6,738 total views
Paggunita kina San Joaquin at Santa Ana, mga magulang ng Mahal na Birheng Maria
Jeremias 3, 14-17
Jeremias 31, 10. 11-12ab. 13
Pumapatnubay na Diyos
ang Pastol na kumukupkop.
Mateo 13, 18-23
Memorial of Sts. Joachim and Anne, Parents of the Blessed Virgin Mary (White)
Mga Pagbasa mula sa
Biyernes ng Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
UNANG PAGBASA
Jeremias 3, 14-17
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias
“Magbalik kayo sa akin, kayong mga nagtaksil, pagkat ako ang inyong Panginoon,” wika ng Panginoon. “Kukuha ako sa inyo ng isa sa bawat bayan at dalawa sa bawat angkan at ibabalik ko kayo sa Bundok ng Sion. Bibigyan ko kayo ng mga pinunong tatalima sa akin, at pamamahalaan nila kayo nang buong katalinuhan at pagkaunawa. At kung dumami na kayo sa lupaing iyon, hindi na pag-uusapan ng mga tao ang tungkol sa Kaban ng Tipan ng Panginoon. Hindi na nila ito kakailanganin ni iisipin o gugunitain. At hindi na rin sila gagawa ng ibang kaban. Pag sumapit na ang panahong iyon, ang Jerusalem ay tatawaging Luklukan ng Panginoon. Lahat ng bansa’y magkakatipon doon upang parangalan ako. Hindi na nila gagawin ang balang maibigan.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Jeremias 31, 10. 11-12ab. 13
Pumapatnubay na Diyos
ay Pastol na kumukupkop.
Mga bansa, pakinggan ninyo ang sabi ng Poon,
at ipahayag ninyo sa malalayong lupain:
“Pinapangalat ko ang mga anak ni Israel,
ngunit sila’y muli kong titipunin at aalagaan,
gaya ng pagbabantay ng isang pastol sa kanyang mga tupa.”
Pumapatnubay na Diyos
ay Pastol na kumukupkop.
Sapagkat tinubos ng Poon si Jacob, at pinalaya sa kapangyarihan ng kaaway na lubhang makapangyarihan at malakas.
Aakyat silang nagsisigawan sa tuwa patungo sa Bundok ng Sion,
tigib ng kaligayahan dahil sa mga pagpapala ng Poon.
Pumapatnubay na Diyos
ay Pastol na kumukupkop.
Kung magkagayon, sasayaw sa katuwaan ang mga dalaga
makikigalak pati mga binata’t matatanda;
ang kanilang dalamhati ay magiging tuwa,
papalitan ko ng kagalakan ang kanilang kalungkutan.
Pumapatnubay na Diyos
ay Pastol na kumukupkop.
ALELUYA
Lucas 8, 15
Aleluya! Aleluya!
Ang Salitang mula sa D’yos
kapag isinasaloob
ay mamumunga nang lubos.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 13, 18-23
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Pakinggan nga ninyo ang kahulugan ng talinghaga tungkol sa manghahasik. Ang mga nakikinig ng Salita tungkol sa paghahari ng Diyos ngunit hindi nakauunawa nito ay katulad ng mga binhing nahasik sa tabi ng daan. Dumarating ang Masama at inaagaw ang nahasik sa kanilang puso. Inilalarawan ng binhing nahasik sa kabatuhan ang nakikinig ng Salita at masayang tumatanggap nito kaagad. Ngunit hindi ito tumitimo sa puso nila kaya’t hindi sila nananatili. Pagdating ng mga kapighatian o pag-uusig dahil sa Salita, agad silang nanlalamig. Inilalarawan naman ng naghasik sa dawagan ang nakikinig ng Salita, ngunit naging abala sa mga bagay ukol sa mundong ito, at naging maibigin sa mga kayamanan anupat ang Salita’y nawalan na ng puwang sa kanilang puso, kaya’t hindi makapamunga. At inilalarawan ng naghasik sa matabang lupa ang mga nakikinig ng Salita at nakauunawa nito. Sila’y namumunga: may tigsasandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpu.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes
Manalangin tayo sa Ama sa Langit upang makinig ang sangkatauhan sa kanyang makapangyarihang salita at magbunga ito sa ating buhay.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, palaguin mo ang iyong salita sa amin.
Ang Bayan ng Diyos nawa’y maging bukas sa Salita ng Diyos at maipahayag ito sa pamamaraang mauunawaan ng lahat, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga naglilingkod sa bayan nawa’y gawin ang kanilang tungkulin nang may katapatan at dangal, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga magsasaka at ang mga nagtatrabaho sa bukirin nawa’y basbasan ng mabuting panahon at mayamang ani, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y makatagpo ng kasiyahan at kapayapaan sa mga Salita ni Jesus, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga mahal na yumao nawa’y mamayapa sa Kahariang inihanda para sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoong Diyos, magsalita kayo sa amin at gawin mo kaming makinig sa iyo. Magbunga nawa ito ng buhay Kristiyano sa amin. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.