6,333 total views
Martes ng Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita kay San Pedro Crisologo, obispo at pantas ng Simbahan
Jeremias 14, 17-22
Salmo 78, 8. 9. 11 at 13
Dahil sa ngalan mo,
Poon, iligtas mo kami ngayon.
Mateo 13, 36-43
Tuesday of the Seventeenth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Peter Chrysologus, Bishop and Doctor of the Church (White)
UNANG PAGBASA
Jeremias 14, 17-22
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias
“Jeremias, ipaalam mo sa bayan ang inyong kalungkutan;
sabihin mo, ‘Araw-gabi’y hindi na ako titigil ng pag-iyak;
sapagkat malalim ang sugat ng aking bayan, sila’y malubhang nasaktan.
Pag lumabas ako ng parang, nakikita ko ang mga nasawi sa digmaan;
pag ako’y pumunta sa mga bayan,
naroon naman ang mga taong namamatay ng gutom.
Patuloy sa paggala ang mga propeta at mga saserdote,
subalit hindi nila alam kung ano ang kanilang ginagawa.’”
Panginoon, lubusan mo na bang itinakwil ang Juda?
Napoot ka ba sa mga taga-Sion?
Bakit ganito kalubha ang parusa sa amin
anupat wala na kaming pag-asang gumaling?
Ang hanap nami’y kapayapaan ngunit nabigo kami;
inasam naming gumaling ngunit katatakutan ang dumating.
Panginoon, kinikilala namin ang aming kasamaan,
at ang pagtataksil ng aming mga magulang;
kaming lahat ay nagkasala sa iyo.
Huwag mo kaming itakwil, alang-alang sa iyong pangalan;
huwag mong itulot na mapahiya ang Jerusalem,
ang kinalalagyan ng marangal mong luklukan.
Alalahanin mo ang iyong tipan; huwag mo sana itong sirain.
Hindi makagagawa ng ulan ang diyus-diyusan ng alinmang bansa;
hindi makapagpapaambon man lamang ang sinuman sa kanila.
Panginoon, nasa iyo ang aming pag-asa sapagkat ikaw lamang ang makagagawa ng mga bagay na ito.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 78, 8. 9. 11 at 13
Dahil sa ngalan mo, Poon,
iligtas mo kami ngayon.
Huwag mong parusahan
kaming mga anak, sa pagkakasala ng aming magulang,
ikaw ay mahabag sa mga lingkod mong pag-asa’y pumanaw.
Dahil sa ngalan mo, Poon,
iligtas mo kami ngayon.
Mahabag ka sana,
kami ay tulungan, Panginoong Diyos na Tagapagligtas,
dahil sa ngalan mo, kaming nagkasala’y patawaring ganap
at ang pagpupuri sa iyo ng madla’y hindi maglilikat.
Dahil sa ngalan mo, Poon,
iligtas mo kami ngayon.
Iyong kahabagan
ang mga bilanggong kanilang hinuli, dinggin mo ang daing,
sa taglay mong lakas, iligtas mo silang takdang papatayin.
Kaming iyong lingkod,
lingkod mo kaming parang mga tupa sa iyong pastulan,
magpupuring lagi’t magpapasalamat sa iyong pangalan!
Dahil sa ngalan mo, Poon,
iligtas mo kami ngayon.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Salita ng D’yos ang buto
na tanim ni Hesukristo
upang tumubo sa tao.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 13, 36-43
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, iniwan ni Hesus ang mga tao at pumasok sa bahay. Lumapit ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanya, “Ipaliwanag po ninyo sa amin ang talinghaga tungkol sa masasamang damo sa bukid.” Ito ang tugon ni Hesus, “Ang Anak ng Tao ang naghahasik ng mabuting binhi. Ang bukid ay ang sanlibutan. Ang mga taong pinaghaharian ng Diyos ang mabuting binhi at ang mga taong pinaghaharian ng diyablo ang masasamang damo. Ang kaaway na naghasik ng mga iyon ay walang iba kundi ang diyablo. Ang pag-aani ay ang katapusan ng daigdig, at ang mga anghel ang mga tagapag-ani. Kung paanong iniipon ang mga damo at sinusunog, gayun din ang mangyayari sa katapusan ng daigdig. Susuguin ng Anak ng Tao ang kanyang mga anghel, at iipunin nila mula sa kanyang pinaghaharian ang lahat ng nagiging sanhi ng pagkakasala at ang lahat ng gumagawa ng masama, at ihahagis sa maningas na pugon. Doo’y mananangis sila at magngangalit ang kanilang ngipin. At magliliwanag na parang araw ng mga matuwid sa kaharian ng kanilang Ama. Ang may pandinig ay makinig!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Hulyo 26
San Joaquin at Santa Ana
Kasama nina San Joaquin at Santa Ana, magtiwala tayo sa Panginoon na nakaaalam ng mga pangangailangan ng ating mga pamilya at ng pamayanan ng Simbahan.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama ng mga salinlahi, maging mapagpala ka sa amin.
Ang Simbahan nawa’y patuloy na magtanggol sa kabanalan ng kasal at ang kahalagahan ng buhay pamilya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga magulang nawa’y maitanim sa isip at puso ng kanilang mga anak ang mga aral sa pagmamahalan at kabanalan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga anak nawa’y laging magmahal at gumalang sa kanilang mga magulang at mga ninuno, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga mag-asawang nagkakalayo nawa’y muling matuklasan at pahalagahan ang isa’t isa sa diwa ng kapayapaan, pagpapatawad, at pagkakasundo, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa mga yumaong miyembro ng ating pamilya, nawa’y ipagkaloob ng Diyos ang kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoong Diyos, basbasan mo ang aming mga tahanan. Pagbuklurin mo ang aming mga anak na lalaki at babae sa nag-iisang pamilya ng iyong Simbahan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.