5,806 total views
Lunes sa Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Mga Gawa 11, 1-18
Salmo 41, 2. 3; Salmo 42, 3. 4
Aking kinasasabikan
ang Diyos na nabubuhay.
Juan 10, 1-10
Monday of the Fourth Week of Easter (White)
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 11, 1-18
Pagbasa mula sa mga Gawa ng mga Apostol
Noong mga araw na iyon, nabalitaan ng mga apostol at ng mga kapatid sa buong Judea na tinanggap din ng mga Hentil ang salita ng Diyos. Kaya’t nang umahon si Pedro sa Jerusalem, siya’y pinuna ng mga kapatid na Judio. “Nakituloy ka sa mga Hentil, at nakisalo sa kanila!” sabi nila. Kaya’t isinaysay sa kanila ni Pedro ang buong pangyayari, buhat sa pasimula:
“Nasa lungsod ako ng Jope at nananalangin nang magkaroon ako ng pangitain. Mula sa langit ay inihugos sa kinaroroonan ko ang isang tila malaking kumot na nakabitin sa apat na panulukan. Pinagmasdan ko itong mabuti at nakita ko roon ang lahat ng uri ng hayop: lumalakad at gumagapang sa lupa, pati maiilap, at mga lumilipad sa himpapawid. At narinig ko ang isang tinig na nagsabi, ‘Tumindig ka, Pedro. Magpatay ka’t kumain!’ Subalit sinabi ko, ‘Hinding-hindi ko po magagawa iyon, Panginoon. Hindi ako kumakain ng anumang bagay na itinuturing na marumi o di karapat-dapat.’ Muli kong narinig ang tinig mula sa langit, ‘Huwag mong ituring na marumi ang mga nilinis ng Diyos!’ Tatlong ulit na nangyari ito at pagkatapos ay binatak na pataas sa langit ang bagay na iyon. Nang sandali ring iyon, dumating sa bahay na tinutuluyan ko ang tatlong lalaking sinugo sa akin buhat sa Cesarea. Sinabi sa akin ng Espiritu na huwag akong mag-atubiling sumama sa kanila. Sumama rin sa akin ang anim na kapatid na ito at pumasok kami sa bahay ni Cornelio. Isinalaysay niya sa amin na nakakita siya ng isang anghel na nakatayo sa loob ng kanyang bahay, at sinabi sa kanya, ‘Magpasugo ka sa Jope at ipasundo mo si Simon na tinatawag ding Pedro. Sasabihin niya sa iyo ang tungkol sa ikaliligtas mo at ng iyong sambahayan.’ Nagsisimula pa lamang akong magsalita ay bumaba na sa kanila ang Espiritu Santo gaya ng pagkababa nito sa atin noong una. At naalaala ko ang sinabi ng Panginoon, ‘Si Juan ay nagbibinyag sa tubig, ngunit bibinyagan kayo sa Espiritu Santo.’ Kung binigyan sila ng Diyos ng kaloob na tulad ng ibinigay niya sa atin nang manalig tayo sa Panginoong Hesukristo, sino akong hahadlang sa Diyos?” Nang marinig nila ito, tumigil na sila ng pagpuna, at sa halip ay nagpuri sa Diyos. “Kung gayun,” sabi nila, “ang mga Hentil ma’y binigyan din ng pagkakataong magsisi’t magbagong-buhay upang maligtas!”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 41, 2. 3; Salmo 42, 3. 4
Aking kinasasabikan
ang Diyos na nabubuhay.
Kung paanong yaong batis ang hanap ng isang usa;
gayun hinahanap ang Diyos ng uhaw kong kaluluwa.
Aking kinasasabikan
ang Diyos na nabubuhay.
Nananabik ako sa Diyos, Diyos na buhay, walang iba;
kailan kaya maaaring sa harap mo ay sumamba?
Aking kinasasabikan
ang Diyos na nabubuhay.
Ang totoo’t ang liwanag, buhat sa ‘yo ay pakamtan,
upang sa Sion ay mabalik, sa bundok mong dakong banal
sa bundok mong pinagpala, at sa templo mong tirahan.
Aking kinasasabikan
ang Diyos na nabubuhay.
Sa dambana mo, O Diyos, ako naman ay dudulog,
yamang galak at ligaya ang sa aki’y iyong dulot;
sa saliw ng aking alpa’y magpupuri akong lubos
buong lugod na aawit ako sa Diyos, na aking Diyos!
Aking kinasasabikan
ang Diyos na nabubuhay.
ALELUYA
Juan 10, 14
Aleluya! Aleluya!
Ako’y pastol na butihin
kilala ko’ng tupang akin;
ako’y kilala nila rin.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 10, 1-10
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, “Tandaan ninyo ito: ang pumasok sa kulungan ng mga tupa nang hindi sa pinto nagdaraan, kundi umaakyat sa di dapat pagdaanan, ay magnanakaw at tulisan. Ngunit ang nagdaraan sa pintuan ay siyang pastol ng mga tupa. Pinapapasok siya ng bantay-pinto, at pinakikinggan ng mga tupa ang kanyang tinig. Tinatawag niya ang kanyang mga tupa sa kani-kanilang pangalan, at inilalabas sa kulungan. Kapag nailabas na, siya’y nangunguna sa kanila at sumusunod naman ang mga tupa sapagkat nakikilala nila ang kanyang tinig. Hindi sila sumusunod sa iba, bagkus pa nga’y patakbong lumalayo, sapagkat hindi nila nakikilala ang kanyang tinig.”
Sinabi ni Hesus ang talinghagang ito, ngunit hindi nila naunawaan ang ibig niyang sabihin.
Kaya’t muling sinabi ni Hesus, “Tandaan ninyo: ako ang pintuang dinaraanan ng mga tupa. Ang mga nauna sa akin ay mga magnanakaw at mga tulisan, ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. Ako ang pintuan. Ang sinumang pumapasok sa pamamagitan ko’y maliligtas. Papasok siya’t lalabas, at makatatagpo ng pastulan. Kaya lamang pupunta rito ang magnanakaw ay upang magnakaw, pumatay, at magwasak. Naparito ako upang ang mga tupa’y magkaroon ng buhay – isang buhay na ganap at kasiya-siya.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Lunes
Ang Panginoon ang Mabuting Pastol na nakakikilala sa mga kabilang sa kanyang kawan sa kani-kanilang pangalan. Ialay natin ang ating mga panalangin sa Diyos na taglay ang pagtitiwala sa kanyang pag-ibig sa atin.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Banal na Pastol, panatilihin Mo kami
sa iyong pangangalaga.
Ang Santo Papa, ang pastol na hinirang ng Diyos, nawa’y gabayan tayo sa matuwid na daan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga mananampalatayang Kristiyano nawa’y maging iisang kawan na nasa pangangalaga ng iisang Pastol, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga kabataan nawa’y magkaroon ng buhay at lubos na magkaroon nito sa pamamagitan ng katapatan sa Mabuting Pastol, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at mga nagdurusa nawa’y magtiwala kay Jesus, ang Mabuting Pastol, na dumating upang iligtas ang mga nawawalang tupa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y makapasok sa pintuan ng kulungan ng mga tupa at magdiwang kasama ng Pastol at bantay ng kanilang mga kaluluwa, manalangin tayo sa Panginoon.
Amang lubos sa kabutihan, ginagabayan mo kami sa matuwid na daan; ang iyong Anak ay laging nasa aming tabi upang kami ay patnubayan. Bigyan mo kami ng kapanatagan sa pagtugon mo sa aming mga panalangin sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.