12,307 total views
Biyernes sa Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Mga Gawa 13, 26-33
Salmo 2, 6-7. 8-9. 10-11
Anak ng Diyos kailanman
sa simula pa sumilang.
Juan 14, 1-6
Friday of the Fourth Week of Easter (White)
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 13, 26-33
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, nang dumating si Pablo sa Antioquia ng Pisidia, siya ay pumasok sa sinagoga at sinabi: “Mga kapatid kong mula sa lahi ni Abraham, at mga taong may takot sa Diyos: tayo ang pinadalhan ng balitang ito tungkol sa kaligtasan. Hindi kinilala ng mga naninirahan sa Jerusalem at ng kanilang mga pinuno na si Kristo ang Tagapagligtas. Hindi rin nila inunawa ang mga hula ng mga propeta, na binabasa tuwing Araw ng Pamamahinga; ngunit sila na rin ang nagsakatuparan ng hulang iyon nang hatulan nila ng kamatayan si Hesus. Bagamat wala silang sapat na katibayan para siya’y hatulan ng kamatayan, hiniling pa rin nila kay Pilato na siya’y ipapatay. At nang matupad na nila ang lahat ng nasusulat tungkol sa kanya, ibinaba nila ito sa krus at inilibing. Subalit siya’y muling binuhay ng Diyos, at sa loob ng maraming araw ay napakita sa mga sumama sa kanya nang siya’y pumunta sa Jerusalem mula sa Galilea. Ngayon, sila’y mga saksi niya sa mga Israelita. At narito kami upang ipahayag sa inyo ang Mabuting Balita. Ito ang pangako ng Diyos sa ating mga ninuno na kanyang tinupad sa atin nang muli niyang buhayin si Hesus. Ito ang nasusulat sa ikalawang Awit:
‘Ikaw ang aking Anak,
Ako ang iyong Ama.’”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 2, 6-7. 8-9. 10-11
Anak ng Diyos kailanman
sa simula pa sumilang.
o kaya: Aleluya!
Tungkol sa ‘kin ay sinabi ng Poong D’yos: “Sa bundok kong mahal,
sa tuktok ng Sion, aking iniluklok ang haring Marangal.”
Ganito ang sabi ng lingkod ng Poon na hari sa Sion:
“Aking ihahayag ang ipinag-utos nitong Panginoon,
‘Ikaw ang anak kong pinakamamahal, at magmula ngayon,
Ako namang ito ang giliw mong ama sa habang panahon.
Anak ng Diyos kailanman
sa simula pa sumilang.
Hingin mo sa akin ang lahat ng bansa, at ibibigay ko,
anumang narito sa buong daigdig ay magiging iyo.
Pamamahalaan mo ng kamay na bakal ang lahat ng ito,
tulad ng palayok, durugin mo sila sa mga kamay mo.’”
Anak ng Diyos kailanman
sa simula pa sumilang.
Kayong mga hari at tagapamuno sa lahat ng bansa,
mangag-ingat kayo at magpakabuti sa pamamahala;
ang Panginoong Diyos inyong paglingkura’t katakutang lubha.
Anak ng Diyos kailanman
sa simula pa sumilang.
ALELUYA
Juan 14, 6
Aleluya! Aleluya!
Ikaw, O Kristo, ang Daan,
ang Katotohana’t Buhay
patungo sa Amang mahal.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 14, 1-6
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Huwag kayong mabalisa; manalig kayo sa Diyos at manalig din kayo sa akin. Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid; kung hindi gayun, sinabi ko na sana sa inyo. At paroroon ako upang ipaghanda ko kayo ng matitirhan. Kapag naroroon na ako at naipaghanda na kayo ng matitirhan, babalik ako at isasama kayo sa kinaroroonan ko. At alam na ninyo ang daan patungo sa pupuntahan ko.” Sinabi sa kanya ni Tomas, “Panginoon, hindi po namin alam kung saan kayo pupunta, paano naming malalaman ang daan?” Sumagot si Hesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Biyernes
Manalangin tayo nang may buong pagtitiwala sa ating Ama na sa pamamagitan ni Jesus ay naghanda ng lugar sa Langit para sa atin.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, akayin Mo kami patungo sa iyong kaharian.
Ang Simbahan nawa’y akayin ang mga mananampalataya sa tamang daan patungo sa Kaharian, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga naglilingkod sa pamahalaan nawa’y maging mga buhay at mabisang kasangkapan sa pagbabago ng ating lipunan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga naliligalig dahil sa mga alalahanin tungkol sa pananalapi at mga materyal na bagay nawa’y makatagpo ng kanlungan sa mapagpalang pangangalaga ng Panginoon, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa kahinaan ng ating mga katawan at kaluluwa, nawa’y higit pa tayong umasa sa Diyos na nagnanais na pagkalooban tayo ng lubos at mananatiling kagalingan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namayapa nawa’y makalaya sa mga ligalig ng mundong ito at magtamasa ng walang hanggang kapanatagan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, loobin mo na laging nakatuon ang aming mga mata sa iyong tahanan kung saan inaasam naming manirahan sa piling mo magpasawalang hanggan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.