5,470 total views
Sabado ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita kay San Apolinario, obispo at martir
o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado
Mikas 2, 1-5
Salmo 9, 22-23. 24-25. 28-29. 35
Poon, huwag pabayaan
ang mga nahihirapan.
Mateo 12, 14-21
Saturday of the Fifteenth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Apollinaris, Bishop and Martyr (Red)
or Optional Memorial of the Blessed Virgin Mary on Saturday (White)
UNANG PAGBASA
Mikas 2, 1-5
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Mikas
Sumpain ang mga nagbabalak ng kasamaan sa buong magdamag at maagang bumabangon upang ito’y isagawa. Kinakamkam nila ang lupa ng may lupa, inaagaw ang bahay na kanilang magustuhan. Hinahalughog nila ang bahay at sinasamsam ang mga ari-arian ng mga tao.
Kaya nga, sinasabi ng Panginoon: “May inihahanda akong parusa sa sambahayang ito, at walang makapipigil sa akin. Hindi na kayo muling magmamataas at magpapalalo pagkaraan ng araw ng inyong kaparusahan. Sa araw na iyon ay uuyamin kayo ng inyong mga kaaway at aawitan ng punebre ng kasawian: ‘Ganap na kaming nalipol; inalis na ng Diyos ang lupaing bahagi ng aming sambahayan at ibinigay sa mga bumihag sa amin.’”
Kaya’t wala na kayong mamanahing lupa na sa araw na yao’y hahatiin ng Panginoon para sa kanyang mga hinirang.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 9, 22-23. 24-25. 28-29. 35
Poon, huwag pabayaan
ang mga nahihirapan.
O Panginoong Diyos, bakit ako nilayuan?
Sa panahon ng bagabag, bakit nagtatago ikaw?
Inaapi ang mahirap ng palalo’t tampalasan,
nawa’y ito ang mahuli sa patibong nilang umang.
Poon, huwag pabayaan
ang mga nahihirapan.
Ang masama’y naghahambog sa buktot na nilalayon,
tinutuya ng masakim, sinusumpa ang Panginoon.
Sa kanyang paghahambog, ganito ang kanyang bulong:
“Hindi ako papansinin nitong Diyos na huhukom,”
ganito ang iniisip sa tuwina niyong buhong.
Poon, huwag pabayaan
ang mga nahihirapan.
Sinungaling magsalita, lapastanga’t mapagbanta,
at masakit kung mangusap, masama ang kanyang dila.
Sa liblib ay nangungubli, nag-aabang, at ang nasa’y
patayin ang walang sala’t walang malay na nilikha.
Poon, huwag pabayaan
ang mga nahihirapan.
Kita mo ang nalulungkot, pati na ang nagdurusa,
ika’y laging nakahanda sa pagtulong sa kanila;
ang wala nang maasahan ay sa iyo nagpupunta,
pagkat di ka nagkakait ng tulong mo sa kanila.
Poon, huwag pabayaan
ang mga nahihirapan.
ALELUYA
2 Corinto 5, 19
Aleluya! Aleluya!
Pinagkasundo ni Kristo
ang Diyos at mga tao;
kaya’t napatawad tayo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 12, 14-21
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, umalis ang mga Pariseo at nag-usap-usap kung paano ipapapatay si Hesus.
Alam ito ni Hesus kaya’t umalis siya roon. Maraming sumunod sa kanya at pinagaling niya ang lahat ng maysakit, ngunit mahigpit niyang ipinagbilin sa kanila na huwag ipamamalita ang tungkol sa kanya. Nangyari ito upang matupad ang sinabi ni Propeta Isaias:
“Naririto ang lingkod ko na ako rin ang humirang,
minamahal ko nang labis, lubos kong kinalulugdan;
ang banal kong Espiritu sa kanya ay ibibigay,
sa lahat ng mga bansa ibabadha’y katarungan.
Hindi siya makikipagtalo, mahinahon kung mangusap,
ang tinig niya sa lansanga’y tinig lamang na paanas;
hindi niya puputulin yaong tambong nakahapay,
ni hindi rin papatayin ang umaandap na ilawan,
hanggang itong katarunga’y mapagtagumpay niyang ganap;
at ang pag-asa ng tao sa kanya ay ilalagak.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado
Bumaling tayo sa Diyos, ang ating mahabaging Ama, siyang hindi tumatalikod sa mga mahihirap at mga nangangailangan.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama ng mga dukha at mahihina, maawa ka sa amin.
Ang Simbahan nawa’y makita bilang tahanan para sa mga mahihina at mga dukha, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga lingkod publiko nawa’y tunay na maglingkod sa kanilang pinamumunuan nang may matuwid na hangarin, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nagtalaga ng kanilang mga sarili sa kabanalan nawa’y ibigay ang buong buhay nila sa Diyos at sa Simbahan sa pamamagitan ng kanilang pagiging saksi, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at nagdurusa nawa’y tingnan natin nang may habag at unawa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namatay nawa’y makadama ng mapagligtas na kapangyarihan ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Mahabaging Ama, gawin mo kaming tunay na mga lingkod ng iyong pagmamahal. Maging katulad nawa kami ng iyong Anak na dumating hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.