9,585 total views
Paggunita kay San Atanasio, obispo at pantas ng Simbahan
Mga Gawa 15, 7-21
Salmo 95, 1-2a. 2b-3. 10
Sa lahat ay pinahayag
gawa ng Poong nagligtas.
Juan 15, 9-11
Memorial of St. Athanasius, Bishop and Doctor of the Church (White)
Mga Pagbasa mula sa
Huwebes sa Ika-5 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 15, 7-21
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, pagkatapos ng mahabang pagtatalo, tumindig si Pedro at sinabi sa mga apostol at sa matatanda: Mga kapatid, nalalaman ninyo na noong nakaraang mga araw, hinirang ako ng Diyos upang iparangal sa mga Hentil ang Mabuting Balita, at sila nama’y sumampalataya. At ang Diyos na nakasasaliksik ng puso ang nagpatotoo na, tulad natin, sila’y tinatanggap niya nang pagkalooban sila ng Espiritu Santo. Iisa ang tingin ng Diyos sa kanila’t sa atin; nilinis din niya ang kanilang puso sapagkat nanalig sila kay Hesukristo. Bakit ba marunong pa kayo sa Diyos? Ba’t ninyo ipinapapasan sa mga alagad ang isang dalahing mabigat na hindi natin napasan, ni ng ating mga magulang? Sumampalataya tayo at naligtas sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Panginoong Hesus, gayun din naman sila.”
Tumahimik ang buong kapulungan. Nakinig sila kina Bernabe at Pablo habang isinasalaysay nila ang kababalaghang ginawa ng Diyos sa mga Hentil sa pamamagitan nila. Pagkatapos, si Santiago naman ang nagsalita, “Mga kapatid, pakinggan ninyo ako. Katatapos pa lamang isalaysay ni Simon ang unang pagkatawag ng Diyos sa mga Hentil upang sila rin ay maging bayan niya, ayon sa hula ng mga propeta:
‘Pagkatapos nito ay babalik ako,
at muli kong itatayo ang bumagsak na tahanan ni David.
Muli kong ibabangon mula sa kanyang pagkaguho,
upang ang Panginoo’y hanapin ang ibang tao,
ng lahat ng bansang tinawag ko upang maging akin.
Gayun ang sabi ng Panginoon na nagpahayag ng mga bagay na ito mula pa noong una.’
“Kaya’t ang pasiya ko’y huwag nating ligaligin ang mga Hentil na lumalapit sa Diyos. Sa halip, sulatan natin sila na huwag kakain ng anumang inihandog sa diyus-diyusan; huwag makikiapid; huwag kakain ng hayop na binigti, at ng dugo. Sapagkat mula pa nang unang panahon, ang Kautusan ni Moises ay binabasa sa mga sinagoga tuwing Araw ng Pamamahinga, at ipinangangaral ang kanyang salita sa bawat bayan.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 95, 1-2a. 2b-3. 10
Sa lahat ay pinahayag
gawa ng Poong nagligtas.
o kaya: Aleluya!
Purihin ang Panginoon, awitan ng bagong awit;
Panginoo’y papurihan nitong lahat sa daigdig!
Sa lahat ay pinahayag
gawa ng Poong nagligtas.
Awitan ang Panginoon, ngalan niya ay purihin;
araw-araw ang ginawang pagliligtas ay banggitin.
Kahit saa’y ipahayag na ang Poon ay dakila,
sa madla ay ipapahayag ang dakila niyang gawa.
Sa lahat ay pinahayag
gawa ng Poong nagligtas.
“Panginoo’y siyang hari,” sa daigdig ay sabihin,
“sanlibuta’y matatag na, kahit ito ay ugain;
sa paghatol sa nilikha, lahat ay pantay sa paningin.”
Sa lahat ay pinahayag
gawa ng Poong nagligtas.
ALELUYA
Juan 10, 27
Aleluya! Aleluya!
Ang tinig ko’y pakikinggan
ng kabilang sa ‘king kawan,
ako’y kanilang susundan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 15, 9-11
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kung paanong iniibig ako ng Ama, gayun din naman, iniibig ko kayo; manatili kayo sa aking pag-ibig. Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig; tulad ko, tinutupad ko ang mga utos ng aking Ama at ako’y nananatili sa kanyang pag-ibig.
“Sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang makahati kayo sa kagalakan ko at malubos ang inyong kagalakan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikalimang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Huwebes
Sinabi ni Kristo, “Kung mamamalagi kayo sa akin at mamamalagi sa inyo ang mga pananalita ko, hingin ninyo ang anumang loobin n’yo at magkakagayon sa inyo.” Manalangin tayo nang may pagtitiwala dahil sa mga salita niyang nakapagpapasigla ng loob.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, sumasampalataya kami sa Iyo.
Ang ating Simbahan nawa’y maging isang tunay na pamayanang namumunga ng pag-ibig at kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga hindi sumasampalataya nawa’y makakilala sa Diyos sa pamamagitan ng pag-iibigan ng mga Kristiyano, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga mag-asawa nawa’y maging tapat sa kanilang pag-ibig sa isa’t isa na nagpapatunay sa kanilang pananampalataya bilang Kristiyano, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y maging matatag sa kanilang pananampalataya at manatiling kaisa ni Jesus kahit sa kanilang pagdurusa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga lumisan na sa buhay na ito nawa’y magdiwang nang walang katapusan sa tahanan ng Diyos sa Langit, manalangin tayo sa Panginoon.
Diyos na aming Ama, dinggin mo ang aming mga panalangin at puspusin mo ang aming mga puso ng iyong pag-ibig upang makapamuhay kami sa paraang kalugud-lugod sa iyo. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.