10,907 total views
Martes sa Ika-5 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
o kaya Paggunita kay San Pio V, Papa
Mga Gawa 14, 19-28
Salmo 114, 10-11. 12-13ab. 21
Talastas ng mga tao,
dakilang paghahari mo.
Juan 14, 27-31a
Tuesday of Fifth Week of Easter (White)
or Optional Memorial of St. Pius V, Pope (White)
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 14, 19-28
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, may mga Judiong dumating doon mula sa Antioquia at Iconio. Sinulsulan nila ang mga tao laban kay Pablo at kanilang binato siya. Pagkatapos, kinaladkad siya sa labas ng bayan, sa pag-aakalang patay na. Subalit nang paligiran siya ng mga alagad, nagtindig si Pablo at pumasok sa lungsod. Kinabukasan, nagtungo sila ni Bernabe sa Derbe.
Ipinangaral nina Pablo at Bernabe ang Mabuting Balita sa Derbe, at marami silang nahikayat na maging alagad. Pagkatapos, nagbalik sila sa Listra, sa Iconio, at sa Antioquia ng Pisidia. Pinatatag nila ang kalooban ng mga alagad at pinagpayuhan na manatiling tapat sa pananampalataya. “Magdaranas muna tayo ng maraming kapighatian bago makapasok sa kaharian ng Diyos,” turo nila sa kanila. Sa bawat simbahan, humirang sila ng matatandang mamamahala, at matapos manalangin at mag-ayuno, ang mga ito’y itinagubilin nila sa Panginoon na kanilang pinananaligan.
Tinahak nila ang Pisidia, at nakarating ng Panfilia. Ipinangaral nila sa Perga ang salita ng Diyos, at pagkatapos ay bumaba sila sa Atalia. Mula roon, naglayag silang pabalik sa Antioquia. Dito sila nagsimula ng gawaing ginanap nila matapos silang itagubilin sa pagkalinga ng Diyos.
Pagdating doon, tinipon nila ang mga kaanib ng simbahan at isinalaysay ang lahat ng ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila, at kung paanong binuksan niya ang daan upang makapanampalataya ang mga Hentil. At mahabang panahon silang nanatili roon, kasama ng mga alagad.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 114, 10-11. 12-13ab. 21
Talastas ng mga tao
dakilang paghahari mo.
o kaya: Aleluya!
Magpupuring lahat sa iyo, O Panginoon, ang iyong nilalang;
lahat mong nilikha ay pupurihin ka’t pasasalamatan.
Babanggitin nilang tunay na dakila ang ‘yong kaharian,
at ibabalitang tunay kang dakila’t makapangyarihan.
Talastas ng mga tao
dakilang paghahari mo.
Dakila mong gawa’y upang matalastas ng lahat ng tao,
mababatid nila ang kadakilaan ng paghahari mo.
Ang paghahari mo’y sadyang walang hanggan, hindi magbabago.
Talastas ng mga tao
dakilang paghahari mo.
Aking pupurihin ang Diyos na Panginoon, di ko tutugutan
sa ngalan niyang banal, lahat ay magpuri magpakailanman.
Talastas ng mga tao
dakilang paghahari mo.
ALELUYA
Lucas 24, 46. 26
Aleluya! Aleluya!
Si Kristo’y laang magtiis
nang tagumpay ay makamit
at sumaatin ang langit.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 14, 27-31a
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng ibinibigay ng sanlibutan. Huwag kayong mabalisa; huwag kayong matakot. Sinabi ko na sa inyo, ‘Ako’y aalis, ngunit babalik ako.’ Kung iniibig ninyo ako, ikagagalak ninyo ang pagpunta ko sa Ama, sapagkat dakila ang Ama kaysa sa akin. Sinasabi ko na ito sa inyo bago pa mangyari upang, kung mangyari na, kayo’y manalig sa akin. Hindi na ako pakahahaba ng pagsasalita sa inyo, sapagkat dumarating na ang pinuno ng sanlibutang ito. Wala siyang kapangyarihan sa akin, subalit dapat makilala ng sanlibutan na iniibig ko ang Ama at ang ginagawa ko’y ang iniutos niya sa akin.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikalimang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Martes
Ang pinakadakilang handog sa atin ng ating Panginoong Muling Nabuhay ay ang kapayapaang hindi maibibigay ng mundo. Sa ngalan niya, hingin natin sa Ama ang lahat ng ating mga pangangailangan.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, ipagkaloob Mo sa amin ang iyong kapayapaan.
Ang mga pinuno ng Simbahan nawa’y magsikap na itaguyod ang lahat ng tao tungo sa pagkakaunawaan, pagtutulungan, at kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga mamamayan ng lahat ng bansa nawa’y magtaguyod ng katarungan at kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga naliligalig, natatakot, at nababagabag nawa’y makatagpo ng tunay na kapayapaan at kaligayahan, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa ating mga tahanan at lugar ng hanapbuhay nawa’y maghari ang kapayapaan at pag-ibig, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y magtamasa ng walang hanggang kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoong Diyos, ipagkaloob mo sa amin ang kapayapaang kailangan namin. Tulungan mo kaming makipagkasundo sa aming mga sarili, sa aming kapwa, at higit sa lahat sa aming mga kaaway. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.