5,720 total views
Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Jeremias 23, 1-6
Salmo 22, 1-3a. 3b-4. 5. 6
Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.
Efeso 2, 13-18
Marcos 6, 30-34
Sixteenth Sunday in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Jeremias 23, 1-6
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias
Parurusahan ng Panginoon ang mga namumunong walang malasakit sa kanilang mga nasasakupan at pinababayaang ang mga ito’y mangalat at mamatay. Ito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, tungkol sa mga tagapanguna ng kanyang bayan: “Pinapangalat ninyo at pinabayaan ang aking kawan. Hindi ninyo sila binantayan kaya’t kayo’y parurusahan ko dahil sa inyong ginawang ito. Ako na ang magtitipon sa nalabi sa aking mga tupa mula sa lahat ng lupaing pinagtapunan ko sa kanila. Ibabalik ko sila sa kanilang tinubuang lupa, at sila’y muling darami. Hihirang ako ng mga pastol na magmamalasakit at mangangalaga sa kanila. Hindi na sila muli pang daranas ng takot at agam-agam, at wala nang maliligaw kahit isa. Akong Panginoon ang may sabi nito.”
“Nalalapit na ang araw,” sabi ng Panginoon, “na pasisibulin ko mula sa lahi ni David ang isang sangang matuwid, isang hari na buong karunungang maghahari. Paiiralin niya sa buong lupain ang batas at katarungan. Magiging matiwasay ang Juda sa panahon ng kanyang pamamahala, at ang Israel ay mapayapang mamumuhay. Ito ang pangalang itatawag sa kaniya: ‘Ang Panginoon ay Matuwid.’”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 22, 1-3a. 3b-4. 5. 6
Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.
Panginoo’y aking Pastol, hindi ako magkukulang.
Ako’y pinahihimlay sa mainam na pastulan,
at inaakay niya ako sa tahimik na batisan,
binibigyan niya ako niyong bagong kalakasan.
Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.
At sang-ayon sa pangako na kaniyang binitiwan
sa matuwid na landasi’y doon ako inaakay.
Kahit na ang daang iyo’y tumatahak sa karimlan,
hindi ako matatakot pagkat ika’y kaagapay;
ang tungkod mo at pamalo ang gabay ko at sanggalang.
Pastol ko’y Panginoong D’yos, hindi ako magdarahop.
Sa harapan ng lingkod mo, ikaw ay may handang dulang,
ito’y iyong ginagawang nakikita ng kaaway;
nalulugod ka sa akin na ulo ko ay langisan
at pati na ang kalis ko ay iyong pinaaapaw.
Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.
Tunay na ang pag-ibig mo at ang iyong kabutihan,
sasaaki’t tataglayin habang ako’y nabubuhay;
doon ako sa templo lalagi at mananahan.
Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.
IKALAWANG PAGBASA
Efeso 2, 13-18
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Mga kapatid, ngayon, dahil sa inyong pakikipag-isa kay Kristo Hesus, kayong dating nasa malayo ay nailapit sa pamamagitan ng kanyang kamatayan. Pinagkasundo niya tayo. Kaming mga Judio at kayong mga Hentil ay kanyang pinag-isa. Sa pamamagitan ng kanyang katawan, pinawi niya ang alitan na parang pader na naghihiwalay sa atin. Pinawalang bisa niya ang Kautusang pawang mga utos at tuntunin upang pag-isahin sa kanya ang dalawang bayan at maghari ang kapayapaan. Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus, winakasan niya ang alitan ng dalawang bayan, kapwa pinapanumbalik sa Diyos at pinagbuklod sa iisang katawan. Naparito si Kristo at ipinangaral sa lahat ang Mabuting Balita ng kapayapaan — sa inyong mga Hentil na malayo sa Diyos, at sa mga Judio na malapit sa kanya. Dahil kay Kristo, tayo’y kapwa makalalapit sa Ama sa pamamagitan ng Espiritu.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Juan 10, 27
Aleluya! Aleluya!
Ang tinig ko’y pakikinggan
ng kabilang sa ‘king kawan,
ako’y kanilang susundan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 6, 30-34
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, bumalik kay Hesus ang mga apostol at iniulat ang lahat ng kanilang naisagawa at naituro. Napakaraming taong dumarating at umaalis, anupat hindi na makuhang kumain ni Hesus at ng kanyang mga alagad. Kaya’t sinabi niya sa mga ito, “Magtungo kayo sa isang ilang na pook upang malayo sa karamihan at makapagpahinga kayo nang kaunti.” Umalis silang lulan ng bangka, at nagpunta nga sa isang ilang na dako.
Ngunit maraming nakakita sa kanilang pag-alis at nakilala sila. Kaya’t mula sa lahat ng bayan, ang mga tao’y patakbong tumungo sa dakong pupuntahan nina Hesus at nauna pang dumating doon kaysa kanila. Paglunsad ni Hesus, nakita niya ang napakaraming tao; nahabag siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol. At sila’y tinuruan niya ng maraming bagay.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Lahat tayo’y kabilang sa kawan ni Kristo, at ilan sa atin ay kabahagi sa kanyang pamumuno. Ipanalangin natin ang lahat ng nahirang magpastol sa kanilang mga kapatid.
Hesus, Butihing Pastol, dinggin mo kami!
Para sa mga pinuno ng Simbahan: Nawa’y lagi silang maging tapat sa kanilang tungkuling itaguyod ang kapakanang espirituwal ng mga mananampalataya. Manalangin tayo!
Para sa ating mga pinunong pambayan: Nawa sila’y maging tapat at di-makasarili sa pagtupad sa kanilang tungkuling magtaguyod ng katarungan at kapayapaan sa bayan. Manalangin tayo!
Para sa lahat ng magulang, guro, at mga nanunungkulan: Bigyang-pansin nawa nila ang pangangailangan ng kanilang mga anak, estudyante, at mga pinamumunuan bilang mga kinatawan ng Diyos, ang Dakilang Pastol ng lahat. Manalangin tayo!
Para sa mga doktor, mga social worker, at lahat ng may pananagutan sa kapakanan ng kabataan, mahihina, at mga nangangailangan sa lipunan: Nawa’y magsumikap sila sa pagtupad sa kanilang tungkulin. Manalangin tayo!
Para sa mga maysakit at nasa bingit ng kamatayan: Nawa’y makatagpo sila sa mga pari, doktor, nars, at kamag-anak ng tunay na pagmamahal ng Dakilang Butihing Pastol. Manalangin tayo!
Nawa’y lahat ng tumatanggap ng Sakramento ng Pagpapahid ng Langis, kasama ng kanilang mga mahal sa buhay, ay makapagkamit ng kapangyarihan ng Panginoon at maging tanda nawa sila ng habag at pag-asa para sa lahat. Manalangin tayo!
Panginoon, lingapin mo ng iyong pagmamahal ang mga pastol ng Simbahan, lalo na ng aming pamayanan. Pagpalain mo ang kanilang mga pagsisikap. Palakasin mo sila at gawin silang mapagbigay habang nagsisikap silang tumulad kay Hesus, ang ating mapagmahal na Mabuting Pastol na nabubuhay at naghahari magpakailanman.
Amen!