9,088 total views
Paggunita kay San Jose, manggagawa
Genesis 1, 26 – 2, 3
o kaya Colosas 3, 14-15. 17. 23-24
Salmo 89, 2. 3-4. 12-13. 14 at 16
Poon kami’y pagpalain
at iyong pagtagumpayin.
Mateo 13, 54-58
Memorial of Saint Joseph the Worker (White)
UNANG PAGBASA
Genesis 1, 26 – 2, 3
Pagbasa mula sa aklat ng Genesis
Sinabi ng Diyos: “Ngayon, lalangin natin ang tao. Ating gagawin siyang kalarawan natin. Siya ang mamamahala sa mga isda, mga ibon at lahat ng hayop, maging maamo o mailap, malaki o maliit.” Nilalang nga ng Diyos ang tao ayon sa kanyang larawan. Lumalang siya ng isang lalaki at isang babae, at sila’y pinagpala. Wika niya, “Magpakarami kayo at punuin ng inyong mga supling ang buong daigdig, at pamahalaan ito. Binibigyan ko kayo ng kapangyarihan sa mga isda, sa mga ibon, at sa lahat ng maiilap na hayop, maging malalaki o maliliit. Bibigyan ko rin kayo ng lahat ng uri ng butil at mga bungangkahoy na inyong makakain. Ang lahat ng halamang luntian ay ibibigay ko naman sa maiilap na hayop, malaki man o maliit, at sa lahat ng mga ibon.” At ito nga ang nangyari. Pinagmasdan ng Diyos ang lahat niyang ginawa, at lubos siyang nasiyahan. Dumaan ang gabi, at sumapit ang umaga – ito ang ika-anim na araw.
Gayun nilikha ng Diyos ang lupa, ang langit at lahat ng bagay na naroroon. Sa loob ng anim na araw, tinapos niyang likhain ang lahat ng ito, at siya’y nagpahinga sa ikapitong araw. Pinagpala niya ang ikapitong araw at itinangi, sapagkat sa araw na ito siya nagpahinga matapos likhain ang lahat.
Ang Salita ng Diyos.
o kaya:
Colosas 3, 14-15. 17. 23-24
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Colosas
Mga kapatid, higit sa lahat, mag-ibigan kayo pagkat ito ang buklod ng ganap na pagkakaisa. At paghariin ninyo sa inyong puso ang kapayapaang kaloob ni Kristo, sapagkat ito ang dahilan kaya kayo tinawag upang maging bahagi ng isang katawan. Magpasalamat kayong lagi. At anuman ang gagawin ninyo, maging sa salita o sa gawa, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Hesus, at sa pamamagitan niya’y magpasalamat kayo sa Diyos Ama.
Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo nang magaan sa kalooban na waring hindi sa tao kayo naglilingkod kundi sa Panginoon. Alam naman ninyong gagantimpalaan kayo ng Panginoon; tatanggapin ninyo ang inilaan niya sa kanyang mga anak. Sapagkat si Kristo ang Panginoong pinaglilingkuran ninyo.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 89, 2. 3-4. 12-13. 14 at 16
Poon kami’y pagpalain
at iyong pagtagumpayin.
o kaya: Aleluya.
Wala pa ang mga bundok, hindi mo pa nilalalang
hindi mo pa nililikha itong buong daigdigan,
ikaw noon ay Diyos na, pagkat ika’y walang hanggan.
Poon kami’y pagpalain
at iyong pagtagumpayin.
Yaong taong nilikha mo’y bumabalik sa alabok,
sa lupa ay nagbabalik kapag iyong iniutos.
Ang sanlibong mga taon ay para bang isang araw,
sa mata mo, Panginoon, isang kisap-mata lamang;
isang saglit sa magdamag na ito ay dumaraan.
Poon kami’y pagpalain
at iyong pagtagumpayin.
Yamang itong buhay nami’y maikli lang na panahon.
Itanim sa isip namin upang kami ay dumunong.
Hanggang kailan pa ba, Poon, titiisin yaring lagay
nitong iyong mga lingkod, sa gitna ng kahirapan?
Poon kami’y pagpalain
at iyong pagtagumpayin.
Kung umaga’y ipadama yaong wagas mong pag-ibig,
at sa buong buhay nami’y may galak ang aming awit,
ipakita sa lingkod mo ang dakila mong gawain,
at sa sunod naming lahi, ipadama ay gayun din.
Poon kami’y pagpalain
at iyong pagtagumpayin.
ALELUYA
Salmo 67, 20
Aleluya! Aleluya!
Manunubos naming mahal,
salamat sa ‘yong patnubay
at paglingap araw-araw.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 13, 54-58
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, umuwi si Hesus sa kanyang bayan at nagturo sa kanilang sinagoga. Nagtaka ang mga nakarinig sa kanya. Sabi nila, “Saan kumuha ng karunungan ang taong ito? Paano siya nakagagawa ng kababalaghan? Hindi ba ito ang anak ng karpintero? Hindi ba si Maria ang kanyang ina, at sina Santiago, Jose, Simon, at Judas ang kanyang mga kapatid na lalaki? At dito nakatira ang kanyang mga kapatid na babae, hindi ba? Saan niya natutunan ang lahat ng ito?” At ayaw nilang kilanlin siya. Kaya’t sinabi ni Hesus sa kanila, “Ang propeta’y iginagalang kahit saan, liban sa kanyang sariling bayan at sa kanyang sariling sambahayan.” At dahil sa di nila pagsampalataya, hindi siya gumawa roon ng maraming kababalaghan.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Mayo 1
San Jose Manggagawa
Manalangin tayo kay San Jose para sa lahat ng ating mga pangangailangan.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Paramihin mo ang bunga ng aming mga gawa, Panginoon.
Ang Simbahan nawa’y magpatuloy sa pagpapahayag ng mga kahalagahan ng katarungan bilang susi sa ating kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinuno ng pamahalaan at mga ekonomista nawa’y magsikap para sa makatarungang pamamahagi ng mga yaman at magtaguyod ng dangal ng lahat ng tao, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga negosyante nawa’y gamitin ang kanilang mga pangkabuhayang interes para sa paglilingkod sa lahat, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga dukha at mga walang hanapbuhay nawa’y makatagpo ng marangal na paraan ng ikabubuhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumaong naghirap sa paggawa noong sila ay nabubuhay pa rito sa lupa nawa’y makatanggap ng kanilang gantimpala sa kabilang buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama ng aming Manunubos, sa pagsasama ng aming mga panalangin at sa pamamagitan ni San Jose, tulungan mo kaming makita sa aming mga pagkilos ang dangal sa paggawa. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.