6,588 total views
Paggunita kina Santa Marta, Santa Maria at San Lazaro
1 Juan 4, 7-16
Salmo 33, 2-3. 4-5. 6-7. 8-9. 10-11.
Palagi kong pupurihin
ang Dakilang Poon natin.
o kaya:
Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.
Juan 11, 19-27
o kaya Lucas 10, 38-42
Memorial of Sts. Martha, Mary and Lazarus (White)
UNANG PAGBASA
1 Juan 4, 7-16
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan
Mga pinakamamahal, mag-ibigan tayo sapagkat mula sa Diyos ang pag-ibig. Ang bawat umiibig ay anak ng Diyos, at kumikilala sa Diyos. Ang hindi umiibig ay hindi kumikilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig. Inihayag ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang suguin niya ang kanyang bugtong na Anak upang magkaroon tayo ng buhay sa pamamagitan niya. Ito ang pag-ibig: hindi sa inibig natin ang Diyos, kundi tayo ang inibig niya at sinugo niya ang kanyang Anak upang maging handog sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan.
Mga pinakamamahal, yamang gayon kadakila ang pag-ibig ng Diyos sa atin, dapat din tayong mag-ibigan. Walang taong nakakita sa Diyos kailanman, ngunit kung tayo’y nag-iibigan, nasa atin siya at nagiging ganap sa atin ang kanyang pag-ibig.
Nalalaman nating nananatili tayo sa Diyos at siya naman sa atin, sapagkat pinagkalooban niya tayo ng kanyang Espiritu. Nakita namin at pinatotohanang sinugo ng Ama ang kanyang Anak bilang Tagapagligtas ng sanlibutan. Ang nagpapahayag na si Hesus ang Anak ng Diyos ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos nama’y nananatili sa kanya. Nalalaman natin at pinananaligan ang pag-ibig ng Diyos sa atin.
Ang Diyos ay pag-ibig. Ang nagpapatuloy na umiibig ay nananatili sa Diyos, at nananatili naman sa kanya ang Diyos.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 33, 2-3. 4-5. 6-7. 8-9. 10-11.
Palagi kong pupurihin
ang Dakilang Poon natin.
o kaya:
Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.
Panginoo’y aking laging pupurihin;
sa pasasalamat di ako titigil.
Aking pupurihin kanyang mga gawa,
kayong naaapi, makinig, matuwa!
Palagi kong pupurihin
ang Dakilang Poon natin.
o kaya:
Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.
Ang pagkadakila niya ay ihayag
at ang ngalan niya’y purihin ng lahat!
Ang aking dalangi’y dininig ng Diyos,
nawala sa akin ang lahat kong takot.
Palagi kong pupurihin
ang Dakilang Poon natin.
o kaya:
Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.
Nagalak ang aping umasa sa kanya,
pagkat di nabigo ang pag-asa nila.
Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa,
Sila’y iniligtas sa hirap at dusa.
Palagi kong pupurihin
ang Dakilang Poon natin.
o kaya:
Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.
Anghel yaong bantay sa may takot sa Diyos,
sa mga panganib, sila’y kinukupkop.
Ang galing ng Poon hanaping masikap;
yaong nagtiwala sa kanya’t nagligtas
ay maituturing na taong mapalad.
Palagi kong pupurihin
ang Dakilang Poon natin.
o kaya:
Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.
Matakot sa Poon, kayo, kanyang bayan,
nang makamtan ninyo ang lahat ng bagay.
Kahit mga leon ay nagugutom din,
sila’y nagkukulang sa hustong pagkain;
ngunit ang sinumang ang Poon susundin,
sa anumang bagay hindi kukulangin.
Palagi kong pupurihin
ang Dakilang Poon natin.
o kaya:
Magsumikap tayong kamtin
ang Panginoong butihin.
ALELUYA
Juan 8, 12
Aleluya! Aleluya!
Sinabi ni Hesukristo:
“Ako ang ilaw ng mundo
at buhay ng alagad ko.”
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 11, 19-27
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, marami sa mga Judio ang dumalaw kina Marta at Maria upang sila’y aliwin. Nang marinig ni Marta na dumarating si Hesus, sinalubong niya ito; ngunit si Maria’y naiwan sa bahay. Sinabi ni Marta, “Panginoon, kung kayo po’y narito, hindi sana namatay ang aking kapatid. Ngunit nalalaman kong kahit ngayo’y ibibigay sa inyo ng Diyos ang anumang hingin ninyo sa kanya.” “Muling mabubuhay ang iyong kapatid,” wika ni Hesus. Sumagot si Marta, “Nalalaman ko pong siya’y mabubuhay uli sa huling araw, sa muling pagkabuhay.” Sinabi naman ni Hesus, “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang nananalig sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay, at sinumang nabubuhay at nananalig sa akin, kahit mamatay ay mabubuhay kailanman. Pinaniniwalaan mo ba ito?” “Opo, Panginoon!” sagot niya. “Nananalig ako sa inyo. Kayo po ang Anak ng Diyos, ang Mesiyas na inaasahang paparito sa sanlibutan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
o kaya:
Lucas 10, 38-42
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, nagpatuloy si Hesus at ang kanyang mga alagad sa kanilang paglalakbay at pumasok sa isang nayon. Malugod siyang tinanggap ng isang babaing nagngangalang Marta sa tahanan nito. Ang babaing ito’y may isang kapatid na Maria ang pangalan. Naupo ito sa paanan ng Panginoon at nakinig sa kanyang itinuturo. Alalang-alala si Marta sapagkat kulang ang kanyang katawan sa paghahanda, kaya’t lumapit siya kay Hesus at ang wika, “Panginoon, sabihin nga po ninyo sa kapatid kong tulungan naman ako.” Ngunit sinagot siya ng Panginoon, “Marta, Marta, naliligalig ka at abalang-abala sa maraming bagay, ngunit isa lamang ang talagang kailangan. Pinili ni Maria ang lalong mabuti, at ito’y hindi aalisin sa kanya.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Hulyo 29
Santa Marta, Santa Maria at San Lazaro
Sa kapistahang ito nina Santa Marta, Santa Maria at San Lazaro, alalahanin natin ang mga taong naglilingkod sa atin araw-araw. At hilingin natin sa Diyos na ipagkaloob sa kanila ang mga pagpapala at biyayang nais nilang makamit.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Tagapagbigay ng mga kakayahan at gawain ng paglilingkod,
basbasan Mo ang aming mga gawa.
Ang mga naglilingkod sa Simbahan nawa’y tunay na maging halimbawa sa kanilang pananalangin at paggawa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nanunungkulan sa bayan nawa’y tumupad sa kanilang mga tungkulin sa diwa ng pag-ibig at paglilingkod, manalangin tayo sa Panginoon.
Tulad nina Santa Marta, Santa Maria at San Lazaro, tayo nawa’y magkusa at maging bukas-palad sa pagbibigay ng kagalakan at ginhawa sa mga ipinagkatiwala sa ating pangangalaga, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at matatanda nawa’y makaranas ng pangangalaga at pagtataguyod ng kanilang mga pamilya at mga kaibigan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumaong mananampalataya na naglingkod noong sila ay nabubuhay pa nawa’y umani sa Langit ng mga bunga ng kanilang mga pagsisikap, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoong Diyos, humihingi kami ng biyaya ng paglilingkod. Marapatin mo na ang aming buhay at gawain ay maging mabunga para sa marami upang kami ay makapaglingkod nang katulad ni Marta. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.