5,019 total views
Huwebes ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
Isaias 26, 7-9. 12. 16-19
Salmo 101, 13-14ab at 15. 16-18. 19-21
Mula sa iyong luklukan,
lahat ay ‘yong minamasdan.
Mateo 11, 28-30
Thursday of the Fifteenth Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Isaias 26, 7-9. 12. 16-19
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Pinapatnubayan mo ang mga taong matuwid,
at pinapatag mo ang kanyang landas.
Panginoon, sinusunod ka namin at inaasahan,
ikaw lamang ang lahat sa aming buhay.
Pagsapit ng gabi’y hinahanap-hanap ka ng aking kaluluwa.
Kapag ang batas mo’y umiral sa daigdig,
ang lahat ng tao’y mamumuhay nang matuwid.
Ikaw ang nagbibigay sa amin ng kasaganaan,
at anumang magawa nami’y dahil sa iyong pagpapala.
Hinanap ka nila sa gitna ng hirap,
nang parusahan mo’y ikaw ang tinawag.
Ang katulad namin sa iyong harapan ay babaing manganganak,
napapasigaw sa tindi ng hirap.
Nagdanas kami ng matinding hirap,
ngunit walang naidulot na kabutihan,
walang tagumpay na naidulot sa bayan,
wala kaming nagawa anuman.
Ngunit ang mga anak mong namatay ay muling mabubuhay
mga bangkay ay gigising at aawit sa galak;
kung ang paanong ang hamog ay nagpapasariwa sa lupa,
gayun ang espiritu ng Diyos, nagbibigay-buhay sa mga patay.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 101, 13-14ab at 15. 16-18. 19-21
Mula sa iyong luklukan,
lahat ay ‘yong minamasdan.
Ikaw, Panginoon, ay haring walang hanggan,
di ka malilimot ng buong kinapal.
Ikaw ay mahabag, tulungan ang Sion,
pagkat dumating na ang takdang panahon.
Mahal pa rin siya ng ‘yong mga lingkod
bagamat nawasak at gumuhong lubos.
Mula sa iyong luklukan,
lahat ay ‘yong minamasdan.
Ang lahat ng bansa sa Poon ay takot,
Maging mga hari sa buong sinukob.
Kung iyong itayong pamuli ang Sion,
ika’y mahahayag doon, Panginoon.
Daing ng mahirap ay iyong diringgin,
Di mo tatanggihan ang kanilang daing.
Mula sa iyong luklukan,
lahat ay ‘yong minamasdan.
Ito’y matititik upang matunghayan,
ng sunod na lahing di pa dumaratal;
ikaw nga, O Poon, ay papurihan.
Mula sa itaas, luklukan mong banal,
Ang lahat sa lupa’y iyong minamasdan.
Iyong dinirinig ang pagtataghuyan
ng mga bilanggong ang hatol ay bitay,
upang palayain sa hirap na taglay.
Mula sa iyong luklukan,
lahat ay ‘yong minamasdan.
ALELUYA
Mateo 11, 28
Aleluya! Aleluya!
Kayong mabigat ang pasan
ay kay Hesus maglapitan
upang kayo’y masiyahan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 11, 28-30
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo’y pagpapahingahin ko. Pasanin ninyo ang aking pamatok, at mag-aral kayo sa akin; ako’y maamo at mababang-loob, at makasusumpong kayo ng kapahingahan para sa inyong kaluluwa. Sapagkat maginhawang dalhin ang aking pamatok, at magaan ang pasaning ibibigay ko sa inyo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon
Huwebes
Sinabi ni Hesus, “Lumapit sa akin, lahat kayong nahihirapan at may pinapasan, at pagiginhawahin ko kayo” (Mt 11:28). May pananalig sa kanyang pangako, ipahayag natin ang ating mga pangangailangan sa kanya.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Jesus, Ikaw ang aming kapayapaan.
Ang Simbahan nawa’y gabayan tayo sa daan ng kapayapaan at pakikipagkasundo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga natutukso sa kawalan ng pag-asa dahil sa bigat ng kanilang mga suliranin nawa’y makatagpo ng sandigan kay Jesus at mailagay sa kanyang mga kamay ang kanilang mga alalahanin at ligalig, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nagdurusa sa maligalig na kaisipan nawa’y magkaroon ng kapayapaan kay Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nahihirapan sa tindi ng sakit ng katawan at karamdaman nawa’y makatagpo ng kasiyahan at kagalingan sa mga kumakalinga at nag-aaruga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y magbunyi sa walang hanggang kaligayahan sa Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, ipinangako ng iyong Anak ang kapahingahan kapag kami ay nabibigatan. Ipaubaya mo na tuwina kaming makatugon sa kanyang paggabay at mapalakas kami upang maging kanyang daan ng kapayapaan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.