakakikilala kay Kristo nawa’y maakay sa liwanag ng Ebanghelyo sa pamamagitan ng mga turo at halimbawa ng mga Kristiyano, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y maging saksi ng Ebanghelyo sa pamamagitan ng ating paglilingkod sa kapwa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y magtamo ng kagalingan sa pamamagitan ng ating paglilingkod sa kapwa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga naging masipag sa kanilang mga gawain sa buhay na ito nawa’y magtamo ng kanilang gantimpala sa Langit, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama, inihahayag ng iyong Anak ang pag-ibig mo sa amin. Sa tulong ng mga panalangin ng matatapang na pastol na nangangalaga sa iyong kawan, inilalapit namin sa iyo ang aming mga kahilingan sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.