5,986 total views
Miyerkules ng Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita kay San Sharbel Makhluf, pari
Jeremias 1, 1. 4-10
Salmo 70, 1-2. 3-4a. 5-6ab. 15ab at 17
Patuloy kong isasaysay
ang dulot mong kaligtasan.
Mateo 13, 1-9
Wednesday of the Sixteenth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of st. Sharbel Makhluf, Priest (White)
UNANG PAGBASA
Jeremias 1, 1. 4-10
Ang simula ng aklat ni propeta Jeremias
Ang aklat na ito ay sulat ng mga sinabi at ginawa ni Jeremias na anak ni Hilcias at isang saserdote sa Anatot, sa lupain ng lipi ni Benjamin.
Sinabi sa akin ng Panginoon, “Pinili na kita bago ka ipinaglihi upang maging propeta sa lahat ng bansa.”
Sinabi ko naman, “Panginoon, hindi po ako marunong magsalita; bata pa po ako.”
Subalit sinabi niya sa akin, “Huwag mong sabihing bata ka. Sinusugo kita kaya’t humayo ka. Ipahayag mo sa lahat ang aking iuutos sa iyo. Huwag mo silang katatakutan pagkat ako’y sasaiyo at iingatan kita. Akong Panginoon ang nagsasabi nito.”
Pagkatapos, iniunat ng Panginoon ang kanyang bisig, hinipo ang mga labi ko, at sinabi, “Hayan, ibinibigay ko sa iyo ang dapat mong sabihin. Ibinibigay ko rin ngayon sa iyo ang kapangyarihan sa mga bansa’t mga kaharian, sila’y bunutin at ibagsak, lipulin at iwasak, ibangon at itatag.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 70, 1-2. 3-4a. 5-6ab. 15ab at 17
Patuloy kong isasaysay
ang dulot mong kaligtasan.
Sa iyo lang, Panginoon, lubos akong nananalig,
h’wag mo akong pabayaang mapahiya at malupig;
tulungan mo ako ngayon yamang ikaw ay matuwid.
Ako sana ay sagipin, sa daing ko ay makinig.
Patuloy kong isasaysay
ang dulot mong kaligtasan.
Ikaw nawa ang muog ko at ligtas na kakanlungan,
matatag na kublihan ko at matibay na sanggalang.
Sa lahat ng masasama, O Diyos, ako’y ipaglaban,
sa kuko ng mababagsik, huwag mo akong pabayaan.
Patuloy kong isasaysay
ang dulot mong kaligtasan.
Panginoon, sa iyo ko inilagak ang pag-asa,
maliit pang bata ako, sa iyo’y may tiwala na;
sa simula at mula pa wala akong inasahang
mag-iingat sa sarili, kundi tanging ikaw lamang;
kaya naman ikaw, Poon, pupurihin araw-araw.
Patuloy kong isasaysay
ang dulot mong kaligtasan.
Pagkat ikaw ay dakila, patuloy kong isasaysay,
maghapon kong ihahayag ang dulot mong kaligtasan:
Sapul pa sa pagkabata ako’y iyong tinuruan,
hanggang ngayo’y sinasambit ang gawa mong hinangaan.
Patuloy kong isasaysay
ang dulot mong kaligtasan.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Salita ng D’yos ang buto
na tanim ni Hesukristo
upang tumubo sa tao.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 13, 1-9
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noon ding araw na iyon, si Hesus ay lumabas ng bahay at naupo sa tabi ng lawa. Pinagkalipumpunan siya ng makapal na tao, kaya sumakay siya sa isang bangka at doon naupo. Nasa dalampasigan naman ang mga tao. At nagturo siya ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga.
“May isang magsasakang lumabas upang maghasik. Sa kanyang paghahasik ay may binhing nalaglag sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga iyon. May binhi namang nalaglag sa kabatuhan. Sapagkat manipis lang ang lupa roon, sumibol agad ang binhing iyon, ngunit nang mapabilad sa matinding sikat ng araw ay natuyo, palibhasa’y walang gaanong ugat. May binhi namang nalaglag sa dawagan; lumago ang mga dawag at ininis ang mga iyon. Ngunit ang binhing nalaglag sa mabuting lupa ay nag-uhay: may tigsasandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpung butil ang bawat uhay. Ang may pandinig ay makinig!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-16 Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules
Sabihin natin sa Diyos ang ating pagnanais sa isang mayamang ani sa mundo habang ating nasasalamin ang hindi matabang lupa sa ating buhay.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, gawin Mong mabunga ang aming buhay.
Ang Simbahan nawa’y magbunga ng mayamang ani sa pamamagitan ng katapatan at dedikasyon ng kanyang mga lingkod, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ani ng katarungan nawa’y magbuhat sa hindi makasariling paggawa ng mga pinuno, mambabatas at hukom ng gobyerno, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga magsasaka na nagpapagal sa bukid nawa’y umani ng bunga ng kanilang paggawa at makatulong sa ikauunlad ng sambayanan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit na nahihirapan sa mga kasawian sa buhay nawa’y masiyahan sa ani ng pagpapalakas-loob mula sa kanilang mga kaibigan at komunidad, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga tapat na yumao nawa’y makarating sa kanilang walang hanggang tahanan, manalangin tayo sa Panginoon.
Mapagmahal na Ama, tulungan mo kaming makapagdulot ng mayamang ani sa anumang iyong itinanim sa aming mga puso. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.